Tulala. Hindi makagalaw. Sobrang lakas ng tibok ng dibdib.
Ganiyan ang mga nararamdaman ko sa mga oras na ito. Alam kong mangyayari rin ito pero hindi ko inaaasahan na ngayon na mismo. Nasa kanto pa lang kami nang makita naming nakaparada sa harapan ng gate ng bahay ni Kuya Aux ang sasakyan ni Papa.
Nandito ang ama namin.
Paano ako kakalma kung alam ko na ang mga susunod na mangyayari? Alam kong galit si Papa at natatakot ako sa puwede niyang gawin ngayon.
Nilingon ko ang katabi ko at nakitang kalmado lamang siya. Hindi ba siya natatakot o nagwo-worry man lang? Kasi ako, sobrang kinakabahan na. Parang ayaw ko na lang bumaba ng sasakyan. Parang gusto ko na lang ipaatras kay Fifth ang sasakyan at huwag na munang umuwi.
Nagulat ako nang bigla niyang kinuha ang kamay kong nakapatong sa hita ko. Ipinagsiklop niya ito sa kaniya kaya medyo gumaan ang pakiramdam ko.
Hindi ko na lang ininda ang kung ano mang malisya ang mayroon sa ginawa niya dahil ang tanging naiisip ko sa mga sandaling ito ay kung ano ang sasabihin namin kay Papa.
"Everything's going to be fine," paniniguro niya. Napatitig na lang ako sa kaniya. Sana nga. Sana lang talaga. "Haena, I said everything's going to be fine."
I slowly nodded my head. Alam ko namang hindi niya ako pababayaan. Hindi Niya kami pababayaan.
Nauna siyang bumaba ng sasakyan papalapit sa sasakyan ni Papa. Pinagmamasdan ko ang bawat hakbang na ginagawa niya. Lalo pa akong naging tensiyonado nang makita kong bumaba ng driver's seat si Papa.
Nagmano si Kuya at kitang-kita ko kung paano nanigas ang panga ni Papa.
Nakahinga ako nang maluwag dahil hindi ko naman sila nakitang nagsusuntukan dito sa tabing kalsada.
Hindi rin naman kasi ganoon ang pagkakakilala ko kay Papa. Hangga't kaya niyang magtimpi, gagawin niya. Kapag hindi na kayang idaan sa salita, bigla na lamang siyang aalis o mag-wa-walk out.
Binuksan na ni Kuya Aux ang gate para papasukin si Papa. Lalabas na sana ako ng sasakyan pero nakita kong tumakbo papalapit sa puwesto ko si Kuya.
Lumambot ang ekpresyon ng mukha ko dahil pinagbuksan niya ako ng pinto pero hindi ko na masyado mapansin ang nararamdaman ko dahil mas nangingibabaw ang kaba at takot doon.
"Hindi galit?" pagtukoy ko kay Papa.
"Hindi naman."
Naman? Ibig sabihin medyo galit 'yon. Hindi naman pupunta si Papa rito kung hindi galit, eh.
Huminga ako nang malalim. Bahala na. Lord, Ikaw na po ang bahala.
Sabay kaming pumasok sa may sala. Nanlalambot ang mga tuhod ko nang makitang nakatitig sa akin si Papa habang nakaupo sa mahabang couch.
Dumapo rin ang tingin niya kay Kuya Aux pabalik sa akin. Dahan-dahan akong naglakad patungo sa puwesto niya para magmano. Thank God dahil nagsalita siya, "God bless you."
"Papa," pagtawag ko sa kaniya sa pinakamahinahong boses.
"Aux, iwanan mo muna kami."
Nilingon ko si Fifth at nakita ko ang pagngiti niya sa akin. Oo, nginitian niya ako pero halata ko sa mga mata niya ang lungkot.
Tumalikod siya at lumabas na muna ng bahay.
"Malawak pala rito," umpisa ni Papa. Nakatayo na siya at iginagala ang tingin sa kabuuan ng sala. "Responsable talaga siya. Sa lahat ng magkakapatid, siya talaga ang may determinasyon sa buhay."
Hindi ko talaga alam kung ano'ng ipinupunto niya ngayon. Naibilog ko ang aking kamao para alisin ang kabang nararamdaman ko. Pa-minsan-minsan ay kinakagat ko ang ibabang bahagi ng labi ko.
BINABASA MO ANG
Natatangi (A Stand-alone Novel)
RomanceInaasam ang iyong pagngiti. © 2022 isipatsalita.