"Bebeng namin? Baby girl? Yuhoo? Haena?"
Unti-unti akong nagmulat at bumungad sa aking harapan si Kuya Axel. Nakatulog na pala ako sa kaiiyak. Alam kong namumugto ang mga mata ko ngayon at paniguradong nagtataka na 'tong si Kuya kung bakit ako nagkakaganito.
"Ano'ng nangyari?" masuyong tanong niya. "Kanina ka pa namin kinakatok dito sa kuwarto mo pero hindi ka nagsasalita kaya pumasok na kami."
Hindi ako sumagot. Binigyan ko lang siya ng blangkong tingin.
"Si Aux?" lakas-loob kong tanong sa kaniya. Si Fifth lang ang unang pumasok sa isipan ko ngayon.
Sana panaginip lang iyong nangyari. Sana masamang panaginip lang 'yong kanina.
Nakita ko ang pagkunot ng noo niya. "Wala rito. Bakit? Teka nga, hindi mo pa sinasagot ang mga tanong ko."
Nanginginig ang mga kalamnan at kamay ko. Hindi. Hindi puwedeng hindi pa siya umuuwi.
Tatayo na sana ako nang bigla kong nakapa ang cellphone niya na natatakpan lamang ng kumot ko ngayon. Muling nagsimulang mamuo ang mga luha ko.
"Uy, teka lang, nag-aalala na ako. Bakit ba? Ano'ng nangyari? May nangyari ba kanina rito habang wala ako? Magsalita ka naman, oh?"
"Kuya." Pumikit ako at sumandal sa braso niya. Lalo akong napahagulgol nang ibinalot niya ako sa kaniyang mga bisig. "Iniwan niya na tayo."
Nanginginig ang boses ko. Unti-unti na ring sumisikip ang aking dibdib.
"Ha? Sino? Si Aux?" Kinuha ko ang cellphone ni Fifth at iniabot iyon sa kaniya. Nagtataka siyang tumingin sa akin. "Ano 'to? Bakit nasa 'yo 'to?"
"May... mayroong dalawang videos diyan. Paki-check n'yo na lang. Please."
Tumayo ako dahil hindi ko na kaya pa ang emosyon ko. Kinuha ko ang susi ng sasakyan ni Aux. Mabilisan akong kumilos dahil ayaw kong maharangan na naman ako ng mga kapatid ko.
Kailangan ko siyang hanapin. Kahit saan, kahit sa anong paraan, basta kailangan ko siyang mahanap.
Kailangan ko siyang makita.
Kailangan ko siya.
"Haena! Uy!"
"Saan ka na naman ba pupunta? Huwag ka nang umalis!"
"Bakit ka umiiyak?"
Hindi ko na nagawang sagutin pa ang sunod-sunod na tanong ng mga Kuya ko habang tumatakbo ako palabas ng aming bahay. Pumasok kaagad ako sa loob ng sasakyan at pinaandar ang makina nito.
Hindi ko na rin alam kung gaano kabilis ang aking pagmamaneho para makarating agad ako sa Los Baños.
Kung may sakit siya, bakit hindi niya sinabi sa amin? Internist si Papa at alam kong matutulungan siya nito lalo na't marami siyang koneksyon sa ospital.
Mayroon naman kaming sapat na pera para sa medication niya kung sakali. Bakit kailangan niya pang sarilihin ang lahat ng 'to?
Bakit kailangan niyang umiwas at iwanan ang mga nagmamahal sa kaniya?
Bakit niya ako iniwan?
Itinigil ko ang sasakyan sa gilid ng kalsada. Wala na halos dumadaang mga tao rito kaya mas naramdaman ko ang lungkot at sakit.
Dito niya ako dinala noong namomroblema siya. Dito sa park kung saan mo mararamdaman ang kalayaan mo.
Sinubukan ko siyang hanapin pero wala... Ni anino niya'y hindi ko nakita.
"Lord, magiging okay naman siya, 'di ba? Gagaling naman po siya, 'di ba? Pagalingin N'yo po siya, please." Pumikit ako at hinayaang tumulo ang aking mga luha. "Babalik pa siya sa amin. Babalik pa siya sa akin."
BINABASA MO ANG
Natatangi (A Stand-alone Novel)
RomanceInaasam ang iyong pagngiti. © 2022 isipatsalita.