Chapter 14

169 13 0
                                    

Warning: This chapter may contain triggering words and/or scenes. Read at your own risk.


[14]

"SUS! Pinagtakpan mo pa ang magaling mong kaibigan!" sabad ni Itay na ikinalingon namin ni Inay.

"Tumigil ka nga diyan."

"Bakit? Eh gusto niyang malaman ang totoo, pinagtatakpan mo pa ang nanay niyan." Bumaling siya sa akin. "Hoy, ikaw, makinig ka sa akin."

"Hernan!" sigaw ni Inay pero hindi nagpaawat si Itay.

"Ang nanay mo, pinamigay ka sa amin kasi anak ka niya doon sa may gumahasa sa kaniyang hapon. Eh ayon nag-japayuki pa kasi, susuot-suot ng mga shorts-short sa harap ng mga hapon edi nabuntis." Tumawa pa siya bago nagpatuloy. "Kinamumuhian ka ng nanay mo kaya ka iniwan sa amin. Ni hindi nga siya makatingin sa iyo at ayaw kang buhatin nang matagal. Mabuti naman nag-iwan ng ilang libo na hindi naman sumapat man lang ng isang buwan."

"Hernan, tumigil ka na nga," walang emosyong suway ni Inay.

"Ikaw ang tumigil diyan! Binibigyan ko na nga ng pabor itong malas na ito eh!" Ibinalik ulit sa akin ni Itay ang tingin. "Nagpakahirap kami para lang mabuhay ka dahil hindi naman na kami magkakaanak. Oo, kinokompirma ko sa iyo ngayon na totoo iyong sinasabi nilang baog kami at ampon ka lang. Ewan ko nga ba kung bakit ayaw mong maniwala. Alam mo naman 'di ba?"

Tumango lang ako at hindi na kumibo. Humakbang siya palapit sa akin na halos mahigit ko na ang hininga ko.

"Wala na kaming ibang bubuhayin." Nagsimula na siyang duro-duruin ang sentido ko. "Tandaan mo, nagpakahirap kami kaya huwag mo kaming masisi-sisi kung bakit ibinigay ka namin kay Jester kapalit ng pera at trabaho namin ngayon. Bayad iyon sa pagpapakahirap namin sa iyo noon!"

Hindi ko na kaya. Ang sikip-sikip ng dibdib ko. Parang kahit anong oras ay puputok ito sa sakit.

"A-Aalis na po ako," paalam ko sa kanila.

"Siguraduhin mong babalik ka doon kay Jester," pahabol pang sabi ni Itay.

Tumango na lang ako at hindi na kumibo kahit hindi naman talaga ako babalik doon. Ayaw ko doon. Hindi ko na kailaman babalakin na bumalik doon. O pumunta doon sa tinatawag ni Jester na "paradise" na dapat ay pagdadalhan niya sa akin kung hindi ako itinakas ni Axel.

TUMAKBO lang ako nang tumakbo hanggang sa idinala ako ng mga paa ko sa isang lugar. Ang lugar na dati kong takbuhan pero pinipilit kong huwag nang puntahan, ang abandonadong gusali. Dito kasi ay natutukso akong tumalon, parang naeengganyo ang katawan ko na mahulog sa lupa. Ang iniisip kong pinakamabisa at huling solusyon para matapos na lahat ng paghihirap ko.

Tumingala ako sa kalangitan at nakita ang nag-aagaw nitong mga kulay. Sa 'di kalayuan ay natatanaw ko ang malapit nang lumubog na araw. Matatapos na naman pala ang araw, at hinihiling ko na sana ay matapos na rin ito. Gusto ko nang tapusin ang buhay ko.

"Ahh!" sigaw ko habang nakahawak sa barandilya. "Bakit ang sakit? Ano po ba ang kasalanan ko sa Iyo? Bakit hinahayaan Mo akong magkaganito? Ginawa ko naman lahat para matinong mabuhay ah!

Hindi ako nagnakaw o gumawa ng kahit anong bagay na taliwas sa Iyo para lang makakuha ng pera, kahit minsan ay natutukso na akong sumama doon sa mga batang hamog. Lahat ng ginawa kong pagkita ay ginawa ko sa matinong paraan. Kaya bakit kailangan kong pagdaanan ito?

Mahal Mo kami? O mahal Mo sila? Bakit pakiramdam ko wala nang nagmamahal sa akin, kahit Ikaw hindi ko na maramdaman? Iyong tunay kong nanay, iyong mga kinalakihan kong mga magulang, iyong mga taong nakapaligid sa akin, ramdam kong hindi nila ako gusto, pero bakit pakiramdam ko ay pati Ikaw? Bakit kailangan Mo pa akong pahirapan?

Invisible CapeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon