Matapos ma-discharge ni Fifth mula sa ospital ay bigla na lamang siyang umalis at hindi na muna umuwi ng bahay. Hindi namin alam kung saan siya nagpunta. Marahil doon muna siya nanatili sa bahay ng mga kaibigan niya o kung sino mang kakilala niya.
Tatlong araw na namin siyang tinatawagan pero hindi siya sumasagot.
Si Kuya Ysmael naman ay halatang galit pa rin sa kaniya. Sinabi na lang ng iba kong mga Kuya na hayaan na lang muna 'yong mapag-isa dahil problemado nga. Si Papa naman ay hindi na lang umiimik.
Kumuha ako ng bote ng beer sa loob ng ref, sunod akong lumapit ako kay Fourth na nakaupo lang sa may garahe. Nakuha ko ang atensyon niya noong tumabi ako sa kaniya. Ngumiti siya kaya napangiti na rin ako.
"Ayos ka lang ba, Kuya?" Inabot ko ang bote sa kaniya. Hindi siya sumagot kaya siniko ko siya.
Nang matauhan, nahalata ko ang kaniyang pilit na ngiti, "Oo naman."
"Puwedeng magtanong?"
Lumingon siya sa gawi ko, "Oo naman. Ikaw pa ba?"
Isinandal ko ang ulo ko sa kaniyang braso, "Naba-bother na kasi talaga ako. Kapatid n'yo ako. May karapatan din akong malaman kung ano'ng dahilan nang pag-aaway n'yo. Hindi kasi normal na hindi umuuwi si Fifth nang ganitong katagal."
"Let's just say na may mga bagay na sadyang off limits. 'Yong hindi puwede. 'Yong hindi puwedeng ipilit at gawin."
Okay? Gets ko naman.
Hinintay ko siyang magsalita ulit pero hindi na nadugtungan 'yong mga sinabi niya.
Umupo ako nang maayos at tumingin ulit sa Kuya ko, "Katulad ng?"
Binuksan niya ang takip ng bote at lumagok ng alak bago muling nagsalita, "Mahirap ipaliwanag at hindi mo na kailangan pang malaman. Okay? Kung nasaan si Aux ngayon, siguro inaayos na niya ang sarili niya."
Lalo lang akong naguluhan, "Kay Kuya ba mismo ang problema? Or may ibang involved?"
Baka mayroon lang attitude problem 'yon o baka may issue sa mga kaibigan. Posible ring kay Fourth mismo o sa babae. Ewan ko. Ayaw naman kasi akong diretsahin nitong katabi ko.
"Both?" patanong niyang sagot, tila hindi rin sigurado.
"Tungkol na naman ba ito kay Christine?"
Biglang nasamid si Fourth. Nangunot ang noo niya't umawang nang kaunti ang kaniyang bibig.
Nagtatanong lang naman ako nang maayos. Narinig ko kasi dati kina Third at Second na baka 'yon ang pinag-awayan nila ni Kuya Jared noon, kaya naisip ko lang na baka naulit na naman ang pangyayaring 'yon.
"Christine's out of the picture, Haena."
Nagsalubong ang mga kilay ko, "Eh 'di sino?"
Huminga ulit siya nang malalim, "Hindi mo kilala."
Tumango-tango na lang ako. Hindi ko naman pala kilala kaya bakit ko pa itatanong.
"Wait. Kung babae ang pinag-uusapan natin dito, ibig sabihin... love triangle kayo? Ganoon ba?"
Lalo tuloy akong inusig ng kuryosidad. Bakit kasi sila mag-aaway para sa isang babae? May sulutan bang nangyayari o ano? Ang labo.
"Pucha, hindi!" agad niyang sagot. "Ibig sabihin, hindi 'yon ang dahilan. Basta."
Kinamot niya ang kaniyang pisngi, tila nag-iisip kung paano niya ipapaliwanag sa akin.
"Wala kang tiwala sa akin?" pagmamaktol ko.
BINABASA MO ANG
Natatangi (A Stand-alone Novel)
RomanceInaasam ang iyong pagngiti. © 2022 isipatsalita.