Chaptet XLVII: Promise has been Broken (Part 2)
Nang marating nina Yuros at Altair ang kagubatan, hindi mapigilan ni Altair na mamangha sa hiwaga ng kagubatan. Ngayon lang siya nakakita ng ganoong uri ng mga puno, halaman, bulaklak, at kung anu-anong insekto. Ibang-iba ang mga ito sa mayroon ang kaharian ng Sacred Dragon. Napakahiwaga ng mga ito, at hindi niya mapigilan na mapaawang ang kaniyang bibig habang pinagmamasdan ang paligid.
Dumeretso sila sa paboritong lugar ni Yuros. Hindi masukal ang kagubatan. Mayroon itong nakalaang daanan kaya hindi sila nahirapan.
Wala ring mapanganib na halimaw, insekto, o halaman sa kagubatang iyon dahil ayon kay Yuros, ang lahat ng mga matatagpuan sa kagubatan ay ligtas at hindi nananakit.
Sa paglalakad ng ilang minuto, narating nina Altair at Yuros ang isang napakagandang bahagi ng kagubatan. Mas lalong napaawang ang bibig ni Altair nang makita niya ang mahiwagang lawa. Nakaramdam siya ng kakaibang pakiramdam. Hindi niya alam, subalit para bang gusto niyang lumublob sa lawa.
Pakiramdam niya, maaalis ang lahat ng pisikal, emosyonal, at mental na pagod na dinadala niya noon pa man kapag binabad niya ang kaniyang sarili sa lawa.
Ganoon man, pinigilan niya muna ang kaniyang sarili. Narito siya hindi para sa kaniyang sarili. Niyaya siya rito ni Yuros upang magturo at gumabay--hindi magsaya para sa sarili niya lang.
Umupo sina Altair at Yuros sa tabi ng lawa. Bakas na bakas sa ekspresyon ni Yuros ang pananabik habang nakatingin kay Altair. Matagal niya nang gustong matuto kung paano maging adventurer, pero walang nagtuturo sa kaniya. Kahit na pakiramdam niya ay kusang inaabsorb ng kaniyang katawan ang enerhiya sa paligid, hindi pa rin iyon sapat. Maliit at mahina pa rin ang tingin sa kaniya ng lahat.
“Hindi talaga ako taong may kaalaman ng lahat ng tungkol sa pagiging adventurer. Bata pa rin ako at ignorante, pero susubukan kong ipaliwanag sa iyo ang mga nalalaman ko,” ani Altair. “Mayroon ka bang alam sa pagiging adventurer, Yuros?”
Mas lalong nakaramdam ng pananabik si Yuros nang tanungin siya ni Altair. Tumayo siya dahil sa sobrang pananabik at sinabing, “Malakas sila at may mga kapangyarihan! Nakakalipad sila kahit pa iyong mga walang pakpak tapos... tapos... inirerespeto sila!”
“Lagi ko silang nakikita, Tiyo Altair! Talagang napakagagaling nila at nakakainggit ang kanilang kakayahan! Sana maging katulad din nila ako--malakas at may kapangyarihan!”
Napangiwi si Altair dahil sa tugon sa kaniya ni Yuros. Bahagya siyang napailing at doon niya napagtantong napaka inosente pa rin ng kaniyang pamangkin kahit na dito ito lumaki. Sa kabilang banda, nagpapasalamat pa rin siya dahil ganito lumaki si Yuros. Hindi lang hinayaan ng mga miyembro ng Order of the Holy Light na mamulat agad ito sa realidad.
Kung bata pa lang ay mulat na si Yuros sa gawain ng mga adventurer kagaya ng patayan, pagwasak, at kung anu-ano pa, siguradong hindi na ganito ka-puro ang kaniyang pamangkin.
“Mali ba ang sinabi ko, Tiyo? Pero... Pero... Iyon lagi ang nakikita ko! Malalakas talaga sila at kahanga-hanga!” Nagpupumilit na sabi ni Yuros.
Natawa si Altair. Tumango-tango siya at sinabing, “Tama naman ang sinabi mo. Malakas talaga ang isang adventurer dahil ang kakayahan natin ay hindi maikukumpara sa pangkaraniwang nilalang. Ganoon man, sinasabi ko na agad sa iyo na hindi ganoon kadali na abutin ang kakayahan nila--lalong-lalo ng mga kasama natin kanina.”
“Masasabi kong talagang napaka makapangyarihan nila--makapangyarihan pa sa pinaka malalakas na adventurer sa pinagmulan nating lugar, Yuros. Kaya nilang lumipad kahit wala silang pakpak, kaya nilang ilabas ang kanilang kapangyarihan, at kaya nilang pagalingin ang mga sakit at pinsala na halos imposible nang gamutin,” paglalahad ni Yuros.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 12: Holy Land of Erekia]
FantasíaSynopsis Dahil sa kagustuhang makasama ang kanyang tiyuhin at kapatid, tinanggap ni Finn ang misyon ni Auberon para sa pitong pangunahing miyembro ng Order of the Holy Light na magtungo sa Holy Land of Erekia para imbestigan ang hindi pagpaparamdam...