"Kung minsan man ay nasasaktan ko kayo, patawarin ninyo sana ako," abala ang boss namin na nagbibilang ng salapi sa aming harap nang magsalita siya.
"Kilala n'yo naman ako, 'di ba? Mainitin talaga ang ulo ko kaya minsan ay napagbubuhatan ko kayo ng kamay.
Mahirap kontrolin ang emosyon kaya't sana intindihin n'yo na lang ako."
Mataman niya kaming tiningnan ni Ysay. "Hiling ko lang ay sana huwag na kayong gagawa ng mga bagay na ikaiinit ng ulo ko dahil ayaw ko rin na saktan kayong dalawa."
"Mahuhusay kayo't tapat sa akin kung kaya't inaasahan kong hindi ninyo ako lolokohin." Pahabol na sambit niya habang kami ni Ysay ay pinipilit ang sariling huwag umiwas ng tingin sa kanya.
Wala pa man kaming sinasabi ni katiting na salita tungkol sa nangyari sa pagnanakaw namin, maging ang kilos naman namin ay normal, ngunit pakiramdam ko ay nakahahalata na sa amin si boss... na mayroon kaming itinatago sa kanya.
"Mapagkakatiwalaan n'yo po kami," matapang na sagot ni Ysay.
Tumango si boss. "Makakaalis na kayong dalawa."
Tiyaka inabot ang dalawang puting envelope, doon nakapaloob ang sweldo namin sa araw na ito.
Habang naglalakad pauwi sa aming tahanan, hindi ko maiwasang mag-alala at mabalisa.
Pakiramdam ko talaga ay nakakahalata na sa amin si boss... at sa oras na malaman niya ang tungkol doon, tiyak ay delikado ang buhay namin ni Ysay.
"Ysay---"
"Huwag ka na masyadong kabahan diyan, Devyn. Malabong malaman kaagad ni boss ang sikreto natin sa kanya. Magtiwala ka lang sa akin!"
Tinapik niya ang balikat ko. "Basta ipangako mo sa akin na hinding-hindi ka magsasalita at wala sanang laglagan na mangyari nang sa gayon, pareho tayong ligtas."
"Oo naman," pinilit ko ang sarili na ngumiti.
"Tiyaka isa pa, bakit naman kita ilalaglag kung alam ko namang 'pag ginawa ko 'yon, pati ako ay damay."
Natawa kami parehas, masayang ipinagpatuloy ang pagtahak sa daan pauwi sa aming bahay.
Sa araw na ito, binigyan kami ng tig-apat na libo ni boss dahil na rin malaki-laki ang salaping nakuha ni Ysay sa kanyang raket.
Maraming salamat talaga sa kanya... dahil sa perang natagpuan ni Ysay ay natulungan ako nito kahit papaano sa palpak na trabaho ko.
---
"A-kin-tans?" Pag-uulit ko sa binabasa ko, kulot ang kilay na tiningnan si Ysay. "Ano ulit basa riyan?"
"Akweyntans hindi akintas!" Inirapan niya ako matapos sabihin 'yon.
"Kwey ang basa sa quai kaya ang naging basa ay akweyntans."
"Okay," napapatango ako habang inuulit sa isip ko ang tamang pagbigkas sa salitang acquaintance.
Nasa ilalim kami ng puno ng rambutan at itinuloy ang naging usapan namin ni Ysay na magkasama kaming mag-aaral gamit ang diksyonaryo na kanyang napulot sa tapat daw ng Hamilton.
Gustong-gusto ko naman talaga matuto kaya lang hindi ko inaasahang gan'to pala talaga kahirap ang mag-aral.
"Sut ba ang basa rito?" Turo ko sa salitang suite.
Umiling siya. "Swit," bigkas niya. "Babasahin mo ang letrang ui na parang wi kaya ang basa riyan ay swit."
Ang lalayo naman pala ng paraan ng pagbigkas ng mga salitang 'yon sa kung paano ito baybayin. Mukhang unang araw ko sa pag-aaral ng mga salitang ito, e mukhang susuko agad ako, a?
BINABASA MO ANG
Heart-Rending Fantasy
Roman pour Adolescents(PUBLISHED UNDER PAPERINK PUBLISHING HOUSE) Note: Complete version of this book, including 2 special chapters, will be available to read on the book version. A collaboration: [Defiant Youth Series #4] A street children criminal, Devyn, totally accep...