Chapter LXXI

3.7K 817 43
                                    

Chapter LXXI: The Appearance of Unknown Divine Artifact: The God-eater Sword

Hindi maipinta ang ekspresyon ni Brien matapos siyang makabawi mula sa matinding gulat. Titig na titig siya kay Finn. Nanginginig ang kaniyang mga mata habang punong-puno ng tanong ang kaniyang isipan kung talagang tama ang nararamdaman niyang pakiramdam mula sa malaking espada ni Finn. Hindi siya makapaniwala, at ayaw niyang maniwala na si Finn ay nagmamay-ari ng isang divine artifact.

Hindi mawawala ang ganid sa kaniyang mga mata habang nakatitig sa malaking itim na espada na mayroong napakagandang disenyo. Inaasam-asam niyang makakuha ng isang divine artifact sa hinaharap, at nang makakita siya ng ganito sa harapan, hindi niya mapigilang makaramdam ng matinding tukso. Gustong-gusto niya itong nakawin kay Finn, at nangingibabaw ang matinding ganid sa kaniya kaya mas tumindi pa ang kagustuhan niyang mapatay si Finn.

Ang sinisimbolo ng isang divine artifact ay lakas, kapangyarihan, at pamumuno. Ang lahat ng nilalang na magmamay-ari sa isang divine artifact ay dalawa lang ang maaaring maging kahantungan: alinman sa maging isa sila sa pinakamalalakas o mamatay sila dahil sa pagtataglay nila ng isang kayamanan na pinagnanasahan ng lahat.

Marami ang naging tanyag at makapangyarihan dahil sa isang divine artifact. Kinatatakutan sila dahil alam din ng mga makakapangyarihan na ang divine artifact ang pinakamalakas na sandata sa buong kalawakan. Ang kakayahan ng bawat divine artifact ay natatangi, at isa ito sa kailangang mapasakamay ng isang nilalang kung nais niyang maging isa sa pinakamalakas.

Sa kabilang banda, ang mga namamatay dahil sa pagtataglay ng divine artifact ay dahil na rin sa mali nilang paraan ng paggamit. Kapag mali sila ng paggamit sa isang divine artifact, at masyado nila itong inabuso, malaki ang tsansa na ang mismong divine artifact ang lumamon sa kanila. Ikaw ang may-ari kaya ikaw ang dapat kokontrol sa divine artifact, at hindi ang divine artifact ang kokontrol sa iyo.

Isa pang dahilan ng kamatayan ng isang nilalang na nagtataglay ng divine artifact ay ang ibang nilalang na nais makuha ang pag-aari niyang divine artifact. Pinagnanasahan ito ng napakaraming nilalang. Nagkakaroon pa ng malawakang digmaan dahil lang sa bagay na ito. Marami ang nagbubuwis ng buhay dahil sa agawan ng mga divine artifact, at ang nagmamay-ari sa mga ganitong kayamanan ay namamatay nang maaga dahil hindi nila kayang protektahan ang divine artifact na pagmamay-ari nila.

Iyon ang dahilan kaya hindi hinahayaan ni Munting Black na ilabas at gamitin kaagad ang mga divine artifact niyang pagmamay-ari. Kapag nalaman ng iba--lalo na ng mga taga divine realm na nagmamay-ari si Finn ng limang divine artifact, siguradong magiging puntirya si Finn ng maraming adventurer.

Samantala, ganoon pa rin ang ekspresyon ni Brien habang nakatitig sa God-eater Sword. Nanginginig ang kaniyang kamay. Halata sa kaniya na malaki ang kagustuhan niya na mapasakamay ang espada sa kamay ni Finn.

Pinilit niyang huminahon at marahan siyang nagwika upang pigilan ang matindi niyang pananabik, “Hindi ako maaaring magkamali. Ang espadang iyan ay isang divine artifact. Ramdam ko ang buhay riyan na tila ba humihinga ang sandatang iyan. Hindi ako makapaniwala.. Hindi ko inaakalang nasa iyo ang kayamanan na mag-aangat sa akin tungo sa tuktok ng lahat.”

Umismid lang si Finn. Hinawakan niya nang mahigpit ang God-eater Sword. Nagkaroon ng mga kulay itim na ugat sa kaniyang kamay, subalit hindi niya iyon gaanong pinagtuunan ng pansin dahil natural lang ang pangyayaring iyon. Sa ngayon, ramdam na ramdam niya ang nag-uumapaw na lakas ng God-eater Sword habang ina-absorb nito ang enerhiya sa paligid. Ang koneksyon nilang dalawa ay palakas nang palakas at pakiramdam niya ay kaya niyang gawin ang lahat basta hawak niya ang God-eater Sword.

Kakaiba ang ibinibigay nitong kumpyansa sa kaniya. Tila ba wala nang tanong-tanong kung matatalo niya si Brien dahil isa na iyong kasiguraduhan ngayon.

“Nakikita kong pinagnanasahan mo ang pag-aari ko. Huwag mong ipahalata ang ganid sa iyong mga mata dahil nasusuya ako,” sabi ni Finn. “Hindi ko sana planong gamitin ito, pero tinanggalan mo ako ng pagpipilian. Kumain ka ng bloody revitalizing pill kaya wala nang dahilan para magpigil pa ako, hindi ba?” Nanghahamak na tanong ni Finn.

Legend of Divine God [Vol 12: Holy Land of Erekia]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon