“Mag-date tayo, Devyn.”
Hindi pa man ako nakakabawi mula sa pagkagulat ko kanina ay muli na naman akong binigla ni Kerwin sa sinabi niyang… inaaya niya akong mag-date? Sa harap talaga ni Ysay.
“H-Huh—”
“Magpapalit lang ako ng damit sandali. Okay lang ba?” nakangiti niyang tanong.
Sasagot ba ako ng oo?
Pero ang wrong timing naman dahil sa harap talaga ni Ysay—teka. Hindi nga pala dapat ako makokonsensya na kesyo sa harap man ni Ysay o hindi ako ayain ni Kerwin mag-date.
Pabor pa nga sa akin na inalok ako ni Kerwin na lumabas kami sa mismong harap ni Ysay… dahil mas lalo siyang manginginig sa selos.
“Payag ako, Kerwin. Hihintayin na lang kita rito,” nakangiti kong tugon.
Umalis na pagkaraan si Kerwin para makapagpalit na siya ng damit sa banyo, habang naiwan ako rito sa gitna ng court kasama si Ysay.
Sa totoo lang, mukha lang akong nag-e-enjoy na pagselosin si Ysay, pero nasasaktan din talaga ako sa ginagawa ko.
Kung bakit ba naman kasi ako humantong sa ganitong desisyon. Kung hindi sana nakipagkaibigan ‘tong si Ysay kay Sam, hindi ko naman gagawin ito.
Labag sa loob ko na saktan siya.
“Ysay,” pagtawag ko sa atensyon niya nang maglalakad na siya paalis.
Tuluyan na siyang nakatalikod sa akin ngunit nang tawagin ko ang atensyon niya, nanatili lamang siyang nakatayo nang nakatalikod sa akin.
“Ysay, alam mo namang handa akong magsakripisyo para sa iyo, ‘di ba? Para bumalik na ‘yong dati—”
Pumihit siya paharap. “Para kang sirang-plaka, sa totoo lang! Pwede bang huwag ka nang umasa na magiging magkaibigan pa tayo ulit pagkatapos ng nangyari!
Kahit na ipaubaya mo sa akin si Kerwin, walang magbabago! Tuluyan mo na siyang naakit kaya alam kong kahit anong gawin ko, hindi na niya ako magagawang magustuhan dahil sa kalandian mo!”
“Teka nga muna!” Sininghot ko ang patulong sipon sa ilong.
“Dahan-dahan ka naman sa mga sinasabi mo, Ysay! Wala akong nilalandi, okay? Nang dahil lang ba ako ‘yong nagustuhan ng tao, ibig sabihin nilandi ko na siya?
Alam mong sobrang hirap para sa akin nito, na naipit ako sa sitwasyong pareho kayong mahalaga sa buhay ko kaya nahihirapan akong pumili.
Handa na nga ako magparaya para sa iyo… pero ‘yong sabihan mo ako na ayaw mo na akong maging kaibigan kasi malandi kamo ako? Sumosobra ka na yata, Ysay!
Kung ganyan lang din ang tingin mo sa akin at ganyan kababaw ang pagkakaibigan natin para sa iyo, e mabuti pa ngang sina Samantha na ang samahan mo! Magsama-sama kayo hanggang sa impyerno!”
Dahil sa sobrang bigat ng nararamdaman ko, dinala ako ng mga paa ko sa restroom. Dito ko na lang hihintayin si Kerwin sa labas nitong restroom, kaysa ang makita ko pa nang matagal ang pagmumukha ni Ysay.
Hindi ko na kinakaya ang mga salitang binibitiwan niya sa akin. Ni hindi niya man lang ba inisip kahit minsan ‘yong pinagsamahan namin sa loob ng mahabang panahon… para lang husgahan ako nang gano’n kabilis at ipagpalit ang pagkakaibigan namin sa isang taong kakikilala niya lang?
Napakababaw niyang tao!
“Ayyy, sorry!”
Agad akong tumalikod habang nakatakip ang dalawang palad sa aking mga mata. Hindi ko kasi inaasahan na may dalawang lalaki na lalabas sa restroom nang nakahubad. Nakakahiya!
BINABASA MO ANG
Heart-Rending Fantasy
Teen Fiction(PUBLISHED UNDER PAPERINK PUBLISHING HOUSE) Note: Complete version of this book, including 2 special chapters, will be available to read on the book version. A collaboration: [Defiant Youth Series #4] A street children criminal, Devyn, totally accep...