Chapter III: Be Ready
Nagtungo si Altair sa kinaroroonan nina Yuros at Finn. Matamis ang ngiti niya habang nakatingin sa dalawa niyang pamangkin, ganoon man, hindi pinaniniwalaan ni Yuros ang mga ngiting ito ng kanyang tiyuhin. Matagal niya itong nakasama, at basa niya na kung kailan ito totoong masaya o malungkot. At sa nakikita niya sa kilos nito, halata niyang hindi ito lubos na masaya at kontento sa kinahantungan nang pag-uusap nila ni Ploro.
“Dapat ay tinanggap mo ang hamon niya, Altair. Hindi ako nagiging negatibo, ang sa akin lang ay hindi natin masisiguro ang ating buhay sa oras na magsimula na ang ating misyon sa Holy Land of Erekia. Alam na alam mo na hindi tayo ganoon kalakas, at kung sina Oriyel ay nasawi, hindi malabong masawi rin tayo sa misyong ito,” biglang sabi ni Yasuke. Hinawakan niya ang kanyang katana at umayos ng upo bago siya tuluyang tumayo at tumingin ng seryoso kay Altair.
Naging taimtim ang ekspresyon ni Altair. Napahinto siya sa paghakbang
“Walang mamamatay sa pangkat na ito, at hindi pa nasawi sina Oriyel. Marahil nagkaroon lamang ng komplikasyon sa kanilang pag-iimbestiga kaya hindi siya makapagpadala ng ulat sa atin,” sambit ni Altair. Huminga siya ng malalim at sinabing, “Nagbitiw kami ni Ploro ng salita sa isa't isa. Hindi ko babalewalain ang pangako namin na maglalaban kami sa oras na magkapantay na ang aming antas at ranggo--at alam kong ganoon din siya. Mabubuhay ako, at mabubuhay rin siya.”
“At kung tatanggapin ko ngayon ang kanyang hamon, para ko na ring tinanggap na isa sa amin ang masasawi kaya kami nagmamadali,” dagdag niya pa.
Ngumiti si Yasuke at bumuntong-hininga. Tinanguhan niya si Altair at sinabing, “Gustong-gusto ko talaga kung paano ka mag-isip. Dahil sa mga sinabi mo, mayroon akong natutunan at napagtanto. Hindi ko hahayaan na matintahan ng anomang negatibong kaisipan ang aking puso't isipan.”
Ngumiti lang si Altair subalit hindi na siya tumugon. Pinanood niya ang pag-alis ni Yasuke, at noong makakuha siya ng tiyempo, humakbang na muli siya at umupo sa tabi nina Yuros at Finn.
“Kahit na tinanggihan mo ang hamon niya, siguro naman ay ayos lang kung makipagkumustahan ka sa kanya, Tiyo Altair. Siya pa rin ang pinaka matalik mong kaibigan mula noong mapunta ka rin sa Order of the Holy Light, at dekada rin ang nagdaan bago kayo muling magkita” ani Yuros habang nakangiti.
Bumuntong-hininga si Altair. Taimtim siyang tumingin kay Ploro na kasalukuyang naglalakad paalis sa salas. Walang nakakaalam kung saan ito papunta, subalit malinaw sa kanilang lahat na malungkot ito at sobrang dismayado.
“Mayroon akong naging mga kaibigan noon sa Saced Dragon Kingdom, subalit ang maituturing kong pinaka kakaiba at pinakamalapit na kaibigan ay si Ploro na nakilala ko matapos akong dalhin ni Pinunong Auberon sa teritoryo ng Order of the Holy Light. Hindi kagaya ng iba, ang naging simula namin ni Ploro ay hindi maganda,” paglalahad ni Altair. “Dinala ako sa kastilyo, at alam ko sa sarili ko na hindi ako nababagay sa lugar na iyon. Alam kong hindi ako gugustuhin ng mga naroroon dahil kahit ang batang paslit ay higit na mas malakas sa akin.”
“Itinuturing akong henyo at talentado ng ating angkan, pero nang mapunta ako sa Order of the Holy Light, nagmistulan akong mas mababa pa kaysa sa pangkaraniwan. Nakatanggap ako nang samu't saring pangungutya at panghahamak--at ang pinaka kinamuhian ko noon ay si Ploro dahil sobra ang pagtutol niya sa pagiging bahagi namin ni Yuros ng Order of the Holy Light na umabot sa puntong sinaktan niya si Yuros dahil gusto ni Yuros na gantihan ito sa masasakit nitong binitawan na mga salita.”
Huminga ng malalim si Altair. Tumingin siya sa kawalan habang may inaalala.
“Noong mga panahon na iyon, mahina ako, subalit hindi ako duwag. Hindi ako kailan man tatayo lang habang ang pamangkin ko ay sinasaktan. Kahit na napakahina ko, sinugod ko si Ploro. Ginamit ko ang buong lakas ko para ipaghiganti si Yuros, pero sa huli, nabugbog ako sa puntong hindi na ako makatayo. At pagkatapos noon, narinig ko mula sa bibig ni Ploro na humahanga siya sa aking katapangan, na gusto niya akong maging kaibigan. Ayokong makipagkaibigan sa kanya noong mga panahong iyon dahil sa kanyang ginawa. Paulit-ulit ko siyang tinanggihan, subalit paulit-ulit siyang nag-alok at nagtiyaga siya na humingi ng tawad sa amin ni Yuros.”
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 12: Holy Land of Erekia]
FantasySynopsis Dahil sa kagustuhang makasama ang kanyang tiyuhin at kapatid, tinanggap ni Finn ang misyon ni Auberon para sa pitong pangunahing miyembro ng Order of the Holy Light na magtungo sa Holy Land of Erekia para imbestigan ang hindi pagpaparamdam...