Bakit
Halata ang pagiging tahimik ni August ng sumunod na araw. Gustuhin ko mang punahin 'yon ay hindi ko magawa. Natatakot din talaga ako.
"Sumakit nanaman?" tanong ni Jade sa akin.
Bago ko sagutin ang tanong niya ay nilingon ko muna ulit sina August. Nakikipag-kwentuhan na siya ngayon kina Bruce at Lino, kahit papaano ay nawawala na din sa isip niya yung napanaginipan niya kagabi.
"O-Oo..." sagot ko sa kanila.
"Naku, ipatingin niyo na 'yan. May mga libreng konsulta naman diyan sa may health center. Baka mamaya kung ano na 'yan," suwestyon ng mga kaibigan ko sa akin.
Hindi kaagad ako nakasagot sa kanila. Kung ganoon lang sana kadali, bakit naman hindi?
Kung sigurado lang sana akong normal lang 'yon na pag sakit ng ulo ay ako pa mismo ang pumilit kay August na magpatingin kami. Pero hindi ko din kasi ma-iwasan na isiping baka dahil 'yon sa pagka-wala ng kanyang mga ala-ala.
"S-sige, magpapa-check up kami," sabi ko na lang para matigil na ang pag-uusap namin tungkol doon.
Umalis sina August para mag-deliver. Pagkabalik nilang tatlo ay ibinalita nila sa amin na may kumuha sa kanilang kargador sa bagsakan ng bigas sa may bungad ng palengke.
"Oh, bakit e-extra pa kayo? Pagod na nga kayo sa pagde-deliver," puna ni Ruth.
Imbes na sumagot si Bruce ay kaagad niyang nilapitan ang asawa at niyakap ito mula sa kanyang likuran.
"E, di ba nga nag-iipon tayo para magkabili ng motor," sabi niya dito.
Humaba ang nguso ni Ruth habang pilit na itinatago ang ngiti, mukhang may nai-isip nanamang kapilyahan.
"Basta ba...may lakas ka pa din para mamaya," sabi niya sa asawa bago sila nagtawanan na dalawa.
Nagkaroon nanaman sila ng sarili nilang mundo kaya naman napa-iling na lang sina Jade at Lino.
Lumipat ang tingin ko kay August nang lumapit siya sa akin.
"Ikaw din?" tanong ko.
Marahan siyang tumango at tipid na ngumiti sa akin.
"B-bakit, gusto mo din ng motor?" tanong ko sa kanya.
Kaya ko din naman mag-extra ng trabaho kung gusto niyang bumili kami ng motor. May mga motor naman na hulugan, kaya naman siguro kung pareho kaming mag-iipon.
Marahang umiling si August bilang sagot.
"Mag-iipon ako para magpa-check-up. Para hindi na din natin magalaw yung pera na sinasahod natin," sagot niya sa akin kaya naman hindi ako naka-imik.
"M-may libreng konsulta daw diyan sa may center...gusto mo bukas magpa-check up kagaad tayo doon?" tanong ko sa kanya. Hindi ko matago ang kaba sa boses ko.
Hinarap ako ni August at hinawakan ang aking mga kamay ng mukhang mapansin niyang kinakabahan ako.
"Wag kang kabahan. Ayos lang ako...baka normal na pagsakit ng ulo lang 'to," sabi niya sa akin.
Hindi ko magawang sumang-ayon. Hindi ko magawang hindi kabahan. Hindi lang naman kasi kaba ang tawag dito...takot din.
"Kung ganoon, bakit kailangan sa hospital pa?"
Sandali siyang natahimik, hindi din kaagad niya nasagot ang tanong ko sa kanya. Para bang may malalim pa siyang iniisip, may mas malalim pa siyang dahilan...at para bang ayaw niyang sabihin 'yon sa akin.
BINABASA MO ANG
Nights of August (Sequel # 5)
רומנטיקהThe best nights of my life happened in August. My heart will always stay in the Nights of August.