Nang tuluyang luminaw ang paningin ko saka ko lang din napansin na nakatape ang bibig ko kaya naman hindi ako makapagsalita.
Napatingin ako sa paligid at dumapo ang mga mata ko sa kamay kong nakatali pero kailan pa lumiit ang kamay ko?
Kasing laki ito ng kamay ng isang bata, ibig bang sabihin ay naging bata ako matapos ng aksidente?
Saka hindi ba ay dapat nasa Hospital ako, pero paano ako napunta sa ganitong kalagayan?
Malalim ang pag-iisip ko ng tumigil ang lalaking may buhat-buhat sa akin sa isang pintuan.
Agad niya itong binuksan at hindi ko makita ang paligid dahil hindi ako makakilos ng ayos.
Napatingin sa akin ang lalaki at nagulat ito ng magtama ang paningin namin ngunit agad din itong ngumiti at nakita ko ang mga naninilaw at sira-sira niyang ngipin.
“ Hehehe, buti naman gising ka na. Malaki ang kikitain namin sayong bata ka. ” Sabi niya at ibinaba ako saka tinulak sa isang kulungan na para bang kulungan ng aso.
Tinanggal niya muna ang tali ko sa paa at kamay maging ang tape na nakatapal sa bibig ko ay tinanggal niya saka isinarado ang kulungan at inilock ito.
Pinagmasdan muna niya ang paligid saka lumabas ng pinto, nang makalabas ang lalaki ay saka ako nagkaroon ng pagkakataon upang pagmasdan ang paligid na kinalalagyan ko.
At nagulat ako ng makita ang mga batang nakakulong din, mapa babae man o lalaki.
Lahat sila ay madumi at namamayat na habang ang mga mata ay nakatingin sa akin at may mga batang umiiwas ng tingin sa tuwing nakakasalubong ko ang mga mata nila.
Hindi ko pa din alam kung paano ako naging bata at kung nasaan ako ngayon. Kung saang sulok ng mundo ako naroroon.
Sa paglilibot ko ng mata tumigil ito sa katabi kong kulungan. Nakita ko na may isang batang lalaking nakatalikod sa akin, gaya ng iba ay madumi din siya at namamayat pero hindi siya gaya ng ibang bata na nakasiksik sa sulok dahil sa takot.
Siguro ay napansin nitong may nakatingin sa kanya kaya naman bigla itong humarap pero ganon na lamang ang lakas ng kabog ng dibdib ko ng mamukhaan ko ang batang lalaki.
Tama kayo ng hinala, si Aleixis nga ang batang nakatitig din sa akin. Ang kontrabida sa librong binabasa ko, si Aleixis na paborito kong karakter, si Aleixis na binigyan ng walang awang katapusan sa librong napulot ko kanina bago pa man ako maaksidente.
Pero anong ginagawa niya dito?
Lumagpas naman ang tingin ko at napunta ito sa kasunod na kulungan at tumigil sa batang lalaki na nakatingin din sa akin. Lalo akong nagulat ng makilala ko ang batang ito, si Aristotle ang batang iyon.
Nandito silang dalawa at nakakulong gaya ng sabi sa libro…
Kung ganoon ba ay nasa loob ako ng libro? Tama ba ang hula ko? Paano naman ako napunta sa loob ng libro?
Bigla naman akong naguluhan sa mga pangyayari at napatingin ulit kay Aleixis.
Bata pa lang siya ngunit umaapaw na ang kagandahang lalaki niya ngunit hindi sinabi sa libro na kahit isang bata lang siya ay nag-uumapaw na ang lamig sa mga mata niya.
Nakita ko na siya ng harap-harapan at ang tangi kong gustong gawin ay yakapin siya ng mahigpit para ipaalam sa kanya na nandito lang ako sa tabi niya.
BINABASA MO ANG
Mr. Villain, I Love You 🌟
FantasyWhat if bigyan ka ng chance ng tadhana para makilala yung favorite character mo? What if there's a chance na mapasaya mo yung favorite character mo na kinakaayawan ng mundo? What if may pagkakataon kang manatili sa tabi niya at maging karamay niya s...