Kabanata 3

246 39 4
                                        

Palihim na hinahalungkat ang kahon kung saan nakalagay ang mga damit at gamit ni Tatay, maingat kong kinalkal ang mga 'yon upang hanapin ang isang bagay --- isang aluminum foil ang natagpuan ko. Binuklat ko 'yon at laking gulat nang makakita ng shabu sa loob nito.

"Sinasabi ko na nga ba," bulong ko sa sarili. Gustuhin ko man na kuhanin 'yon at itapon, siguradong mabubugbog lang ako kung gagawin ko 'yon.

Pero ano nga bang dapat kong gawin?

Hindi makabubuti sa kalusugan ni Tatay kung ipagpapatuloy niya ang pag-s-shabu. Kahit naman sabihing sobrang lupit niya sa akin at laging binubugbog, tatay ko pa rin siya. Siguradong malulungkot ako kung may mangyaring masama man sa kanya.

Tahimik akong lumabas doon, lumapit ako kay Nanay na abalang nagpapatuyo ng damit sa may likod ng aming bahay. Nilakasan ko ang loob ko na kausapin siya, nagbabaka-sakaling sa pagkakataong ito ay magawa niya akong pakinggan.

"Nay," pagtawag ko sa atensyon niya. "Nakita ko po si Tatay na gumagamit ng shabu."

Hindi siya natinag sa kanyang ginagawa. "Ano'ng pakialam ko?" Dahil sa narinig kong salita mula sa kanya, tuluyan nang bumagsak ang balikat ko.

"N-Nay... Pwedeng magkasakit si Tatay dahil doon---"

"Hayaan mong gawin ng Tatay mo ang gusto niya," pagputol niya sa sinasabi ko. Sa wakas, tinapunan niya rin ako ng tingin. "Anak ka lang namin, wala kang karapatan na pigilan ang gusto naming gawin.

Mas ikatutuwa pa namin ng Tatay mo kung paghuhusayan mo ang pagnanakaw mo nang sa gayon ay malaki-laki ang maiabot mo sa amin na pera!"

Bakit pa nga ba ako magugulat kung pagsalitaan man ako ng Nanay ko nang gano'n? Malamang wala siyang pakialam.

Sa pera lang naman siya may pake... Pero sa mga anak niya, wala.

"Anak nga lang naman ako..." Bulong ko sa sarili habang binabagtas ang daan papasok ng bahay. "Bakit pa ba ako umaasa na pakikinggan niya ako?

Parehas lang naman sila ni Tatay, parehas mukhang pera."

Umupo ako sa sahig habang minamasdan ang mga kapatid kong masayang naglalaro ng teddy bear sa katre.

Iyon pa 'yong teddy bear na iniuwi ko sa kanila noong isang araw... Pinagmukha kong bago para maniwala silang binili ko 'yon, pero ang totoo ay napulot ko lang naman 'yon sa baruhan.

Saan naman ako kukuha ng pambili no'n, 'di ba?

Mula sa pagkakaupo, palihim kong hinugot sa ilalim ng kahon kung saan nakalagay ang mga damit ko ang isang maliit na garapon.

Binilang ko ang pera na naiipon ko... May limang daan na ako.

Bawat pagsahod ko sa pagiging magnanakaw, kumukuha ko sa kabuuan niyon ng bente pesos at lihim na inilalagay rito sa garapon upang ipunin. Gumagawa na lang ako ng palusot kung sakaling tanungin ako ni Nanay kung bakit tila kulang ang sweldo ko na ibinibigay sa kanya.

Kagustuhan ko na mag-ipon para sakaling lumaki-laki na ang ipon ko ay pupwede ko nang itakas ang mga kapatid ko sa impyernong bahay na ito.

Hindi na kakayanin ng konsensya ko kung sakaling may isa o dalawa na naman sa kanila ang maibenta ng mga magulang ko sa ibang tao. Para iwasan na gawin 'yon, kinakailangan ko silang ilayo sa sakim naming mga magulang.

Hindi ko na kayang sikmurain pa ang kasakiman ng mga magulang ko.

Sa lalong madaling panahon, lalayas kami sa bahay na ito at magsisimula ng masaya at bagong buhay... Nang hindi sila kasama.

Heart-Rending FantasyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon