Chapter 22

163 10 0
                                    

Warning: This chapter may contain triggering words and/or scenes. Read at your own risk.


[22]

"SURE ka na ba talaga dito?"

Sinubukan kong pigilan ang sarili na umirap pero hindi ko nagawa. Hindi ko na rin alam kung pang-ilang beses na niyang itinanong sa akin iyan. Bumuntonghininga muna ako bago nagsalita.

"Sinabi ko na sa iyo, wala nang atrasan ito," sagot ko.

Humarap ako sa kaniya matapos niyang mai-lock ang bullet vest mula sa likuran ko. Pinasuot niya ako nito dahil wala raw siyang tiwala kay Jester. Ako rin naman.

Sunod niyang kinuha ang itim na leather jacket at isinuot din iyon sa 'kin. Pakiramdam ko ito ang magiging problema ko mamaya, mainit dito sa 'Pinas!

"Baka sakali kasing magbago ang isip mo." Itinaas na niya ang zipper pasara. "Basta sumunod ka lang sa plano and we'll be good."

Tumango ako. "Hindi ako magpapasaway, promise!" At itinaas ko pa ang isa kong kamay.

"Tara na."

Patalikod na sana siya nang bigla kong hinila ang kamay saka ko ipinalupot ang mga braso ko sa katawan niya. Naramdaman ko para siyang nanigas at rinig ko rin ang tibok ng puso niya nang lumapat ang pisngi at tainga ko sa kaniyang dibdib. Hindi ko alam kung bakit bigla ko itong ginawa, ang nasa isip ko lang ngayon ay gusto ko siyang yakapin.

"M-Mira," mahinang usal niya sa pangalan ko pero sapat na para marinig ko.

"Thank you," sa wakas ay may salitang lumabas sa bibig ko. "Salamat sa lahat. Siguradong wala na ako rito sa harap mo kung hindi mo ako nailigtas noong gabi na iyon."

Naramdaman ko ang unti-unting pagganti niya sa yakap ko at ang paglapat ng palad niya sa likod ko. "You don't need to thank me. Alam mo naman ang dahilan kung bakit ko iyon ginagawa, kasi—"

"Axel," pagputol ko sa sasabihin niya.

Alam ko naman na eh, at nalulungkot ako para sa kaniya. Marami naman siyang pwedeng magustuhan na iba, bakit ako pa na komplikado?

SUMAKAY ulit kami ng helicopter para mas mabilis kaming makaalis sa probinsiya. Huminto muna kami sa isang gusali bago sumakay sa mahabang kotse na kulay itim. Limo ang narinig kong tawag nila doon.

"Malapit na tayo, humanda ka na," pag-imporma ni Axel.

Kumuyom ang kamay ko dahil sa halo-halong emosyon. Pero pinakanangingibabaw sa akin ang kaba. Maraming negatibong ideya ang nasa isip ko ngayon. Ang nakikita ko na lang na pinakamabisang gawin ay ang manalangin. Magdasal na sana mailigtas namin si Hero. Hindi ko alam kung anong mangyayari sa akin kung sakaling may mangyari sa kaniya nang dahil sa akin.

Ilang sandali pa ay huminto na ang sinasakyan namin na lalong nagpakabog sa dibdib ko. Pakiramdam ko, anumang oras ay lalabas na ang puso ko sa dibdib ko. Akmang bubuksan na ni Axel ang pinto ng sasakyan nang yakapin ko na naman siya. Gusto kong iwaglit sa isip ko pero hindi ko talaga mapigilang mag-isip nang masama.

Halang ang bituka ni Jester, paano kung hindi siya tumupad sa usapan? Gusto niya akong iligpit dahil ayaw niya mag-iwan ng kalat. Pero nadamay na rin si Hero, paano kung ituring niya rin siyang kalat?

"Kinakabahan ako, Axel. Natatakot ako," pag-amin ko. "Paano kung hindi tayo magtagumpay? Paano kung saktan lalo ni Jester si Hero? Paano kung..." Hindi ko na napigilan ang pagtulo ng luha ko.

Naramdaman ko naman ang kamay niyang humaplos sa buhok ko. "Nandito lang ako, hindi kita pababayaan. Ililigtas natin si Hero at hindi ako papayag na makuha ka ulit ni Jester," paniniguro niya. Siya ang unang kumalas bago ikinulong ang mga pisngi ko sa mga palad niya. Pinunasan niya rin gamit ang hinlalaki ang mga luha sa magkabilang pisngi ko. "Gagawin ko ang lahat para hindi kayo mapahamak."

Invisible CapeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon