Kabanata 43

983 89 2
                                    

Unti-unting nanghihina ang mga binti ko habang dahan-dahan kong pinananood umandar papalayo ang sasakyan ni Aux mula sa kinatatayuan namin.

Iniwan niya ako roon.

Bakit kasi sa lahat ng oras, ngayon pa niya kami nakita ni Gian na ganitong kalapit sa isa't isa? Hindi lang basta magkatabi kung 'di magkahawak-kamay pa.

Nagkataon lang iyon dahil muntikan na akong mahagip ng isang kotse habang papatawid kami sa may parking lot pero ganoon ang naabutan na sitwasyon namin ni Fifth kaya ang bigat talaga ng loob ko.

Bakit ba kasi ang hindi ako tumitingin sa paligid ko?

Kailangan ko siyang kausapin at sabihing mali ang inaakala niya pero hindi niya sinasagot ang tawag ko.

"Ayos ka lang? Tumingin ka kasi sa dinadaanan natin," panenermon ni Gian sa akin.

Tumigil na kami sa paglalakad. Sunod akong tumingin sa kamay niyang nakahawak pa rin sa akin.

As if on cue, binitiwan niya ako. "Lamig ng kamay mo, ah?"

Tensyonado ako sa mga oras na 'to, "Nakita niya. Nakita niya tayo."

"Nino? Sa office?" kunot -noo niyang tanong.

Gusto ko na siyang hampasin. Sino pa ba? Kanina ko pa sinasabi sa kaniyang susunduin ako ni Aux tapos itatanong niya kung sino?

"Ni Aux!" singhal ko sa kaniya.

"O, kalma. Kalma. Eh, ano naman? Nasaan na ba? Nandito na ba? Ihahatid na kita sa kaniya."

Sinamaan ko lalo siya ng tingin. Hindi ko lang masabi sa kaniya nang diretso na kasalanan niya 'to.

Puwede naman kasi sa braso o sa balikat niya ako hilahin o hawakan, 'di ba? Bakit kailangan sa kamay pa?

Pero kung iisipin ko ito sa positibong pananaw, nagpapasalamat talaga ako sa kaniya dahil kung hindi niya ako hinila, baka nasa ospital na ako ngayon.

Kinulbit niya ako, "Huy? Nasaan na? Ibang sasakyan ba ang dala niya?"

"Hindi. Kaaalis lang niya." Huminga ako nang malalim. "Nakita niyang magkahawak-kamay tayo."

Ngumiti siya bago nagkamot ng ulo, "Paanong gagawin? Sorry naman. Iyong kamay mo ang una kong nahablot sa 'yo. Magalit siya kung iba ang nahawakan ko, aray! Shit! Ang sakit no'n, ah?"

Kinurot ko kasi siya nang pinong-pino sa may braso. Bumaon pa nga ang kuko ko.

Hinimas-himas niya 'yon bago siya umakbay sa akin. Sa totoo lang, nasanay na lang din akong ganito siya sa akin. Ganito rin naman kasi siya kina Trish at sa iba niyang mga babaeng kaibigan.

Kahit ilang buwan ko pa lang siyang nakakasama, nakikita ko namang mabuti siyang kaibigan. Kampante naman akong wala na siyang feelings para sa akin dahil palagi niyang sinasabing hindi na ako ang gusto niya.

May iba na raw siyang gusto kaya hindi ko na para bigyan pa ng kulay ang mga ginagawa niya.

"OA naman ng Kuya mo kung nagalit agad dahil lang doon?"

OA ba? Sa tingin ko'y hindi.

Kasi kahit naman ako, kunwari'y nakita ko siyang may ka-holding hands na ibang babae, paniguradong mag-aalburoto ako.

"Uuwi na ako," pagpapaalam ko na lang sa kaniya.

"Ihahatid na kita sa inyo." Nalungkot ulit ako. Natiis talaga akong hindi balikan ni Fifth. "Ang pangit. Huwag ka ngang ngumuso riyan."

Inirapan ko siya, "Hindi ako nakanguso."

"Eh 'di hindi na. Pa-cute ka lang talaga. Tara na. Hindi ako naka-Audi pero okay pa naman si Snorlax."

Natatangi (A Stand-alone Novel)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon