Chapter 36

45.7K 2.1K 306
                                    

Alok








Nagtagal ang tingin ko kay Dennice, kita ang pinaghalong gulat at takot sa kanyang mukha. Para bang biglang nawala ang kaluluwa niya sa katawan. Hindi makagalaw, halos makalimutan ang pag hinga.

"Hindi po ako nahanap ni Dennice," pag-amin ko kay Nanay.

Magsasabi ako ng totoo. Hindi ko kakampihan si Dennice para magmukhang nahanap niya ako kahit ang totoo ay hindi naman. Ni hindi ko nga naramdaman na may ganoon, wala nga siyang ginawa kundi ang itaboy ako.

"Ha? Matagal kitang ipinahanap sa kanya. Nasa America pa lang ako at nagpapagaling. Ang tagal kong hinintay ng pagkakataong 'to," mangiyak-iyak na sabi ni Nanay sa akin.

Muli niya akong niyakap ng mahigpit. Halos hindi niya pansin ang gusto kong iparating. Wala siyang ibang gustong gawin ngayon kundi ang yakapin ako.

Niyakap ko siya pabalik, niyakap ko ng mas mahigpit. Buong akala ko noon ay hindi ko na mararamdaman ito. Buong akala ko ay habang buhay akong mangungulila sa yakap ni Nanay.

"Mahal na mahal kita, Vesper. Hindi kita kailanman nakalimutan...ikaw kaagad ang unang hinanap ko nang magising ako," sabi ni Nanay sa akin.

Hindi niya alam kung ano ang gagawin niya. Ang yakapin ako, o pagmasdang mabuti ang mukha ko. Ilang beses niya din akong hinalikan sa pisngi. Miss na miss ko din si Nanay, kaya naman hanggang ngayon ay hindi pa din ako makapaniwala.

"Kamusta ka na? Saan ka nakatira ngayon? Ang dami kong kailangang malaman sa'yo," sabi niya sa akin.

Wala akong nagawa kundi ang tumango. Marami din akong gustong ikwento kay Nanay, madami din akong gustong malaman sa kanya. Dahil sa muli naming pagkikita ay maraming tanong ang gusto kong masagot.

Nilingon ko si Dennice, tahimik pa din siya. Halata ang takot sa kanyang mukha pero pilit niyang itinatago. Saan siya natatakot?

"Ma'am, kailangan na po kayo sa labas," sabi ng kararating lang na babae. Mukhang isa sa mga organizer ng event.

Tumingin si Dennice kay Nanay. Bahagyang lumuwag ang yakap niya sa akin nang marinig niya 'yon. Hinawakan niya ang pisngi ko, tipid siyang ngumiti sa akin.

"Ipapakilala din kita sa lahat," sabi niya sa akin kaya naman napaawang ang bibig ko.

Bumaba ang hawak niya niya sa kamay ko.

"Halika..." yaya niya sana sa akin. Pero bago pa man kami tuluyang maka-alis doon ay bumalik na si August.

"Vesper..." tawag niya sa akin.

Hindi natuloy ang sasabihin niya nang puminta ang gulat sa kanyang mukha. Ibig bang sabihin ay hindi din niya alam na buhay si Nanay?

"Nay Fae?" tawag niya dito.

Napasinghap si Nanay. Ang isa niyang kamay ay kaagad na naglahad kay August. Walang pagdadalawang isip na lumapit si August dito para yumakap.

"Nandito kayo...nandito kayo," sambit ni Nanay.

Nakita ko ang higpit ng yakap niya dito. Hindi pa alam ni Nanay ang nangyari sa amin kaya naman naiintindihan ko pa ang pakikitungo niya kay August ngayon.

"Akala ko po..." hindi makapaniwalang sabi nito bago nagpalipat lipat ang tingin niya sa amin ni Nanay.

"Masaya akong makitang kayo pa ding dalawa hanggang ngayon. Hindi talaga ako nagkamali na ipagkatiwala sa'yo ang anak ko, August." sabi ni Nanay.

Sumama ang tingin ko kay August nang tumingin siya sa akin. Napabuntong hininga ako at nag-iwas ng tingin. Hindi ngayon ang tamang oras para sa pagsisiwalat ng lahat kay Nanay. Wala akong kahit anong itatago sa kanya. Gusto kong malaman niya ang lahat...kahit ang pinakamaliit na detalye sa mga nangyari sa buhay ko at sa baby ko.

Nights of August (Sequel # 5)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon