Family
Napahinto si Nanay nang ma-realize niya ang lumabas sa kanyang bibig. Maging ako ay ganoon din. Hindi ko inaasahan na ganoon kadali niyang masasabi kay August ang tungkol kay Verity. Ayokong isipin na sinadya 'yon ni Nanay, alam ko namang masyado siyang nadala ng emosyon at galit niya.
Nang hindi siya nakakuha ng sagot kay Nanay ay ko naman ang nilingon ni August. Isang beses ko lang siyang nilingon, matapos 'yon ay hindi ko na siya muling tiningnan sa kanyang mga mata. Ni hindi ko din kaya ang bigat ng tingin niya sa akin.
Punong puno ng pagtatanong ang tingin niya sa akin. Nalulunod ako, hindi ko alam kung paano kumawala, ang bigat sa dibdib. May kung ano sa aking gustong bumigay na, pero malakas pa din ang kapit ko sa desisyon kong wag ipaalam kay August. Kahit alam na niya, kahit nadulas na si Nanay ay itatanggi ko pa din.
"Vesper, anong ibig sabihin ni Nanay?" tanong niya sa akin.
Ramdam ko ang pagmamaka-awa sa boses niya, na para bang halos lumuhod na siya sa harapan ko sagutin ko lang ang mga tanong niya.
"Ang alin?" tanong ko. Pilit na nagmamaang-maangan kahit huling huli na.
"Apo niya? Kung ganoon...totoo ngang may anak tayo?"
Hinarap ko siya, tiningnan diretso sa kanyang mga mata para mas makatotohanan.
"Saan mo nakuha 'yan? Hindi ko alam ang mga pinagsasabi mo, August," giit ko.
Ramdam ko ang tingin ni Nanay sa akin. Na para bang hindi siya makapaniwala na kaya kong gawin 'yon, nagsisinungaling ako sa kanyang harapan. Kung ganoon ay parang wala akong pinagkaiba kay Dennice...sinungaling din ako.
"Tama na. Aminin mo na lang...may anak ba tayo?" seryosong sabi ni August sa akin.
Kahit anong pilit kong maging matapang ay para pa din akong naputulan ng dila dahil sa tanong niya sa akin. Na para bang kahit ilang beses niyang itanong sa akin 'yon ay nandoon pa din yung kaba sa tuwing titingnan niya ako diretso sa aking mga mata.
"W-wala..." sagot ko at kaagad na nag-iwas ng tingin.
Hindi ko gustong itanggi si Verity. Pero hindi pa din ako hand ana umamin kay August. Masyado pang magulo, nag-uumpisa pa lang kaming ayusin ang sa amin ni Nanay dahil sa matagal naming hindi pagkikita...ayoko ng isa pang gulo.
"Vesper naman, tama na...wag niyo na akong gawing tanga. May anak ba tayo?" madiing tanong niya.
Kahit seryoso ang pagkakatanong niya ay para bang iiyak din siya ano mang oras kung sakaling tumanggi ulit ako.
"Ayoko nang pag-usapan 'to," sabi ko at tangkang iiwasan ulit siya nang humarang na siya sa daraanan ko.
"Hindi matatapos ang pag-uusap na 'to hangga't hindi mo inaamin sa akin ang totoo," giit niya. Nagmatigas siya kaya nagmatigas din ako.
"Wala akong aaminin sa 'yo," giit ko habang iwas na iwas na suklian ang ginagawa niyang titig sa akin.
"August, hayaan mo muna ang anak ko," seryosong suway ni Nanay sa kanya.
Marahas na umiling si August, halos mapahilamos siya sa kanyang mukha.
"Nay, gusto ko pong malaman. May karapatan po akong malaman ang totoo," giit niya.
"Mag-usap ulit kayo pag handa na si Vesper na kausapin ka. Mas lalo lang kayong hindi magkaka-intindihan na dalawa kung pareho kayong galit," paliwanag pa ni Nanay sa amin.
"Nay..." tawag ni August. At talagang nagawa pa niyang humingi ng tulong sa Nanay ko na akala mo naman ay tutulungan siya.
Hindi nagsalita si Nanay, nanatili lang siyang tahimik habang nakatingin kay August. Nang wala siya muling nakuhang sagot dito ay nilingon niya ako. Doon ko na napansin ang pamumula ng kanyang mga mata.
BINABASA MO ANG
Nights of August (Sequel # 5)
RomanceThe best nights of my life happened in August. My heart will always stay in the Nights of August.