Kabanata 11

117 14 0
                                    

“Devyn, bakit mo ginagawa ‘yan? Hindi ko inakalang magnanakaw ka pala!” Puno ng pagkadismaya ang mga mata niya, batid kong iyon ay dahil nalaman na niya nang tuluyan ang tunay kong pagkatao.

“Kapag ba nagpaliwanag ako sa iyo, magiging bukas ba ang tenga mo para pakinggan ako?”

“Devyn…” hinawakan niya ang kamay ko. “Siguro mamaya na lang?”

“Hoy, batang magnanakaw!” Ikinagulat ko nang may mga tanod pa rin palang nakasunod sa akin.

Kasabay no’n ay agad akong hinatak ni Kerwin paalis sa lugar na ‘yon upang takasan ang mga tanod na humahabol pa rin sa akin hanggang ngayon.

Grabe, hindi ba sila napagod at nahirapan na habulin ako? Partida, tumalon na ako ng bakod at lumusot sa eskinita pero nagawa pa rin nila akong masundan? Gano’n nga yata nila kagustong mahuli ako at madisiplina.

Ngunit hindi ito ang tamang pagkakataon para maging mabuting tao ako. Sa ngayon, kinakailangan ko muling maging masamang kabataan alang-alang sa buhay ko.

“Dito tayo,” hinatak niya ako upang magtago sa likod ng isang malaking drum ng basurahan.

Pinagkasya namin ang aming sarili upang magtago roon, sinilip ang mga tanod na lampasan ang pinagtataguan naming basurahan.

Nang makasiguro na wala na sila roon sa lugar, pinasok namin ang isa na namang eskinita, sa labas niyon ay natagpuan namin ang isang malansang palengke.

“Ligtas ka na siguro dito,” dinig kong sambit niya.

“Salamat,” huminto ako sa paglalakad upang harapin siya.

“Maniwala ka man sa akin o hindi, ako ‘yong tipo ng tao na hindi gagawa ng masama kung hindi lang kami gipit sa pera.

Hindi ko naman talaga ginusto na pasukin ang mundo ng krimen, naipit lang ako ng sitwasyon at pangangailangan ng pamilya ko.

Kung sana ay binigyan lang ako ng Diyos ng responsable at mapagmahal na magulang, malabong nandito ako ngayon sa sitwasyong ito.”

“Halika,” inaya niya ako na maupo sa parte ng palengke na hindi matao.

“Ibig mo bang sabihin, naging magnanakaw ka para maging source of income ka ng pamilya? Ikaw ang nagtatrabaho sa sa kanila?”

Tumango ako. “May trabaho naman si Nanay. Uhm, labandera siya ng mga kapitbahay namin kaya lang hindi pa rin kasi sumasapat ang kita ni Nanay sa paglalabada.

Ang dati ko namang trabaho na pinasukan ay taga-bitbit at hila ng mga batyang may laman na isda patungo sa palengke.

Ang baba lang ng sinasahod ko kaya napilitan akong magnakaw na lang, at least sa ganitong krimen ay kahit papaano, nakakakain kami tatlong beses sa isang araw.”

“Ang Tatay mo naman?”

“Palamunin,” natawa ako.

“Palamunin na nga sa bahay, ang lakas pa ng loob na gulpihin ako sa tuwing pinangungunahan ko siya sa isang bagay o kaya naman kapag hindi ako nakakapagbigay sa kanya ng pera para tustusan ang bisyo niya.”

“Nakukuha pa ng Tatay mo na magbisyo kahit ang hirap na ng buhay n’yo?”

“Pareho sila ni Nanay,” sagot ko.

“Nag-d-drugs pa nga si Tatay, si Nanay naman ay feeling mayaman sa tuwing kasama niya ‘yong mga kaibigan niyang mayayaman.

Maluho si Nanay kaya ‘yong pera din na sinasahod ko, hating-hati sa bisyo nilang dalawa at sa pagkain namin. Kulang pa nga, e.”

Heart-Rending FantasyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon