Kabanata 1

413 46 110
                                    

"Ang gagaling naman ng mga performers mula sa Immaculate Academy! Napakaganda pa ng mga costumes nila kaya siguradong sila na ang champion!"

"Maganda rin naman ang costumes ng mga performers sa Hamilton High, oh! Ang bongga, may pa-feathers pa sa ulo.

Tapos nag-costume din talaga sila na parang Sto. Niño. Halatang pinagkagastusan ng malaki 'yong mga costumes nila."

Sa gitna ng bumabahang mga manonood ay dinig na dinig ng mga tenga ko ang usapan nila. Sari-saring papuri para sa mga estudyante ng mga prestihiyosong paaralan sa lugar namin. 

Dito sa patio ginanap ang pagdiriwang sa kapistahan ng Sto. Niño at eksklusibong nagtanghal ang mga estudyante upang ipakita ang kani-kanilang husay sa drum and lyre. Ipinagyayabang ang kani-kanilang mga costumes na halatang pinag-aksayahan ng pera para lang sa isang okasyon. 

Ang mga may hawak ng flaglets at mga majorette naman ay naiiba ang kasuotan doon sa mga may hawak ng drum and lyre. Katulad ng sinabi ng isa na napakinggan ko, ang mga taga-Hamilton ay sinadyang mag-costume ng Sto. Niño na nakadagdag ng atraksyon sa mga tao.

"Kumilos na tayo," bulong sa akin ng katabi kong si Ysay. Imbes na sumagot, tinanguan ko na lamang siya bilang tugon. 

Agad siyang lumayo sa kinaroonan ko upang humanap ng kaniyang target. Gano'n din naman ang ginawa ko at pinili ang isang babae na may nakasabit na shoulder bag sa kaniyang balikat. 

Siksikan ang tao ngayon dito sa patio, idagdag pa na sobrang tirik ang araw kung kaya't pinagpapawisan ako habang pasimple kong binubuksan ang shoulder bag ng babae.

Hindi ko inaasahan na siya ay lilikot at gagawi sa kanan kung kaya't naudlot ang pagbubukas ko sa shoulder bag niya. Nagpakawala ako ng isang malalim na buntong-hininga bago muling trabahuhin na kunin ang kaniyang wallet. 

Tagumpay ko namang nabuksan ang kaniyang bag. Kunwaring nakatingin ako sa mga nag-pe-perform ngunit ang aking kamay ay nagsisimula nang kapain ang kaniyang pitaka sa loob ng bag. 

Nang tuluyan ko ng makuha ang pakay ko, maingat ko itong isinara. Ngunit sa hindi inaasahang pangyayari, nagtagpo ang mata namin ng babae. Ang sumunod na nangyari ay nang tingnan niya ang kamay ko na hawak ang wallet niya.

"Magnanakaw!" 

Dahil biglang sumigaw ang babae, dali-dali akong nagtatakbo paalis sa bulto ng mga tao. Pinagtutulak ko nang malakas ang mga taong nakaharang sa dinaraanan ko.

Sa abot ng aking makakaya, tumakbo ako nang mabilis paalis sa lugar na 'yon. Laking pasasalamat ko dahil walang mga nakabantay na tanod roon sa dinaanan kong gate palabas ng patio.

Batid ko ang pagsubok ng babae na habulin ako ngunit sa bilis ng pagtakbo na ginawa ko ay hindi niya na ako nahabol. Hinihingal akong napasandal sa pader nang masiguro kong wala ng kung sinong tao o 'yong babae man ang nakahabol sa akin.

"Buti na lang, nakatakas ako." Hinihingal kong bulong sa aking sarili.

Pinasadahan ko ng tingin ang wallet na hawak ko bago ito buksan. May mga ATM card akong nakita sa loob at mayroon din namang cash na nagkakahalaga ng P10,500. Malaki-laki ang nadukot ko ngayon, tiyak kong matutuwa sa amin si Boss nito at siguradong malaki ang papartihin ko sa pera.

Dahan-dahan akong naupo at napatingin sa langit habang hinihintay ko ang pagdating ng kaibigan kong si Ysay.

Ito ang madilim at masalimuot kong buhay. Dahil hindi ko magawang makuntento sa pera na sinasahod ko sa pag-e-extra sa palengke, nagawa kong pasukin ang isang mundo na hindi dapat pasukin ng isang menor de edad na kagaya ko. 

Heart-Rending FantasyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon