Kabanata 4

192 37 0
                                    

Mula sa pagkakadikit ng titig ko sa mukha niya, ito'y bumaba… lumagpak sa pitaka na aking hawak.

"Uhm," hinanap ko sa dila ang isang palusot na hindi halatang kasinungalingan. "Nalaglag kasi 'yong pitaka mo kaya pinulot ko. Kakalabitin na nga sana kita para ibalik sa iyo, kaso naunahan mo na ako." 

"Gano'n ba?"

Iniabot ko sa kanya ang pitaka. "Heto oh, ibinabalik ko na sa iyo." 

Tatalikod na dapat ako upang maglakad papalayo sa lalaki nang bigla kong maramdaman na hinawakan niya ang kamay ko.

"Sandali," aniya. 

"B-Bakit?" Nang makaharap akong muli sa kanya, inabutan niya ako ng isang libo. "P-Para saan ito?"

"Pasasalamat ko kasi ibinalik mo sa akin ang wallet ko," nakangiti siya ng malawak sa akin, isang sapat na dahilan para kumabog nang sobrang lakas ang dibdib ko.

"H-Hindi na, 'no? Hindi ko naman ginawa 'yon dahil may kapalit---"

"Tanggapin mo na," hawak ng dalawang palad niya ang kanang kamay ko, inilagay roon ang salapi. "Ingat ka pauwi!" Bago niya ako tuluyang talikuran.

Nakatulala lamang ako sa palad kong may hawak na salapi. Laking pasasalamat ko dahil napakabait pala ng lalaki na 'yon… Pero nakokonsensya rin ako dahil pinagtangkaan ko siyang nakawan sa kabila ng kabutihan niya.

Mabuti't hindi natuloy ang binabalak ko.

"Kung nagkataon, konsensya ko pa sakaling ninakawan ko ang napakabait na lalaking 'yon." Bulong ko sa sarili bago tinahak ang daan pauwi sa bahay.

At least hindi nauwi sa wala ang ginawa kong pag-raket ngayong araw. Kahit na hindi ako nakapagnakaw, binigyan naman ako ng lalaking 'yon ng pera… Nang kusang loob. 

Napakabait niya… Napakagwapo pa.

Agad kong iwinilig ang ulo. "Ano ba naman 'yang naiisip ko? Oo, gwapo naman siya p-pero bakit parang paulit-ulit siyang nag-f-flash sa utak ko --- hindi! Mali ito!"

Huminga ako nang malalim, inhale… exhale.

Hindi man sigurado kung bakit paulit-ulit inaalala ng isip ko ang mukha niya, ngunit hindi 'to tama. Ano naman kung mabait at gwapo siya? 

Aysh! Mababaliw na yata ako!

---

"Tay! Ano na naman bang ginawa sa inyo ng mga kapatid ko?! Bakit sila nagsumbong sa akin at sinabi nilang sinaktan n'yo na naman sila?" Matapang kong kinumpronta si Tatay na nasa labas ng bahay.

Marahas niya akong kinwelyuhan, kitang-kita ng aking mga mata ang namumula niyang mata. "Tarantado kasi 'yang mga punyeta mong kapatid! Itinapon 'yong drugs ko sa basurahan---"

"Mabuti kung gano'n!" Pagputol ko sa sinasabi niya. "Iniligtas lang kayo ng mga anak ninyo sa pagkaadik at pagkabaliw!"

"Ano'ng sinabi mo?" 

"Tay naman, 'wag na po kayong mag-drugs. Alalahanin n'yo naman sana ang kalusugan n'yo. Nakikiusap po ako."

Sandali siyang natigilan, marahil ay napaisip nang maigi sa sinabi ko. Kumalma siya pagkaraan no'n kung kaya't nabuhayan ako ng loob na baka sakaling naliwanagan na ang tatay ko.

Ngunit nagbago ang lahat nang hampasin niya ang mukha ko gamit ang likod ng kanyang palad. "Wala kang karapatan na diktahan ako dahil anak lang kita! Ang kapal ng mukha mo na pigilan ako sa gusto kong gawin!"

"Ito ang tandaan mo, Devyn! Ikaw man ang nagtatrabaho para mabuhay tayong lahat dito sa bahay, ngunit hindi pa rin mababago na ako ang ama mo at ikaw… Anak lang kita! Wala kang karapatan na pangunahan ang desisyon ko!"

Heart-Rending FantasyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon