Visitor
Para akong nakalutang sa ere habang naglalakad ako pabalik sa may garden. Nakakagat ako sa aking pang-ibabang labi habang hawak sa aking magkabilang kamay ang cupcake.
Mula sa kabilang parte ng malaking garden ay nakita ko ang matalim na tingin ni Ms. Nova sa akin. Dahil sa takot ay kinakabahan akong bumaba sa hagdanan. Kada hakbang na binababaan ko ay tumitingin ako sa kanya sa takot na lapitan niya ako.
Halos takbuhin ko ang pwesto kung nasaan si Nanay. Nag-angat siya nang tingin sa akin at nakita ko ang gulat sa kanyang mukha dahil sa aking dala.
"Saan mo kinuha iyan, Vesper?" tanong niya sa akin.
"B-bigay po ni Senyorito August," mabilis na sagot ko sa kanya.
Mula sa akin ay nag-angat siya ng tingin sa paligid. Marahan niya akong hinawakan sa balikat para palapitin sa kanya. Sinundan ko ang tingin ni Nanay at nakitang si Ms. Nova na masama ang tingin sa amin ngayon siya nakatingin.
"Sige na at kainin mo na 'yan. Magtrabaho na pagkatapos," sabi ni Nanay sa akin. Hindi na niya ako tinanong pa ulit kung totoo bang ibinigay iyon sa akin at hindi ko kinuha. Alam naman niya na hindi ko kayang magsinungaling sa kanya.
"Ito naman daw po...para sa inyo," sabi ko sa kanya at itinaas ang isa pang cupcake.
Tipid na ngumiti si Nanay at hinaplos ang ulo ko. "Sayo na ang lahat ng yan," sabi niya sa akin.
"Pero po..."
"Busog pa si Nanay," sabi niya sa akin bago niya muling itinuon ang buong atensyon niya sa ginagawa.
Dahan dahan at ma-ingat kong kinain ang cupcake. Hindi mawala ang ngiti sa labi ko habang ginagawa ko iyon. Ang tamis na dala niya ay nakakapag-pagaan ng loob. Sa sandaling iyon ay parang nakalimutan ko ang lahat ng problema namin sa buhay. Hindi ko din alam.
Tahimik akong kumakain nang mag-angat ako ng tingin. Natigilan ako nang makita kong pababa sa garden ang magkapatid na sina Senyorito August at Senyorito Julio. Hindi ko din alam kung bakit ibang pangalan ang itinawag ko sa kanya kanina. Marahil ay dahil na din sa kaba.
Sinundan ko silang dalawa nang tingin. Seryoso silang nag-uusap. Hindi din kasi nagkakalayo ang itsura nila. Parehong gwapo at matangkad.
Si Senyorito Julio ang bunso, hindi kagaya ni Senyorito August ay palaging walang ekspresyon ang mukha nito. Hindi siya yung pwede mong lapitan kung kailan mo gusto. Mukha naman siyang mabait kahit ganoon pero nakakatakot pa din dahil hindi palangiti.
Halos magkasing tangkad din silang dalawa. Pareho ang built ng kanilang katawan at kung umasta at kumilos ay parang mas matanda sa kanilang totoong edad. Bata pa lang ay makikita mong mga responsable na talaga.
Clean cut ang buhok ni Senyorito Julio, mas kontrolado din niya ang galaw niya. Para bang kung ano ang gusto niyang ipakita sayo tungkol sa kanya...iyon lang ang makikita mo.
Lumipat ang tingin ko kay Senyorito August, panay ang ngisi niya habang nakikipag-usap sa kapatid. Siya yung tipo na kahit intimidating ay pwede mo pa din namang lapitan.
May kahabaan lang buhok nito kesa sa kapatid. Mas nangungusap ang kanyang mga mata at mas gusto ko...ang kanyang mga mata. Mas maputi din siya ng kaonti kesa kay Senyorito Julio. Wala namang dapat ikumpara sa kanilang dalawa dahil bagay sa kanila kung anong katangian ang meron sila.
Dumiretso sila sa may malaking fountain sa gitna ng garden. Marami na ding ibang kalalakihan doon na mukhang magtutulong tulong para itayo ang arko.
Huminto silang magkapatid sa harapan at may kinausap na lalaki. Mas maraming sinabi si Senyorito Julio kaya naman nagkaroon ng pagkakataon si Senyorito August na igala ang kanyang buong paningin sa palagid.
BINABASA MO ANG
Nights of August (Sequel # 5)
RomanceThe best nights of my life happened in August. My heart will always stay in the Nights of August.