Chapter 19

106 31 2
                                    

Lumipas pa ang apat na taon. Tumigil ako sa pag-aaral pero hindi ako tumigil sa buhay. Nawalan na rin ako ng komunikasyon sa mga kaibigan ko pero inaabangan ko pa rin ang mga posts nila sa facebook paminsan-minsan.

Marami na ang nangyari simula nang mapagpasyahan naming magkaniya-kaniya muna. Tinablan na rin ako ng hiya sa pamamahay nina Janice at Tita Rebecca kaya ako na ang kusang umalis upang maghanap ng trabaho at bagong matutuluyan. 

Hindi naman nila pinaramdam sa akin na ibang tao ako roon pero sa tingin ko, mas makakabuti kung hayaan muna namin ang isa't isa na makapag-isip isip at pagtuunan ang sarili naming buhay.

Sa ngayon, nagtatrabaho ako sa isang fastfood chain. Nakahanap na rin ako ng bagong matutuluyan. Maliit lang naman 'yon pero walang kaso sa akin dahil tuwing gabi lang naman ako nandoon. Wala na akong balita kay Eunice, ni text at tawag, wala. Sobrang sakit dahil walang oras at araw na hindi ko siya iniisip.

Si Janice naman, kasama pa rin niya si Tita Rebecca. Natutuwa ako dahil kahit papaano, gumagaling na siya. Masaya ako dahil sa wakas, nahanap na rin ni Janice ang tamang tao para sa kaniya. 

Ipinakilala niya sa amin ni Tita Rebecca ang bago niyang boyfriend na si Jonard. Madalang ko na lang sila kung bisitahin dahil palagi akong walang pahinga sa trabaho. Halos wala akong day-off dahil sakto namang may lumiliban kapag hindi ako papasok kinaumagahan. 

At dahil peak season, doble ang bilang ng costumer namin. Ayoko ring nababakante ako dahil baka kung ano pa maisip ko kapag nagmukmok ako sa bahay. Itinuon ko na lang lahat ng atensiyon ko sa trabaho.

Katatapos lang ng halos labindalawang oras kong pagtatrabaho ngayong araw. Makakapagpahinga na rin ako sa wakas. Katulad ng nakagawian, mag-isa na naman akong uuwi sa inuupahan kong boarding house. 

Huwag kayong mag-alala dahil sanay na ako roon. Nasanay na akong kumain mag-isa, mamasyal mag-isa, manuod ng sine mag-isa, lahat. Hindi na bago sa akin 'to. Tanggap ko na dati pa na aabot sa gan'to ang magiging buhay ko.

Inayos ko muna ang aking sarili bago nag-abang ng masasakyan sa labas. Kasusweldo lang namin kaya paniguradong magsi-celebrate na naman ang mga katrabaho ko. Pinili kong 'wag ng sumama sa kanila dahil kailangan ko talagang magpahinga. 

Isa pa ay hindi hindi naman ako masyadong close sa kanila. Nagkakaroon lang kami ng pagkakataong makapag-usap kapag may kinalaman iyon sa trabaho. Dinahilan ko na lang na masakit ang ulo ko. Gustuhin ko mang aliwin ang aking sarili ay hindi ko pa 'yon kayang gawin sa ngayon.

Kasalukuyan akong nag-aabang ng masasakyan. Pasado alas nueve na ng gabi at kakaunti na lang ang dumaraan sa lugar na ito. Hindi ko inasahan na ang sandaling iyon pala ang muling magpapabago sa takbo ng buhay ko. Bigla ko na lamang naramdaman ang kutsilyong nakatutok sa aking tagiliran.

"Huwag kang sisigaw. Hold up 'to." Hindi na ako nag-abalang lingunin pa ang nagsalita. Namumutla na ako't kinabahan. Ngunit nang mga sandaling 'yon, hindi lang takot ang bumalot sa akin. 'Yong boses na iyon, sobrang pamilyar. Hindi ako maaaring magkamali. Kahit nakatakip siya ng mukha, alam na alam kong isa siya sa mga matagal ko ng kakilala.

Nagkunwari akong dinudukot sa bulsa ng pantalon ang aking wallet. Nang makabwelo ako, sinubukan ko siyang itulak palayo sa akin ngunit sa kasamaang palad, mabilis niyang itinarak sa aking tagiliran ang matalim na kutsilyong hawak niya. 

Bigla na lamang akong bumagsak sa sahig hawak ang duguan kong tagiliran. Isang malutong na mura ang narinig ko mula sa kaniya nang magtama ang tingin namin. Matagal kaming nagkatitigan bago siya kumaripas ng takbo. Isa lamang ang nasisiguro ko nang mga oras na 'yon at hinding-hindi ako maaaring magkamali. Siya nga! Walang iba kundi ang taong naging parte rin ng aking nakaraan.

Her Infinite Love [Completed] ✓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon