First night
Nanatili ang tingin ko kay Nanay dahil sa sinabi niya sa akin. Alam kong masyado pa akong bata para isipin ang bagay na 'yon.
"Bata ba ang Vesper ko. Mag-aaral pa 'to ng mabuti," nakangiting sabi ni Nanay sa akin bago siya naglahad ng kamay sa akin para yakapin ako.
Lumapit ako kay Nanay at ginantihan ang higpit ng yakap niya sa akin. Naramdaman ko pa ang paghalik niya sa ulo ko bago ko ulit naramdaman ang higpit ng yakap niya.
"Mag-aral ka nang mabuti. 'Yan ang isa sa mapapamana ni Nanay sa'yo. Bagay na walang makakakuha sa'yo..." sabi niya sa akin kaya naman kaagad akong tumango.
"Mag-aaral po ako ng mabuti, Nay." pangako ko sa kanya.
"Tsaka na ang crush-crush...pag nasa tamang edad na. At hindi ko pa kaya na makita kang mamorblema dahil sa lalaki. Tingnan mo na lang kami ng Tatay mo..."
Nag-angat ako ng tingin kay Nanay.
"Mahal niyo pa din po ba si Tatay kahit palagi niya tayo sinisigawan at sinasaktan?" tanong ko sa kanya.
Hindi kaagad sumagot si Nanay sa sinagot ko sa kanya. Kung ako kasi ang tatanungin...nag-aalala pa din ako kay Tatay. Kahit sinasaktan niya ako, palaging pinapagalitan, at pinapalo ay siya pa din naman ang Tatay ko.
"Mahal ko ang Tatay Victor mo...noon. Pero nung sinasaktan ka niya, nung sumobra na siya...hindi ko na naramdaman 'yon," sabi ni Nanay sa akin habang nakatingin sa kung saan. Malalim ang iniisip.
"Pwede po bang mawala ang pagmamahal mo sa isang tao, Nay?" tanong ko sa kanya.
Tumingin siya sa akin at tumawa. "Bakit ganito ang mga tanong mo, Vesper Aurora?" natatawang tanong niya sa akin.
Ngumiti lang ako kay Nanay, muli nanamang humigpit ang yakap niya sa akin.
"Siguro? Lalo na pag nawala na ang respeto. Hindi ko na din naman maramdaman na mahal tayo ng Tatay mo..." sagot niya sa akin.
Muli kong inayos ang mahigpit na pagkakayakap ko kay Nanay.
"Ako po Nay, mahal na mahal ko po kayo," sabi ko sa kanya.
"Ganuon din si Nanay, Vesper."
Kailangan naming masanay na kaming dalawa na lang ni Nanay. Simula naman nang magka-isip ako ay iyon na ang naramdaman ko...iyon na ang ipinaramdam ni Tatay sa amin. Na kaming dalawa lang ni Nanay ang magkasama.
Naging abala ang buong mansion ng mga Escuel kinaumagahan. Maaga pa lang ay abala na ang kusina. Aalis daw sina Senyorito August at Senyorito Julio para pumunta sa hacienda ng mga Montero. Sasakay daw sila ng kabayo.
"Marunong po ba kayong sumakay ng kabayo?" tanong ko kay Ate Mina isa sa mga kasama din naming kasambahay.
Tumawa siya sa akin habang inihahanda ang mga pagkaing ihahain sa mahabang lamesa sa may labas.
"Sa nobyo ko lang ako sumasakay," sagot niya sa akin na ikinakunot ng noo ko.
"Mina! Ang bata bata pa ni Vesper e!" suway ng mga nakakatanda sa kanya kaya naman mas lalo siyang natawa bago niya ako hinawakan sa ulo.
"Biro lang..." sabi niya pa sa akin.
"Bakit po? Kabayo po ba ang nobyo niyo?" tanong ko sa kanya kaya naman halos lahat sila ay natawa na. Hindi ko maintindihan.
Nakangiti si Nanay sa akin pagkapasok niya sa may kitchen. Lumabas siya paga ihanda ang mga mamahaling kubyertos sa taas ng mahabang lamesa.
"Nay, si Ate Mina po...may boyfriend na kabayo," kwento ko sa kanya.
BINABASA MO ANG
Nights of August (Sequel # 5)
RomanceThe best nights of my life happened in August. My heart will always stay in the Nights of August.