“Ang ganda ng gayak mo ngayon, Ate. Saan ang lakad mo?”
Habang abala ako na mag-ayos sa tapat ng aming salamin, nagulat ako nang nasa likod ko pala si Joshua, iba ang paraan kung makatitig sa akin.
Susmaryosep. Napansin pa nga ako ng kapatid ko na maganda ang ayos ko ngayong araw.
Hindi naman kagandahan, bale ang suot ko namang bistida ngayon ay hiram ko kay Ysay, pati na rin ‘yong doll shoes na suot ko ngayon.
Mayroon naman akong pera pambili kaya lang hindi ko magawang galawin dahil ipon ko ‘yon para sa pag-alis namin ng mga kapatid ko rito sa bahay.
“Basta,” ginulo ko nang bahagya ang buhok niya tiyaka ngumiti.
“Saglit lang naman ako sa pupuntahan ko, uuwi ako agad.
Magpakabait kayo rito sa bahay at ‘wag din kayong magdalawang-isip na magsumbong sa akin ‘pag sinaktan na naman kayo ni Tatay, huh?”
“Hindi na nga nananakit si Tatay, Ate. Napansin mo ba? Madalang na rin siyang umuuwi rito sa bahay.
Alam mo kung bakit?”
Kumunot ang noo ko dala ng pagtataka. “Bakit?”
“Ang narinig ko lang sa pinag-uusapan nila ni Nanay kahapon, bumili raw ng apartment si Tatay sa Sitio Kamuning.
Doon siya umuuwi kasama ang kabit nito, tapos uuwi lang siya rito para hingan si Nanay ng pera.”
Ikinagulat ko ang rebelasyong sinabi ni Joshua sa akin.
Wala akong kamalay-malay na sa sitwasyon ng buhay namin ngayon, nagawa pang mambabae ni Tatay. Hindi nga niya kami magawang buhayin, nagdagdag pa siya ng isa?
Ito namang si Nanay, imbes na magalit sa Tatay ko, e talagang kinokonsinte pa ang kagaguhan!
Dapat nga ay wala na siyang pakialam kay Tatay at hindi na niya binibigyan ng pera ‘yon!
“Hayaan mo, mamaya rin ay hahanap ako ng tyempo para makausap si Nanay.” Tinapik ko ang balikat ni Joshua at nagpaalam na akong aalis na.
Sa oras na makausap ko si Nanay, kung kailangan ay luhuran ko siya para lang makiusap na tuluyan na niyang talikuran si Tatay ay handa kong gawin. Hindi ko hahayaang mas humirap pa lalo ang buhay namin dahil sa kabit ni Tatay.
Okay lang naman sa akin na magkaroon siya ng kabit, basta ang mahalaga ay mawalan na rin kami ng koneksyon sa kanya.
---
“Akala ko talaga ay hindi ka na darating, e.” Salubong ni Kerwin sa akin na abalang nakaupo sa isang malaking tela na nakalatag sa damuhan sa ilalim ng malaking puno.
“Come on!”
Nahihiyang lumapit ako sa kinaroroonan niya at naupo sa telang nakalatag, malayo sa kanya.
Hindi ako komportable kapag magkalapit kaming dalawa, baka kasi bigla na naman magwala ang mga bulate ko sa tiyan --- ay este butterflies.
“Para namang diring-diri ka sa akin,” natawa siya.
“Naligo ako, Devyn. Kaya sure ako, mabango ako ngayon. ‘Wag ka naman dumistansya sa akin nang sobra.”
Sinenyasan niya akong lumapit sa kanya sa pagkakaupo, kaya naman dala ng hiya ay lumapit pa ako sa kanya nang bahagya.
Sana lang ay hindi ako himatayin dito. Ang OA naman kasi ng puso ko, ang lakas ng tibok.
Lagi na lang nangyayari ito, na sa tuwing malapit si Kerwin sa akin ay para akong lumaklak ng kape sa sobrang nerbyos, kahit na hindi naman ako mahilig magkape.

BINABASA MO ANG
Heart-Rending Fantasy
Teen Fiction(PUBLISHED UNDER PAPERINK PUBLISHING HOUSE) Note: Complete version of this book, including 2 special chapters, will be available to read on the book version. A collaboration: [Defiant Youth Series #4] A street children criminal, Devyn, totally accep...