Chapter 02

235 19 2
                                    

[02]

MULI kong pinunasan ang pawis ko bago sumabit sa labas ng dyip. Tanaw ko na muli ang eskwelahan kung saan nagsisilabasan ang mga estudyante.

“Sakay!” agad kong sigaw nang iparada ni Kuya Albert ang sasakyan.

“Sige lang pasok, maluwag pa. Paasog ho sa kaliwa oh, salamat.”

Ilang sandali lang ay halos mapuno na ang dyip. Sumilip ako sa loob para mabilang kung ilan pa ang pwedeng sumakay. Labing-isa sa kaliwa at isang dosena na sa kanan. Itinaas ko ang kamay ko at hintuturo nang bumalik ako sa labas.

“Oh, isa pa! Lalarga na, isa na lang!”

Mula sa gate ng eskwelahan na kalapit ng pinagparadahan dyip, nakita ko si Hero, iyong anak ni Aling Rosa. Dito pala siya nag-aaral, buti pa siya suportado ng magulang. Ang hirap talaga kapag iba ang pananaw ng magulang. Si Inay at Itay kasi, huwag na raw ako mag-aral dahil balang araw ay mag-aasawa rin ako.

“Psst!” sitsit ko nang  medyo makalapit siya sa pwesto ko pero hindi man lang siya lumingon. “Hoy!”

Kunot ang noo niya nang magtaas ng tingin sa akin. Itinuro niya pa ang sarili, sinisigurado kung siya nga ba ang tinatawag ko.

Tumango ako. “Oo, ikaw! Sasakay ka?”

Tumingin muna siya sa pambisig niyang relo bago muling tumingin sa akin at tumango. Huminto siya sa tapat ko na tila ba may hinihintay.

“Ano pang itinatayo mo diyan? May hinihintay ka ba? Isa na lang ang kaya nito.”

Tumingin siya sa akin na para bang may dumi ako sa mukha bago umiling at pumasok na sa loob ng sasakyan. Pasimple tuloy akong napahawak sa mukha ko. May dumi kaya? Bago magsimulang umandar ang dyip, rinig ko pa ang iritan ng mga kabataang babae nang pumasok si Hero. Ganoon din ang nakikita kong ginagawa ng mga estudyanteng babae sa pinapanood ni Ate Chika, iyong manikyurista malapit sa amin, na nanonood ng tinatawag niyang k-drama.

“Ate, bayad po.” Yumuko ako para kunin ang bayad. Isinakbit ko ang isa kong braso sa hawakan sa entrada ng dyip  bago inabot ang buong singkwenta pesos.

Ilang hinto at andar, baba at sakay pa ang nangyari bago pa namin nakalahati ang ruta. Medyo namumula na rin ang palad ko kapapalo ng bubong ng dyip. Napayuko ako nang may kumalabit sa akin. Dumungaw ako sa loob at kinunutan ng noo si Hero. Kung hindi ako nagkakamali siya ang kumalabit sa akin dahil wala namang ibang tao sa gawing kanan ko at siya lang ang nasa kaliwa ko.

“Anong kailangan mo? Magbabayad ka ba?” tanong ko dahil wala naman siya iniaabot na bayad.

Hindi siya sumagot bagkus ay umusog lang siya. Akala ko ay magsasalita na siya pero tumingin lang siya sa upuan na nasa tabi niya kalapit ng entrada, ang pwestong kinauupuan niya kanina.

Napabuntong-hininga ako at pinigilan ang sariling mapairap. Hindi naman ako ganoon ka-slow para 'di maintindihan ang gusto niya. Ilang beses na rin ako dating nakapanood sa mga drama na pinapaupo ang isang tao gamit ang ganoong senyales. Sa pagkakaalam ko ay hindi naman siya pipi, kadaling magsalita hindi magawa.

“Salamat,” sambit ko at itinuon sa labas ng dyip ang tingin.

“Bayad ko.”

Muli kong ibinalik ang tingin sa kaniya nang marinig ko siyang magsalita. Bakit kaya may mga taong pinagpala ang mukha? Sa pagkakaalam ko, nakaka-stress daw sa school lalo na kung gusto mong mapanatiling mataas ang grades mo. Pero bakit ang fresh pa rin niya? Ang tangos ng ilong niya at mamula-mula ang labi. May maliit din siyang tigyawat sa gilid ng noo na tila hiyang-hiya na lumabas.

“Ayos ka lang?” Iwinasiwas niya ang kamay sa harap ko.

“H-huh?”

“Ito 'yong bayad ko.” Kinuha niya ang isa kong kamay at inilagay sa palad ko ang pera na bayad niya raw.

Invisible CapeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon