Chapter 18

106 32 0
                                    

Walong buwan na ang nakakalipas simula nang maaksidente si Eunice. Wala na akong nabalitaan tungkol sa kaniya pagkatapos noon. Ni hindi ko man lang nalaman pa kung ano na ang kalagayan niya ngayon. Maayos ba siya? Okay lang ba siya? May masakit ba sa kaniya? Hindi ko alam kung ano ang sagot sa mga tanong na iyon.

Miserable na ang buhay ko ngayon, wala itong direksyon. Hindi lang siya ang nawala sa akin pati na ang aking pamilya na inakala kong magiging karamay ko hanggang dulo.

Malinaw pa sa alaala ko ang nangyari no'ng araw matapos ang kaarawan ni Tita Rebecca at hinding-hindi ko 'yon makakalimutan kahit kailan.

"Ah, babe. Naiwan ko yata 'yong wallet ko sa loob. Nando'n 'yong pera ko. Sandali lang ah, babalikan ko lang," wika ko nang mapansing nawawala ang wallet ko sa bulsa.

"Oh sige, mag-aabang na ako ng sasakyan. Hihintayin na lang kita rito," tugon naman niya.

Hindi pa man ako nakakalayo nang marinig ko ang napakalakas na banggaan ng dalawang sasakyan. Kasabay noon ang isang napakalakas ding pagtili.

Halos madurog ang puso ko nang makita si Eunice na nakahandusay sa daan, duguan at walang malay. Tumakbo ako nang mabilis sa direksiyon niya at agad na humingi ng tulong. Wala na ako sa sarili no'ng mga oras na 'yon. Tila hindi kaagad naproseso ng aking utak ang biglaang pangyayari. Sa isang iglap, gumuhong muli ang aking mundo.

Hindi ko na alam ang gagawin no'ng araw na 'yon. Pinanghinaan kaagad ako ng loob. 'Yong taong nagturo sa akin kung paano maging matatag ay siya ring naging dahilan ng aking pagkalugmok. Hindi ko siya sinisisi. Kung mayroon mang dapat sisihin sa nangyari, wala ng iba kundi ako. Galit na galit ako sa sarili ko.

Kung hindi lang sana ako umalis sa tabi niya, malamang ay nagawa ko pa siyang ilagtas. Kahit ako na lang sana ang nawala, 'wag lang siya. Kahit anong pilit kong sigaw no'ng araw na 'yon, hindi na nito nabago ang nangyari.

Sumaklolo rin si Janice. Siya na mismo ang tumawag ng ambulansya. Sinugod namin si Eunice sa pinakamalapit na hospital at no'ng araw ding 'yon, nalaman ng parents niya ang tungkol sa amin dahil na rin sa palitan namin ng mensahe sa texts.

Mas lalo pang uminit ang dugo nila sa akin nang makitang puro stolen shots ng mukha ko ang naroon kasama ang ilang litrato naming dalawa at ng mga kaibigan namin.

Sa buong buhay ko, iyon ang unang beses na sinampal ako ng ibang tao sa harapan ng mga hindi ko kakilala. Sa sobrang galit, nagawa akong sampalin ng ina ni Eunice sa mismong hospital kung saan namin siya dinala. Bukal sa loob kong tinanggap lahat ng masasakit na hampas at salita na binitawan niya. Kulang pa 'yon kung tutuusin.

Kung pwede nga lang na patayin ko na ng tuluyan ang aking sarili sa harapan niya ay matagal ko ng ginawa. Nanatili akong walang imik. Wala silang narinig na salita sa akin no'ng araw na 'yon. Tandang-tanda ko pa kung paano nila ako pinagtabuyan palabas sa hospital na para bang may napakalaki akong krimen na ginawa. Literal na gumuho ang mundo ko. Nawalan na rin ako ng ganang mabuhay pa.

Matapos ang tatlong araw, nabalitaan kong wala na sila roon sa hospital. Wala man lang makapagsabi sa akin kung saan sila nagpunta. Ilang buwan din akong nagmukmok sa kwarto ko. Sinisi ko ang sarili ko sa nangyari sa kaniya.

Kalaunan, nakarating sa mga magulang ko ang nangyari. Nagawa pa nila akong sumbatan kahit lugmok na lugmok na ako.

Kesyo ganito, ganiyan, wala akong kwenta, patapon at kung ano-ano pa. Lahat na yata ng masasakit na salita na hindi ko aakalaing sa kanila manggagaling ay napakinggan ko na.

Mas lalo nila akong kinamuhian. Ayos lang naman sa akin 'yon at tanggap ko naman. Pero 'yong taong akala ko kakampi ko hanggang dulo, wala na. Pati si Ate Haley ay nagsawa na ring unawain ako. Akala ko hindi niya ako magagawang iwanan pero akala ko lang pala 'yon. Sa sobrang sakit ng dinanas ko, dumating ako sa punto ng aking buhay na ayaw ko nang mabuhay pa.

Her Infinite Love [Completed] ✓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon