Chapter XCIX: There's Hope
Para sa kaniya, ang kapangyarihan ni Faino ay walang katulad at kamangha-mangha na. Kaya nitong kopyahin ang skill at technique ng iba sa pamamagitan lang ng matinding obserbasyon. Katangi-tangi ang kapangyarihan ni Faino, pero hindi niya inaasahan na maging si Astra ay nagtataglay rin ng kapangyarihang katangi-tangi at hindi kayang pantayan ang halaga. Nagmistulan itong naglalakad na kayamanan Astra dahil kaya niyang kopyahin ang maraming uri ng kayamanan, at ang mas kamangha-mangha pa roon ay kaya niya iyong gawin sa loob lang ng ilang oras.
Ang tanging problema lang ay kumokonsumo ito ng enerhiya ni Finn. Hindi maaaring isagawa ni Astra ang pagkopya sa mga kayamanan lalo na kapag siya ay nagsasanay o nakikipaglaban. May malaki itong epekto sa kaniya, at kagaya ng ipinangako niya, hindi niya aabusuhin ang kabaitan ni Astra.
Totoo ngang ang kapangyarihan ni Astra ang sagot sa problema niya. Maaari niyang pakiusapan si Astra na gumawa ng mga kopya ng soul gem para makabuo siya ng maraming unique armament. Maaari rin siyang makiusap tungkol sa pagpaparami ng Ginseng of Immortality at Black Heart Fruit, pero kailangan niyang pigilan ang kaniyang ganid. Nakadepende pa rin kay Astra kung tutulong ito, at hindi siya magpapakita ng senyales na upang malaman nito na mapagkakatiwalaan siya. Kahit na kailangang-kailangan niya ng mga kayamanan para sa sarili niya at para sa New Order, kokontrolin niya pa rin ang kaniyang ganid dahil siya ay may matibay na prinsipyo at paninindigan.
Wala siyang balak na gamitin si Astra, pero kung magkukusang-loob ito na tumulong sa kaniya, hindi niya ito tatanggihan.
Ngayon, habang pinanonood si Astra, isang palaisipan ang naisip ni Finn.
‘Posible kayang kaya niya ring kopyahin ang God-eater Sword o ang kahit anong divine artifact? Pero, sinabi ni Faino na karamihan lang, hindi lahat ng mga kayamanan ay kayang kopyahin ni Astra. Ibig sabihin, hindi kaya ni Astra na doblehin ang isang divine artifact. Sa tingin ko rin ay malabong mangyari iyon dahil kung mayroong may kayang kumopya sa ganoong uri ng kayamanan, parang sobra nang imposible nito,’ sa isip ni Finn.
“Matanong ko lang, lahat ba ng uri ng kayamanan ay kayang kopyahin ni Astra?” Tanong ni Finn kay Faino, pero ang tingin niya ay nakatuon pa rin kay Astra.
“Pinag-iisipan mo ba nang masama si Astra? Huwag mo nang subuka--”
“Nagtatanong lang ako. Masama bang mahiwagaan at maging interesado sa kaniyang kapangyarihan?” pagbaling ni Finn kay Faino. Seryoso ang kaniyang ekspresyon kaya naging taimtim ang ekspresyon ni Faino. “Mayroon bang limitasyon ang kaniyang pagkopya sa isang bagay o kayamanan? Ano pa man, kailangan ngang manatiling sikreto ang kaniyang kapangyarihan dahil kapag nalaman ng iba, baka pati ako ay mapahamak dahil sa rami ng nilalang na ganid at sakim sa mundong ito.”
Hindi nakaramdam si Faino ng ibang intensyon kay Finn. Wala ring masama kung ipaliliwanag niya ang kapangyarihan ni Astra upang magkaroon pa ng mas malawak na kaalaman si Finn sa kanilang taglay na kapangyarihan.
“Kagaya ng sabi ko, halos lahat ng kayamanan ay kaya niyang kopyahin o doblehin, pero ang mga kayamanan lang na tinutukoy ko ay ang mga natural na kayamanan. Hindi kayang doblehin ni Astra ang mga bagay na likha ninyong mga adventurer, ang kaya niya lang ay mga materyales at sangkap dahil iyon ay maituturing na natural na kayamanan na gawa ng kalikasan, hindi ng kung sinong nilalang,” pagpapaliwanag ni Faino.
“Gano'n pala...” sabi ni Finn habang tumatango-tango.
Dahil sa paliwanag ni Faino, naunawaan niya nang walang kakayahan si Astra na doblehin ang mga likha niya kagaya na lang ng mga pill o armament. Limitado pa rin ang kapangyarihan nito, at makabuluhan iyon para kay Finn dahil kung kaya ni Astra na doblehin ang isang bagay, ipapakiusap na lang niya na doblehin nito ang magagawa nilang unique armament para hindi na sila mahirapan sa pagbuo nito.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 12: Holy Land of Erekia]
FantasiaSynopsis Dahil sa kagustuhang makasama ang kanyang tiyuhin at kapatid, tinanggap ni Finn ang misyon ni Auberon para sa pitong pangunahing miyembro ng Order of the Holy Light na magtungo sa Holy Land of Erekia para imbestigan ang hindi pagpaparamdam...