Gusto ko sanang sundan sina Kuya para mapakinggan kung ano ang pag-uusapan nila pero naisip kong maaaring personal iyon kaya hindi na ako makikisali pa. Nakapagtataka lang kasi ang itsura at tono ng boses ni Kuya Pio.
Sumilip muna ako sa may sala pero wala sila roon. Umakyat na lang muna ako sa kuwarto para magpahinga. Dumapa ako sa may kama at in-on ang laptop. Naghanap na lang ako ng mga puwedeng pampalipas oras.
Tumingin ako sa orasan nang maalala kong kailangan ko nga palang bilinan si Fifth na uminom ng gamot.
Tapos na kaya silang mag-usap ni Sixth?
Bumangon ulit ako at kumuha ng Biogesic sa loob ng bag ko. Lumabas na ako para hanapin kung nasaan sila.
Pababa na ako ng hagdan nang makasalubong ko si Kuya Pio na halos magkadikit na ang dalawang kilay. Halatang badtrip pa rin siya.
"Kuya, ano'ng problema?"
Tumingin lang siya sa gamot na hawak ko tapos pabalik sa akin. Iwinagayway ko pa malapit sa mukha niya ang kamay ko.
"Kinukumpirma ko lang kung tama nga ang hinala ko. Ayon, tama nga ako." Bigla siyang lumapit at hinalikan ako sa noo. "Punta lang muna ako sa kuwarto ko."
Tumango na lang ako bago siya nagpatuloy sa pag-akyat.
Bakit ba pakiramdam ko ang daming itinatago ng mga kapatid ko sa akin? Malamang si Kuya Aux pa rin ang issue dito. Una, nagalit si Kuya Ysmael, ngayon naman ay si Kuya Pio naman.
Naalala ko bigla ang gamot na hawak ko. Hinanap ko agad si Fifth sa may garahe pero wala siya roon. Umikot ako papuntang garden at nakita ko siyang nakaupo sa may semento at nakatukod ang mga siko sa kaniyang tuhod.
Mukhang malalim na naman ang iniisip niya.
Lumapit ako't tumabi sa kaniya, "Ito 'yong gamot mo, Kuya, oh. Inumin mo na lang mayamaya."
Hindi niya ito tinanggap kaya inilapag ko na lang sa tabihan niya.
"Stay away from me."
Biglang nangunot ang noo ko.
"Hindi naman ako mahahawa sa 'yo, eh," sagot ko. Baka kasi iyon ang ibig niyang sabihin.
Malamlam pa rin ang kaniyang mga mata kaya alam kong masama pa rin ang pakiramdam niya.
"I said—stay away from me."
Binigyan niya ng diin ang bawat salitang 'yon. Hindi ko alam kung bakit parang may kumirot sa puso ko. Hindi ko alam kung bakit biglang nag-init ang gilid ng mga mata ko.
"Bakit? Ano na naman ba ang problema? Tungkol saan—"
"Just stay away from me! Mahirap bang unawain 'yon? Umiwas ka sa akin. Layuan mo ako. Bumalik na lang tayo sa dati. Iyong parang hindi mo ako kilala. Iyong wala kang Aux na kilala."
Tumayo siya at hinampas ang pader sa gilid niya.
Napatungo ako at hindi ko namalalayang unti-unti na palang tumutulo ang mga luha ko.
Shit. Bakit ba ako umiiyak? Bakit ko ba sinasabayan ang problema niya? Bakit imbis na i-comfort ko siya ay nagkakaganito pa ako?
Gusto ko siyang tanungin kung ano'ng dahilan pero baka lalo lang akong malungkot sa mga isasagot niya. Gusto ko siyang sigawan dahil ang labo-labo niya. Ang labo nilang lahat. Hindi ko na sila maintindihan sa mga pinagsasasabi at pinaggagagawa nila.
Kinuyom ko ang mga palad ko, "Eh 'di sige. Lalayo na kung 'yan ang ikatatahimik ng kaluluwa mo. Siguraduhin mo lang na hindi ka rin lalapit sa akin dahil ikaw mismo ang nagsabi niyan."
BINABASA MO ANG
Natatangi (A Stand-alone Novel)
RomanceInaasam ang iyong pagngiti. © 2022 isipatsalita.