Nagmamadali kong tinakbo ang daan pabalik sa classroom namin, kinompronta ko si Denver habang nanginginig ang mga kamay ko.
"May sumabutahe sa atin, Denver," ang sabi ko sa kanya.
Siya naman ay tiningnan ako nang nagtataka, natigil siya bigla sa kanyang ginagawa.
"Kasi 'yong ipinalagak mo kanina roon sa canteen… bawas na no'ng abutan ko. Iisang kutsara na lang ang natira, paano natin 'yon ipe-present mamaya?!"
Gusto ko nang maiyak sa mga oras na ito, gusto kong ilabas kung gaano ako nanghihinayang sa cake na pinaghirapan naming gawin ni Denver tapos… tapos hindi lang din pala namin mapapakinabangan ngayong araw.
Naiinis ako sa taong gumawa no'n, sana karmahin talaga siya!
"Seryoso ka ba, Devyn?"
"Oo nga!" Inis akong napaupo sa tabi ng upuan niya, naihilamos ko ang dalawang palad sa mukha.
"Imposibleng makahabol pa tayo sa presentation, Denver. Kulang na kulang na tayo sa oras. Ano nang gagawin natin ngayon?!"
"Kumalma ka nga---"
"Paano ako kakalma sa sitwasyon?!" pagputol ko sa sinasabi niya.
"Kung kaya mong kumalma sa kabila ng nangyari, ako… hindi ko kaya!"
Sa ginawa kong pag-iwas ng tingin kay Denver, nakasalubong ko ang tingin ni Ysay… habang nakangisi ito sa akin.
Biglang nagsalubong ang kilay ko, sa sobrang pagtataka at sa sobrang galit. Ayokong isipin na si Ysay ang may gawa… pero alam ko sa sarili kong hindi niya 'yon imposibleng gawin.
Sa ginawa ko nitong nakaraan para pagselosin siya, malamang ito ang ganti niya sa akin. Bwiset naman talaga!
"Hintayin mo ako rito." Naagaw ang atensyon ko nang magsalita si Denver, kasabay no'n ay agad siyang tumakbo palabas ng classroom.
Kung may naiisip man siyang paraan para magawan ng solusyon ang problema namin, sana ay hindi pumalya.
Nakakapanghinayang lang kasi talaga kung dahil lang sa pananabotahe sa amin ng iba, hindi pa kami makapag-present.
At 'yang si Ysay… namumuro na talaga siya sa akin! Talagang sinasagad niya ang pasensya ko, e.
Kung gano'n… kung away talaga ang gusto ng 'dati' kong kaibigan, edi 'yon ang gagawin ko. Iyon ang ibibigay ko sa kanya!
Pagod na akong makiusap sa kanya na patawarin niya ako sa kasalanang hindi ko naman ginawa.
Hindi ko nga nakikitang kasalanan na sa akin nagkagusto si Kerwin at hindi sa kanya… pero dala ng sobrang pagmamahal ko sa kaibigan, ako pa itong nagmukhang kawawa at nakiusap sa kanya ng paulit-ulit para lang bumalik ang pagkakaibigan naming dalawa.
Ngunit dahil nasagad na niya ang pasensya ko, hindi na ako ulit magiging tanga. Ibibigay ko ang away na gusto niya… ang gulo na hinahanap niya.
"Ano 'yang dala mo?" nagtataka kong tanong nang pagbalik ni Denver ay mayroon na siyang hawak na tupperware.
Nang silipin ko ang laman nito, 'yon ang cake na ginawa namin.
Pero, paano---
"Nakalimutan kong sabihin na sa cooler ko ipinalagay ito." At tiyaka niya itinuro ang hawak na tupperware.
"E, ano 'yong naabutan ko sa ref?"
"Ahh, 'yon 'yong unang cake na ginawa mo. 'Yong palpak kasi sobrang tabang."
Ipinangalandakan niya pa talagang palpak ang pagkakagawa ko no'n, e.
"Kaya pwede ka nang kumalma, Devyn. Makakapag-present pa rin tayo, okay?"

BINABASA MO ANG
Heart-Rending Fantasy
Подростковая литература(PUBLISHED UNDER PAPERINK PUBLISHING HOUSE) Note: Complete version of this book, including 2 special chapters, will be available to read on the book version. A collaboration: [Defiant Youth Series #4] A street children criminal, Devyn, totally accep...