Talagang ngayon pa naisipan ni Ysay na makipagtulungan sa akin? Kung kailan namang bigla akong nagdadalawang-isip na ituloy ang pagnanakaw, tiyaka naman siya eeksena.
"Seryoso ka ba?" paniniguro ko, "kasi... pwede namang kahit 'wag na.
Huwag na nating ituloy ang pagnanakaw, Ysay. Takasan na lang natin si boss at... umalis tayo nang patago rito sa lugar natin. Lumayo tayo... malayo kay boss."
Kitang-kita ko kung paano nagsalubong ang kanyang kilay. "Ikaw ang seryoso ba sa mga sinasabi mo, Devyn?! Nababaliw ka na ba? Pagkatapos ng malupit na pinagdaanan natin kay boss, ngayon mo pa iisipin na taguan na lang natin siya?"
Ang mga mata niyang mariin niyang ipinikit, ngunit ang mas ikinabigla ko ay nang itulak niya ako nang malakas. "Nasa tama ka pa bang pag-iisip, Devyn? Imposible 'yang binabalak mo, e.
Kaya nga ako nagpunta rito, kaya nga kita nilapitan ay dahil na-realize kong hindi ko nga talaga kayang gawin mag-isa ang misyon. Kaya kahit labag sa kalooban ko na makipagtulungan sa iyo, ginawa ko pa rin! Mahal ko ang buhay ko, kaya wala akong dahilan para umatras dito, Devyn."
"Sakaling nakokonsensya ka sa gagawin natin, edi sige. Hayaan mo nang ako na lang mag-isa ang gumawa nito. Goodluck na lang sa balak mong pagtatago kay boss."
Paalis na dapat siya ngunit agad kong hinawakan ang braso niya. "Wala na tayong dapat pang pag-usapan—"
"Sinabi na sa akin ni Kerwin ang lahat," sambit ko, "ang tungkol sa... history ng bagay na nanakawin natin."
Ikinwento ko kay Ysay ang nalaman ko kay Kerwin... at ang dahilan na tinitingnan ko ngayon para makonsensya ko sa pagnanakaw na gagawin namin ni Ysay.
Ngunit bigo akong baguhin ang ekspresyon ng mukha ni Ysay... dahil mukhang hanggang ngayon ay determinado pa rin siyang iligtas ang kanyang buhay, kapalit ng pagnanakaw sa Golden Buddha.
"Inuulit ko lang sa iyo, Devyn... walang panahon para makonsensya tayong dalawa. Baka nakakalimutan mo? Buhay natin ang nakataya sakaling mabigo tayo, gusto mo bang 'yang konsensya mo pa rin ang susundin mo?!"
"Ysay, hindi mo ako naiintindihan—"
"Ikaw ang hindi nakakaintindi ng sitwasyon, Devyn!" Pinagtaasan na ako ng boses ni Ysay, bakas na bakas dito ang pagkainis niya.
"Kaya nga kung paiiralin mo 'yang konsensya mo, maiging hindi ko na lang din itutuloy ang pakikipagtulungan ko sa iyo. Bahala ka na sa buhay mo—"
"Hindi!" pagputol ko sa kanya.
"Sige na, papayag na ako! Huwag mo lang bawiin ang sinabi mong... makikipagtulungan ka na sa akin."
Hindi ko inaasahang sa kabila ng pangongonsensya sa akin ng konsensya ko, babagsak lang din pala ako sa desisyong... ipagpatuloy ang pagnanakaw sa Golden Buddha.
"Mag-usap tayo after class," paalam niya. Ngunit sa akmang paglalakad niya palayo, agad akong tumakbo upang humarang sa kanyang daraanan.
"Ano pa bang gusto mong sabihin?" naiirita niyang tanong.
Ilang beses kong nalagok ang laway ko dala ng sobrang kaba. Nagdadalawang-isip man ako na magpatuloy, nilakasan ko pa rin ang loob ko.
"Pwede bang layuan mo na sina Sam?"
Kita ko ang panliliit ng kanyang mga matang nakatingin sa akin. "Bakit ko naman gagawin ang gusto mo? Para ano?"
Ngumisi siya, 'yong ngisi sa kanyang labi na nakakainit ng ulo, 'di naman bagay sa kanya. "Para makipagkaibigan ulit ako sa iyo? Nahihibang ka na talaga, Devyn!"
BINABASA MO ANG
Heart-Rending Fantasy
Fiksi Remaja(PUBLISHED UNDER PAPERINK PUBLISHING HOUSE) Note: Complete version of this book, including 2 special chapters, will be available to read on the book version. A collaboration: [Defiant Youth Series #4] A street children criminal, Devyn, totally accep...