Chapter 01

304 20 11
                                    

Warning: This chapter may contain triggering words and/or scenes. Read at your own risk.


[01]

"Oh palengke! Palengke! High school! Pakiusog ho sa kanan, maluwag pa!"

"Hoy! Ineng, siksikan na kami rito, anong maluwag pa?" anang babaeng puro kolorete ang mukha. "May balak ka bang gawin kaming sardinas?"

"Eh, Manang—"

"Manang? Sa ganda kong ito manang? Oh my God!" singhal niya.

"Ate," sambit ko kasunod ng isang buntong-hininga.

"Ayan! Palibahasa siguro bagsak ka sa GMRC, hmp!""

"Ate, dosehan po ang dyip na ito. Tignan niyo nga at sampu pa lang kayo," malumanay na sagot ko. 'Medyo malaki ho kasi kayo' gusto ko sanang idugtong pero baka mas lalo siyang mag-alburoto.

Tanging pag-irap lang ang natanggap ko mula sa kaniya bago bumalik ang ulo ko sa labas ng dyip. Ilang sandali lang ay napuno rin ang sasakyan. Kinalampag ko ang tuktok nito bilang senyales na pwede nang umabante.

"Larga na!" sigaw ko bago tuluyang umandar ang sasakyan.

Ito ang buhay ko, konduktor sa edad na labing siyam. Wala eh, ganoon talaga ang buhay. Ang iba'y karangyaan ang tinatamasa at ang iba'y kahig-manok ang sinasapit. Malas ko lang talaga at ang huli ang binagsakan ko.

"May bababa sa high school!" sigaw kong muli nang matanaw ko ang eskwelahan kung saan nagsisipasukan ang mga kaedaran ko. Ang sarap siguro sa taingang matawag na isang kolehiyala.

Saktong pagtapat sa eskwelahan ay huminto na ang dyip. Halos palundag akong bumaba mula sa entrada ng sasakyan para bigyang daan ang mga pasaherong bababa.

Hindi ko maiwasang mainggit paminsan-minsan sa mga ganitong pagkakataon. Iniisip kung, ano kayang pakiramdam ang makapagsuot ng uniporme? Siguro'y napakalinis kong tingnan. Bumaba ang tingin ko sa suot kong damit. Maluwang na may kaunting mga butas ang aking pantaas, samantalang kupas na maong shorts ang aking pang-ibaba. Sa tingin ko'y hanggang dito na lang ako.

"Mira!" untag sa akin ni Kuya Albert, ang driver ng dyip, na nakasilip sa bintana. "Papasada pa tayo, sakay na!"

Madali akong sumampa sa entrada ng dyip at isinabit ang kamay sa taas bago ito muling kinalampag. Nalunod na naman pala ako sa pag-iisip.


ALAS siyete ng gabi nang magpasya si kuya Albert na huminto. Birthday raw kasi ng anak niya ngayon kaya maaga ang garahe. Agad akong bumaba at halos patakbong pumunta sa kaniya para kuhanin ang kita ko ngayong araw.

"Bakit one-fifty lang ito, kuya?" tanong ko nang iabot sa akin ang buong isang daan at isang singkwenta pesos na papel.

"May pangangailangan din ako, Mira. Saka birthday ngayon ng anak ko. Ayos na iyan."

"Kuya, hindi naman matumal ang biyahe natin kanina ah. Baka naman pwedeng dagdagan mo na ito kahit singkwenta lang."

Nasa mukha ni Kuya Albert ang pagsuko kaya ilang segundo lang nang humugot siya ng pulang papel mula sa mga nakatuping pera. Iniabot niya iyon sa akin at kaagad ko naman iyong tinanggap. Hindi na rin ako nagtagal at nagpaalam nang uuwi.

"Oy, Mira, ang aga mo yata ngayon?" tanong ni Mang Esteban na nakikipag-inuman na naman.

"Birthday ho ng anak ni Kuya Albert eh. Kayo ho, naku nag-iinom na naman kayo, masama ho sa atay iyan," pabiro kong sagot.

Napakamot ito sa ulo. "Ang mahalaga'y sa tiyan ang agos ng alak sa akin, hindi tulad ng iba na sa ulo."

"Sabagay ho. Ay siya, mauna na ho ako," paalam ko bago magpatuloy sa paglalakad.

Invisible CapeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon