Nagising ako, hindi dahil sa ingay, hindi dahil nasilaw sa liwanag at hindi dahil naalimpungatan ako sa isang napakasamang panaginip.
Kung hindi, basta ko na lamang naimulat ang aking mga mata dahil sa naramdaman kong suntok sa pisngi, pakiramdam ko tuloy ay umuga bigla ang bagang ko sa lakas no'n.
"Long time no see," ang ibinungad sa akin ni boss.
May nakasaksak na tabako sa kanyang bibig, ngunit ang kanyang mga mata ay para bang ginatungan ng maraming kahoy dahil sa lakas ng liyab nito.
Madalang kong makita si boss na gano'n ang itsura… at ang minsan pa na 'yon ay no'ng pinarusahan niya kami ni Ysay noon… dahil hindi kami nakapagnakaw.
"B-Boss, may isang linggo pa naman p-po bago ang ibinigay mo po s-sa akin na p-palugit, 'di ba?" nangangatog na tanong ko, sunod-sunod akong napalunok.
"Hayaan mo, b-boss. Kahit limang a-araw na lang ang i-ibigay mo sa a-akin---"
"Manahimik ka!" Gamit ang likod ng kanyang palad, hinampas niya ang pisngi ko.
Napakagat ako sa ibabang labi sa sobrang sakit ng hampas niya, pakiramdam ko ay bumakat ang bato ng kanyang singsing sa pisngi ko.
"Kayong dalawa ni Ysay ang inaasahan kong hindi tatraydor sa akin… pero anong ginawa n'yong dalawa, ha?!"
Nangangatog kong ibinaling sa kanya ang tingin. "A-Ano po bang sinasabi n-n'yo---"
"Umamin sa akin si Ysay na…" Lumapit si boss sa lugar kung saan ako nakaupo, tiyaka lumuhod. "May isang araw na nakapagnakaw raw siya ng malaking pera, pero hindi niya sa akin ibinigay 'yon lahat.
Sa parehong araw, pumalpak ka raw sa pagnanakaw kaya't ginamit ni Ysay 'yong pera na nanakaw niya… para pagtakpan ang kapalpakan mo.
Naniwala naman ako noon, 'di ba? Pero ang hindi ko inaasahan…" Inis siyang tumayo at sinipa ang upuan kung saan ako nakaupo.
"Ay hindi n'yo sa akin ibinigay lahat ng pera! Bakit kamo? Ideya mo raw na 'wag isumite ni Ysay sa akin lahat ang pera, para may pagpartihan kayo! Mga wala kayong utang na loob!"
A-Ano? Binaliktad ako ni Ysay kay boss? Alam niyang tutol ako sa balak niyang gawin na itago kay boss 'yong kalahati ng pera na nanakaw niya.
Ideya niya 'yon, bakit sa akin niya isisisi?
"N-Nagkakamali ka po ng i-intindi---"
"Huwag mo akong gawing tanga, Devyn!" singhal nito sa akin. "Kailangan mong matuto ng leksyon!"
At gano'n na lang kabilis tumibok ang puso ko nang makita ko si boss na kinuha sa kamay ng isa niyang tauhan ang isang pinasong bakal.
Basta niya na lang itong idinikit sa hita ko, nagpipigil na humiyaw ako sa sobrang sakit… sa sobrang hapdi.
"Boss, tama na po! Hindi na po mauulit---aaahhhh!" mangiyak-ngiyak kong sambit.
Kaya ko pang indahin ang sapak at sampal na pwede niyang gawin sa akin, pero sa pamamaso ng bakal sa katawan ko… doon ako lubos na nanghihina.
Parang gusto ko na lang mamatay. Sana kumuha na lang si boss ng baril, barilin niya na lang sana ako para tapos na lahat ng paghihirap ko.
Hindi 'yong gan'to, pahihirapan niya muna ako bago tuluyang paslangin. Hindi ko na kaya ang hapdi.
"Kilala n'yo naman akong dalawa, 'di ba? Kaya saan kayo nakakuha ng lakas ng loob para lokohin ako?!
Alam n'yong torture ang mangyayari sa inyo sakaling linlangin n'yo ako, aba't ginawa n'yo pa rin! Wala talaga kayong kadala-dala sa lubid, kaya gusto n'yo naman subukan kung gaano kasakit itong mainit na bakal!"
BINABASA MO ANG
Heart-Rending Fantasy
Roman pour Adolescents(PUBLISHED UNDER PAPERINK PUBLISHING HOUSE) Note: Complete version of this book, including 2 special chapters, will be available to read on the book version. A collaboration: [Defiant Youth Series #4] A street children criminal, Devyn, totally accep...