LILIANA HELLION
Tahimik na nagmamasid si Chase, pinapakiramdaman din niya ang kanyang paligid upang makasiguro siya na walang nakabantay sa bawat kilos niya. Dapat lang talaga siyang mag-doble ingat para hindi siya mabisto sa binabalak niya.
Saglit niyang inayos ang kanyang suot na itim na sumbrero bago siya lumabas sa botika. Katatapos lang niyang bumili ng kailangan niyang gamot para ipainom sa mga tauhan ni Mr. Santos mamayang gabi.
Hindi siya papayag na mapahamak si Liliana. May kasalanan din naman kasi siya kung bakit napunta ang dalaga sa delikadong sitwasyon.
He abducts her without knowing that she is his childhood best friend. Mabuti na lang ay agad niyang nalaman na si Liliana ang kanyang dinukot. Nagpapasalamat siya na nakita niya ang suot nitong kwintas.
Kaya dapat lang na gumawa siya ng paraan para itakas ang dalaga at mailayo ito mula kay Esteban. Bahala na kung siya ang mapahamak, ang mahalaga sa kanya ay ligtas si Liliana at magtagumpay siya sa gagawin niya.
Sinigurado ni Chase na walang nakakita sa kanya na bumili siya ng sleeping pills sa botika. Isinuksok lang niya ito sa bulsa ng kanyang pantalon bago siya nagtungo kung saan nakaparada ang kanilang sasakyan.
Agad niyang napansin ang dalawa sa mga tauhan ni Mr. Santos na naghihintay sa sasakyan habang naninigarilyo. Prente namang nakaupo ang Kuya Lakan niya sa driver's seat.
"Saan ka galing?" tanong ng isang lalaki na kasama nila. "Bakit ang tagal mo?" Seryoso pa itong humithit ng sigarilyo at ibinuga ang usok.
"Bumili lang ako ng prutas," simple niyang sagot.
Ipinakita niya ang isang supot ng prutas na binili niya kanina sa palengke. Sinadya niya talaga itong bilihin para hindi lalong magtaka ang dalawang lalaki kung bakit ang tagal niya.
"Ganun ba? O sige, bumalik na tayo. Baka kanina pa naghihintay si Jimmy sa atin," turan nito at sumakay sa Van.
Sumakay na rin agad si Chase sa sasakyan. Isang tingin lang ang ipinakita niya kay Kuya Lakan niya nang tingnan siya nito at tila nagtatanong ang mga mata nito kung tagumpay ba siyang nakabili ng sleeping pills. Palihim lang siyang tumango bago pinaandar ni Lakan ang sasakyan.
Tahimik ang kanilang naging biyahe. Wala ni isa sa kanila ang nagtangkang umimik. Malakas din ang kutob niya na isang sindikato si Mr. Santos.
Mayaman ang matandang lalaki ngunit saan ito nakakuha ng mga ganitong klaseng tauhan na may dalang mga kalibre ng baril? Obvious din naman na hindi mga pulis ito o kahit na bodyguards. Isa lang ang sigurado ni Chase, delikado ang mga kasama nila.
"Oo nga pala mga boss, may sasabihin pala ako."
Saglit na tiningnan ni Chase si Lakan ng bigla nitong binasag ang katahimikan. Napansin din niya sa salamin ang dalawang lalaki na napatingin sa gawi ni Lakan ng makuha nito ang kanilang atensyon.
"Ano 'yon?"
"Birthday ko nga pala ngayon. Balak ko sana na mag-celebrate tayo. Alam niyo na, inuman lang kahit kaunti. Huwag kayong mag-alala, ako nang bahala sa iinumin nating beer." Ngumiti pa ng sobrang tamis si Lakan.
"Talaga? Aba, happy birthday pala sa iyo!" nakangiting bati ng isa, mahina pa nitong tinapik ang braso ni Lakan.
"Salamat. Huwag ninyong kalimutan mamayang gabi, ha? Libre ko na ang alak para i-celebrate ang birthday ko. At saka magpapaalam na rin ako kay boss Jimmy kung papayag siya," wika ni Lakan sa dalawa.
BINABASA MO ANG
HELLION SERIES 3: THE ABDUCTOR'S DESIRE [Published Under GSM)
General FictionHELLION 3: CHASE LAURENT PUBLISHED UNDER GOOD SAMARITES BOOKSHOP She was born rich, he was not. They met when they were 10 and they became childhood best friends. But he left her for a reason and he didn't have any other choice. She tried to find hi...