Chapter LXXIII

3.5K 816 49
                                    

Chapter LXXIII: Battle that Shooks the Holy Land of Erekia (Part 2)

Dahil sa matinding tensyon at kaguluhan, umaangat na ang nagbabagang putik mula sa ilalim ng lupa. Dumami pa ang mga bitak sa lupa. Kumakalat na ito sa paligid at mas lumalala pa ang delubyo dahil sa nangyayaring matinding sagupaan ng apat na Supreme Rank. Ganoon man, sa kabila ng nangyayari, nagpapatuloy pa rin ang dalawang laban sa pagitan nina Devehra at Pluto, at nina Finn at Brien. Ang kanilang buong atensyon ay nasa kani-kanilang laban, at wala na silang pakialam kung ano man ang mangyari sa mundong kanilang kinaroroonan.

Hindi sila nangangamba kahit na sumabog pa ang Holy Land of Erekia. Hindi sila natatakot dahil sila ay mga Supreme Rank at kaya ng kanilang katawan na tanggapin ang pagsabog nang hindi sila namamatay dahil sa taglay nilang kapangyarihan. Ang kailangan lang nilang gawin ay lumayo sa pinakagitna ng mundo kung saan naiipon ang mapaminsalang enerhiya ng mundong ito para hindi sila mapuruhan.

“Sumuko ka na lang, Brien! Hindi ka mananalo sa akin kahit pa anong gawin mo! Tanggapin mo na lang ang katotohanan na ito na ang katapusan mo!” Sigaw ni Finn at buong lakas niyang inihampas ang kaniyang espada rito.

Nasalag ni Brien ang atake ni Finn, subalit nagtamo pa rin siya ng pinsala matapos mahagip ang kaniyang balikat. Tumilapon din siya palayo, napasuka siya ng dugo, at nakaramdam siya ng matinding pananakit ng katawan.

Ganoon man, pinilit niyang makabawi agad dahil kapag nagpabaya siya, siguradong hindi siya bibigyan ng pagkakataon ni Finn para makabawi ng tuluyan. Nang makabawi siya, ang una niyang ginawa ay ang paglalabas ng bloody revitalizing pill. Isinubo niya kaagad ito, at humanda siya nang makita niyang papalapit na muli sa kaniya si Finn.

“Kahit kailan, hindi mo ako mapapasuko, Finn Doria! Wala kang kakayahan para pasukuin ako!!” Ganting sigaw ni Brien.

Mabilis na dumagsa ang enerhiya sa kaniyang katawan. Naghilom ang karamihan sa tinamo niyang pinsala. Napakabilis ng mga pangyayari, at naganap ang lahat ng ito bago pa man makalapit sa kaniya si Finn kaya muli siyang nakabalik sa kondisyon para makipagsabayan dito.

Ito na ang ikaapat na beses na kumain siya ng bloody revitalizing pill, at sa pagkakataong ito, hindi na ganoon kabisa ang epekto ng pill sa kaniya. Alam niyang mangyayari ang bagay na ito, ramdam niyang halos kalahati na lang ang epekto ng pill sa kaniya. Hindi na rin naghilom ang lahat ng kaniyang pinsala, at marami pa ring natirang sugat sa iba't ibang bahagi ng kaniyang katawan.

Nanginginig ang kaniyang katawan dahil sa sobrang galit. Hindi niya matanggap ang nangyayari sa kaniya. Para bang ang lahat ay sinasalungat ang hangarin niya. Marami na siyang pakikipagsapalarang ginawa sa nagdaang mga dekada. Lahat ng mga paglalakbay niya ay naging matagumpay. Kahit kailan ay hindi siya nahirapan na gawin ang kaniyang mga hangarin. Mangolekta man ng mga kayamanan, mangalap ng impormasyon, at higit sa lahat, ang maghanap ng mga tauhan na makatutulong sa kaniya sa pag-abot sa kaniyang hinahangad.

Ilang dosenang mundo na ang bumagsak sa kaniyang mga kamay. Walang makapigil sa kaniyang kapangyarihan, subalit dahil kay Finn, ang kaniyang hangarin ngayon ay nanganganib na pumalpak.

Si Finn ulit. Si Finn ulit ang tatalo sa kaniya--at sa pangatlong pagkakataon, hindi niya na iyon matatanggap.

“Malapit ka nang bumagsak! Hindi mo pa ba naiintindihan na ang suwerte mo ay tapos na, Brien?! Sa susunod mong pagkain ng bloody revitalizing pill, wala na iyong epekto sa iyo kaya mas mabuti kung sumuko ka na at tumigil sa kahibangan mo!” Pagsigaw muli ni Finn habang patuloy ang mabibigat niyang pag-atake.

Kumukonsumo na rin siya ng enerhiya para lang mapuwersa si Brien. Mas tumaas na ang kaniyang kumpyansa ngayon dahil malapit nang maisakatuparan ang kaniyang plano. Nararamdaman niyang malapit niya nang matalo si Brien. Kaunti na lang at babagsak na ito sa kaniyang mga atake.

Legend of Divine God [Vol 12: Holy Land of Erekia]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon