"Nay, Tay… Maawa naman kayo kina Jane at Alvin. 'Wag niyo na po silang ipamigay. Nagmamakaawa ako sa inyo."
Pilit inaabot ng aking kamay ang aking mga magulang upang makiusap na 'wag na nilang ibenta na parang isang paninda ang mga kaawa-awa kong kapatid.
Iyak ako nang iyak habang nakikiusap sa kanila na pakinggan ako ngunit tila nagbingi-bingihan lang sila para hindi pakinggan ang pakiusap ko.
"Okay na ba ang limang libo para sa dalawang bata na ito?" Rinig kong tanong no'ng matandang lalaki na nakatakdang kukuha sa mga kapatid ko.
"Hindi! Walang katumbas na halaga ang mga kapatid ko kaya hindi niyo sila pwedeng bilhin---"
Palihim na siniko ni Tatay ang sikmura ko kung kaya't hindi ko na naituloy pa ang nais kong sabihin.
"Ayos na ayos 'yan, Boss. Okay na sa amin ang limang libo kapalit ng mga batang iyan." Sagot ng Tatay.
"Sigurado ka bang okay lang na ibenta mo sila sa akin? Mukhang tutol pa yata 'yang panganay mong anak."
"Nako, Sir! 'Wag niyo na lang pansinin 'yang gagang 'yan. Nababaliw na 'yan." Rinig kong sabi naman ni Nanay.
Kasalukuyan akong nakayuko habang yakap-yakap ang sikmura ko. Napakasakit ng pagkakasiko ni Tatay rito at tila ba gustong-gusto ko nang masuka.
Ngunit ang mas ikinasama pa ng loob ko ay nang tawagin akong baliw ng sarili kong ina.
Sila ang nababaliw, hindi ako!
Para lang sa pera ay ibebenta nila na parang isang kalakal lang ang mga kapatid ko? Hindi man lang nila inisip ang magiging kapakanan ng mga ito sa poder ng taong bibili sa kanila. Hindi man lang nila inisip na anak nila ang ibebenta nila --- sariling dugo at laman nila!
"Hindi ka na nahiya!" Nang tuluyang makaalis 'yong lalaki kasama sina Jane at Alvin, agad akong tinulak ni Tatay papasok sa loob ng bahay. "Wala ka na ba talagang kahihiyan sa katawan, Devyn? Hindi ko nagustuhan ang ginawa mo kanina na nag-iiyak ka pa!
Sinagot-sagot mo pa talaga 'yong lalaki? Paano na lang kung hindi niya bilhin ang mga kapatid mo? Edi wala tayong pera ngayon?! Hindi ka rin nag-iisip, e!"
"Ikatutuwa ko pa nga po kung hindi niya bibilhin ang mga kapatid ko, e!" Matapang na sagot ko. "Kayo ni Nanay ang hindi nag-iisip! Mga wala na kayo sa tama niyong pag-iisip para magdesisyon na lang na ibenta ang sarili niyong mga anak!
Wala kayong puso! Basta ang mahalaga lang talaga sa inyo ay magkapera kayo, wala na kayong pakialam sa mga anak niyo!"
"Sumasagot ka pa---" akmang susuntukin ako ni Tatay nang bigla siyang pigilan ni Nanay. "Ano ba, Divina? 'Wag mo kong pigilan na turuan ng leksyon ang bastos na bata na 'to! Ang lakas ng loob magsalita nang ganyan, e wala namang naitutulong sa bahay!"
Tumawa ako. "Ako pa 'yong walang naitutulong dito sa bahay? Talaga ba, Tay?" Nagpunas ako ng luha bago ako nagpatuloy. "Halos ako nga itong kumakayod para lang palamunin kayong lahat! Ako itong nagsilbing haligi ng tahanan at kumayod nang kumayod ng pera para may kainin lang kayo sa araw-araw.
Muntik ko na ngang makalimutan na may tatay ako. Ikaw ang walang silbi rito sa bahay dahil ang alam mo lang, magsugal nang magsugal!"
Sa pagkakataon na ito, hindi na napigilan ni Nanay si Tatay na sugurin ako. Magkabilang sapak sa mukha at suntok sa sikmura ang natanggap ko mula sa demonyo kong ama. Napaluhod ako sa sakit ng katawan ko habang humahagulgol.
"Nasaan na ngayon ang tapang mo?! Kung makapagsalita ka sa akin parang utang ko sa iyo ang buhay ko! Ano ka ngayon, Devyn?!"
"Diyan ka naman magaling," bulong ko. "Dahil alam mong mahina ang katawan ko, inaabuso mo ako. Dahil alam mong hindi ko kayang lumaban, kaya sinasapak-sapak mo na lang ako na parang punching bag."
BINABASA MO ANG
Heart-Rending Fantasy
Teen Fiction(PUBLISHED UNDER PAPERINK PUBLISHING HOUSE) Note: Complete version of this book, including 2 special chapters, will be available to read on the book version. A collaboration: [Defiant Youth Series #4] A street children criminal, Devyn, totally accep...