Chapter 04

209 16 1
                                    

[04]

"PWEDE ka ba mamaya?"

Napamaang ako sa tanong niya at napakurap-kurap. Iyan 'yong tanong sa mga drama tuwing tanghali eh. Ito 'yong...

"Magde-date tayo?" Nanlalaki ang mga mata ko nang itanong iyon.

"What?" Umiling siya at bahagyang napahalakhak. Mas bagay sa kaniya ang nakangiti kaysa iyong mukhang laging nakalaklak ng anesthesia ang mukha. "Kaya ko tinatanong kung pwede ka mamaya kasi uumpisahan ko na sanang mag-interview sa iyo."

Napakamot ako sa tungki ng ilong ko. "Ah, eh nagbibiro lang din naman ako," palusot ko, "Kilala mo ba si Ate Chika, 'yong manikurista sa tapat ng bahay n'yo? Ganoon kasi 'yong sa mga pinapanood niya."

Tumango-tango lang siya. "Alright. So, pwede ka mamaya?" pag-uulit niya sa tanong kanina.

"Hmm, sige. Hintayin mo na lang ako sa inyo mamayang gabi."


DUMIRETSO ako sa terminal ng dyip kung saan siguradong nakaparada na ang sasakyan ni Kuya Albert. Hindi nga ako nabigo dahil nakita ko siyang pinupunasan ang salamin ng sasakyan.

"Good morning, Kuya Albert!" bati ko bago sana tumuntong sa entrada ng dyip nang tawagin niya ako.

"Mira, halika muna rito."

Agad ako sa kaniyang lumapit. "Ano ang atin, kuya?" Malungkot ang mga mata niya nang tumingin sa akin. "May problema ba?"

"Oo, Mira." Napahaplos muna siya sa batok. "Uuwi kasi kami sa probinsiya at hindi ko alam kung kailan kami babalik."

Natikom ko ang bibig at nagpakawala ng buntonghininga. Mukhang alam ko na ang gusto niyang sabihin.

"Titigil na ho kayong mamasada?"

"Pasensya na, Mira. May sakit kasi ang nanay ko at wala rin naman akong mapagkatiwalaan magmaneho nitong dyip. Isa pa, kailangan ko rin ng pera kaya ibebenta ko na ito bukas," malungkot niyang paliwanag.

Ngumiti ako para takpan ang lungkot ko. Sino ba naman kasi ang hindi malulungkot kapag nawalan ka ng trabaho na tanging pinagkakakitaan mo?

"Ano ka ba, Kuya Albert, ayos lang iyon. Parang 'di mo naman ako kilala niyan, wais kaya ito. Kita mo bukas may trabaho na naman ako," sambit ko na sinusubukang pasiyahin ang tinig.

"Ganito na lang, Mira, bukas kapag nakuha ko na ang bayad ay bibigyan na lang kita ng bonus mo."

"Naku si kuya naman, idagdag mo na lang sa pamasahe niyo pauwi sa probinsiya iyong ibibigay mo sa akin."

"Pero—"

"Hay naku, mauubusan tayo ng pasahero, Kuya Albert. Tignan mo ang araw oh, palabas na," putol ko sa sasabihin niya at agad pumunta sa entrada ng dyip.


NANG sumapit ang hapon, nagpaalam na ako kay Kuya Albert. Tutal, ngayon niya raw yata idadala ang dyip sa bibili nito. Kailangan ko ring maghanap ng sideline ngayon, kung hindi ay siguradong malalagot ako sa mga magulang ko.

Pinunasan ko ang pawis na tumagaktak sa noo ko nang maupo ako sa isang waiting shed. Alas singko na pero walang bakanteng trabaho sa palengke.

"Mira?"

Napaangat ang ulo ko nang may tumawag sa pangalan ko. "Ate Chika?"

"Ikaw nga, ano'ng ginagawa mo rito? 'Di ba may pasada pa?" nagtataka niyang tanong.

"Wala na akong trabaho, Ate Chika. 'Yon kasing dyip ni Kuya Albert, ibebenta na niya. Kung sa ibang dyip naman ako magkokonduktora, meron na sila tapos iyong iba ayaw."

Invisible CapeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon