[10]
WALA akong ideya kung saan ako kumuha ng lakas ng loob para tumakbo palayo kay Hero. Matapos siyang sumagot ay para bang nagkaroon ng sariling buhay ang mga paa ko at madaling tumakbo paalis sa lugar na iyon.
Hinihingal akong huminto sa tapat ng bahay namin. Nabuo ang gatla sa noo ko habang tinatanaw ang mga tao sa loob. Unti-unti ay nanlaki ang mga mata ko nang mapagtanto ang mga tao sa loob. Ngayon pala ako susunduin ni Jester. Bakit ko nakalimutan iyon?
"Paparating na rin siguro—oh, nandito na pala siya eh," pahayag ni Nanay nang makita akong nakatayo sa bukana ng pintuan.
"You're here."
Lumingon ako kay Jester nang magsalita ito. Hindi katulad noong mga nakaraang pagkikita namin, parang kakaiba ang itsura niya ngayon. Iba ang paraan ng pagngisi niya ngayon maging ang mga mata niya ay mamula-mula na nagbigay ng kilabot sa akin.
"Sige na, Mira, kuhanin mo na iyong mga gamit mo at nang makaalis na rin kayo kaagad," utos ni Inay.
Tumango na lang ako bago dumiretso sa kwarto. Bakit gano'n? Alam ko naman na halos palayasin na ako rito sa bahay kung wala akong mai-intregang pera. Pero bakit parang ang sakit pa rin na marinig ang mga salitang iyon mula sa bibig ni Inay?
Hindi ko alam kung bakit ko kailangang sumama kay Jester. Wala naman akong lakas ng loob na magtanong dahil alam kong hindi rin naman ako bibigyan ni Inay ng matinong sagot. Siguro hindi naman ako magtatagal doon.
"Inay..." banggit ko sa pangalan ng nanay ko nang pumasok siya sa kwarto.
"Ikaw, Mira, umayos ka doon ha? Sundin mo lahat ng ipapagawa sa iyo ni Jester. Huwag kang aarte-arte dahil hindi iyon bagay sa iyo."
Lumunok ako para sandaling mag-ipon ng lakas ng loob. "Ano po ba ang gagawin ko doon?" tanong ko.
"Hay naku, 'wag ka na ngang maraming tanong! Bilisan mo d'yan!" Iyon ang huling sinabi ni Inay bago lisanin ang maliit kong kwarto.
Bahala na si Batman.
Wala na sila sa sala nang lumabas ako. Nadatnan ko na sila sa labas ng bahay, mukha silang nag-uusap. Hindi ko naman sinasadyang bagalan ang paglakad ko, sadyang nagdadahan-dahan lang ako dahil parang ang bigat umalis. Pakiramdam ko may hindi tama. Pakiramdam ko hindi ito simpleng bakasyon.
"Maraming salamat ho talaga sa pagpayag ninyo," pasasalamat ni Jester.
"Ano ka ba wala iyon, kami nga ang dapat magpasalamat. Sa wakas, may trabaho na kami na malakas ang kitaan."
"Akalain mo iyon, magre-repack lang kami ng asin kikita kami ng libo," masayang dugtong ni Itay.
Napakakunot ang noo ko. Magre-repack ng asin tapos kikita ng libo? Eh doon nga sa chicharonan ni Mang Gido, bente kada sako. Kung alam ko lang na malakas ang kitaan sa asin, sana doon na lang ako pumasok. Baka sakaling hindi ako sinasaktan ng mga magulang ko.
"Mira, let's go?" tawag sa akin ni Jester nang makita niya akong lumabas sa pintuan.
Tumango lang ako bilang sagot. Malungkot kong sinulyapan ang aming bahay at ang mga magulang ko na halos abot-tainga ang mga ngiti. Masaya sila.
NAGING tahimik lang ako sa buong biyahe. Tango, iling, oo at hindi lang ang tanging sagot ko sa tuwing kakausapin ako ni Jester. Paunti-unti, hindi na nagiging pamilyar sa akin ang daang tinatahak namin.
Malaking gate ang biglang bumukas na siyang pinasukan ng kotseng lulan namin. Hindi ko maiwasang mamangha sa laki ng bahay na bumungad sa amin. Siguro ay baka kulangin pa ang pinagdikit-dikit na sampung bahay na kasing laki ng bahay namin para pantayan ang laki nito. Totoo nga, mayaman sila Jester.
BINABASA MO ANG
Invisible Cape
General FictionCOMPLETED | Miracle Cojuangco is a living jinx-as what she called herself. She lived her whole life looking for a luck which seems fell on a wide sea of sharks. Unfortunately, her unluckiness starts in her own family and was added by the people arou...