Chapter LXIX: Close Fight
Pasugod sina Finn at Brien sa isa't isa, at habang sila ay sumusugod, nagkakaroon ng malaking pagbabago sa kanilang anyo. May namuong liwanag sa likuran at palibot ng pupulsuhan ni Finn. Humaba ang kaniyang buhok, at napalitan ang kaniyang kasuotan. Nawala ang kaniyang damit at nabago ang kaniyang pantalon. Ang tanging naiwan lang sa kaniya ay ang kaniyang kuwintas. Hubad-baro na siya ngayon kaya kitang-kita ang matipuno niyang pangangatawan. Makikitaan din siya sa kaniyang katawan ng asul na berdeng linya na kumokonekta sa asul na batong nasa kaniyang dibdib.
Dahil sa pagbabagong nangyari kay Finn, mas lalong naging kamangha-mangha ang kaniyang hitsura. Marilag siya kung titingnan, pero ang mas kahanga-hanga ay ang tindi ng kaniyang aura ngayon. Gagamitin niya na ang kombinasyon ng ikalawang antas ng kaniyang mga foundation art laban kay Brien, at dahil dito, nagkaroon ng malaking pag-unlad sa kaniyang lakas at mas tumindi pa ang kaniyang kapangyarihan.
Samantala, muling nagulat si Brien sa kaniyang nasaksihan dahil hindi niya akalain na kayang gawin ni Finn ang kompletong ikalawang antas ng kombinasyon ng dalawang foundation art, pero hindi niya inuna ang kaniyang gulat dahil inuna niyang tapatan ang kasalukuyang anyo ni Finn. Nagkaroon din ng pagbabago sa kaniyang anyo. Naging kulay itim ang kaniyang mga mata at buhok. Mayroong tumubong dalawang sungay sa kaniyang noo. Tumalim ang kaniyang mga pangil habang ang kaniyang balat ay naging kulay abo. Naglaho ang kaniyang damit kaya lumantad ang matipuno niyang pangangatawan na makikitaan ng marka na para bang mga itim na ugat. May lumitaw na malalaking pulang singsing sa kaniyang magkabilang braso. Sa kabuoan, ang kaniyang anyo ay maihahalintulad sa isang demonyo dahil na rin sa pangil, sungay, at kulay ng kaniyang balat.
Bukod sa mga ito, ang mas kamangha-mangha pa ay ang paglitaw ng mga pakpak sa likuran ni Brien. Para siyang isang demonyo na may pakpak ng anghel, ganoon man ang pakpak na ito ay hindi kulay puti, bagkus ay kulay itim.
Muling nagsabayan ang dalawa ng atake. Kumalat ang mga boltahe ng kuryente sa paligid nila dahil sa lakas ng kanilang tagisan. Pareho silang kamangha-manghang pagmasdan. Ang kanilang anyo ay tila ba talagang magkasalungat at magkaribal. Magkalabang-magkalaban din ang kanilang aura na magkaiba ang ipinaparamdam.
Si Finn ay animo'y isang anghel habang si Brien ay parang demonyo.
Hindi natapos sa ganito ang kanilang pagtatagisan. Bigla na lang silang naglahong dalawa. Lumitaw rin agad sila sa ibang lugar, at nagkaroon ng pagbabago sa kanilang posisyon, subalit nananatili pa rin silang naggigirian.
Samantala, nasaksihan ni Morgan ang pagbabagong anyo ni Finn. Napaawang na lang ang kaniyang bibig nang masaksihan niyang kayang gawin nito ang isang daang porsyentong pagpapalit ng anyo gamit ang pinag-isang kapangyarihan. Kahit na kalaban nila si Finn, hindi niya mapigilang mamangha. Mas lalo pang tumataas ang tingin niya rito dahil sa katangi-tanging talento nito na hindi makikita sa iba.
Kahit si King na miyembro ng Musikeros ay hindi pa kayang gawin ang napagtagumpayan ni Finn. Magkalayong-magkalayo ang edad ng dalawa, ganoon din ang kanilang talento. Mas bata si Finn, subalit dito pa lamang ay makikita na higit siyang mas makapangyarihan kaysa kay King na hindi kayang gawin ang kompletong pagpapalit ng anyo.
“Mahusay si King sa pagkontrol ng dalawa niyang kapangyarihan, ngunit kumpara kay Finn, nagmistulan lang siyang baguhan...” nasabi na lang ni Morgan habang pinagmamasdan ang anyo ni Finn. Tiningnan niya rin si Brien. Huminga siya ng malalim at sinabing, “Nagsisimula pa lang ang kanilang laban pero napilitan na kaagad si Brien na gamitin ang isa sa kaniyang alas.”
“Mukhang nahanap na ni Brien ang mahigpit niyang karibal ngayon. Ilang dekadang walang makapigil sa iyong mga kasamaan, pero ngayon, napapasubo ka sa isang matinding laban. Kapag natalo ka't namatay sa laban, siguradong katapusan ko na rin,” sabi pa ni Morgan.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 12: Holy Land of Erekia]
FantasySynopsis Dahil sa kagustuhang makasama ang kanyang tiyuhin at kapatid, tinanggap ni Finn ang misyon ni Auberon para sa pitong pangunahing miyembro ng Order of the Holy Light na magtungo sa Holy Land of Erekia para imbestigan ang hindi pagpaparamdam...