Chapter X

4.4K 898 50
                                    

Chapter X: Moving

“Mga hangal! Naiinip na talaga ako. Gusto ko nang makipaglaro!” Mariing sambit ni Brien. “Dalawang araw na silang hindi kumikilos--dalawang araw!! Nauubusan na talaga ako ng pasensya sa kanila!!” Nanggagalaiting dagdag niya pa. Hindi niya na napigilan ang paglabas ng kaniyang aura. Kumalat ito sa paligid, pero bago pa man ito makadampi kay Morgan, nagawa na agad niya itong protektahan upang hindi ito mapagaya sa iba na bigla na lamang tumilapon sa iba't ibang direksyon.

Tumalsik si Liere. Nagawa ng mga miyembro ng Musikeros na protektahan ang kanilang sarili mula sa pagkalat ng aura, pero naapektuhan pa rin sila nito at bahagya silang napaatras maliban kina Pluto at Mambo--ang miyembro na gumagamit ng tatlong tambol bilang instrumentong pang musika.

Sa pitong miyembro ng Musikeros, si Pluto ang nagtataglay ng pinakamataas na antas at ranggo. Isa siyang 9th Level Supreme Rank habang si Mambo na pumapangalawa sa kanya ay nasa 8th Level Supreme Rank at sina King at Eisha ay parehong nasa 6th Level Supreme Rank. Tungkol kina Vasiara at Jiego, pareho silang nasa 7th Level Supreme Rank. Si Lycari ang may pinakamababang antas at ranggo--isa lamang siyang 5th Level Supreme Rank.

Ganoon man, kahit na si Lycari ang may pinakamababang antas, ang kanyang importansya sa Musikeros ay hindi mapapantayan. Dahil siya ang rason kung bakit sobrang hirap nilang mahuli.

Matatandaang si Lycari ay gumamit ng lira, si Pluto ay gumagamit ng plauta habang si Mambo ay gumagamit ng tatlong tambol bilang instrumentong pang musika. Tungkol sa iba, ang gumagamit ng sitar ay si King, ang maracas ay si Eisha habang sina Vasiara at Jiego ang gumagamit ng harp at harmonica.

Silang pito ang bumubuo sa grupong Musikeros, at sila ang grupo ng kriminal na kinasusuklaman ng napakaraming mundo.

Samantala, sa pagbibigay ni Brien ng proteksyon kay Morgan, mahahalata na agad ang matinding pagpapahalaga niya rito sa puntong ayaw niya itong masaktan kahit pa galit na galit siya. Ang bigyan si Morgan ng proteksyon ang agad niyang ginawa dahil alam niyang sa kanyang pasensya, hindi niya mapipigilan ang paglabas ng kanyang aura na maaaring puminsala rito lalo na't napakalapit nito sa kanya.

“Wala akong pakialam kung nagtatago sila sa kanilang lungga. Hangga't hindi sila tumatakas, ang lahat ay umaayon sa aking plano. Kailangan ko sila bilang mga pataba sa aking mga tauhan, at sa akin na rin,” malamig na sabi pa ni Brien.

Hindi na napigilan ni Morgan ang kanyang pananahimik. Tumingin siya kay Brien at nagtanong, “Ano nang gagawin natin?”

Kinuyom pa lalo ni Brien ang kanyang kamao at tumugon, “Bibigyan ko pa sila ng isang araw. Kapag hindi pa sila kumilos, at kung mas pipiliin nilang tumakas, wala nang saysay ang pananatili natin rito. Aalis na tayo at gagawin ko na ring pataba ang basurang fairy na iyon para magkaroon siya ng pakinabang.”

Bahagyang tumango si Morgan bilang pagsang-ayon. Kahit magbigay siya ng suhestyon, maliit ang tsansa na pakinggan siya ni Brien.

Hanggang ngayon, hindi niya pa rin lubusang maintindihan kung bakit siya iniligtas ni Brien. Wala pa ring malinaw na rasong ibinibigay ito sa kanya, at ang sinabi lang nito ay dahil kailangan nito ng alchemist sa tabi niya.

Hindi ganoon kataas ang talento niya sa alchemy. Marami pa rin siyang pagkukulang, at nahihirapan siyang intindihin ang mga komplikadong konsepto kaya kinakailangan pa ni Brien na tulungan siya. Hindi niya maintindihan kung bakit siya pa ang pinili ganoong sa mahabang paglalakbay nila, marami na silang nakilalang talentadong alchemist na talagang maaasahan.

Sa nakaraang mga dekada, naging madugo ang kanilang paglalakbay. Hindi na kayang tukuyin ni Morgan kung gaano na karami ang pinaslang at isinakripisyong buhay ni Brien para lamang maabot nila ang kasalukuyan nilang antas.

Legend of Divine God [Vol 12: Holy Land of Erekia]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon