Chapter II: His Companions
“Hindi nasabi ni Cerupi kung gaano kalakas ang mga kalaban. Wala tayong ideya kung gaano sila kalakas dahil kahit si Pinunong Auberon ay hindi matukoy kung gaano kalakas ang naglagay nang kasumpa-sumpang kapangyarihang iyon kay Cerupi. Iyon ang rason kaya kailangan ninyong mag-ingat. Wala kayong ideya sa pagpunta ninyo doon bukod sa istraktura ng Holy Land of Erekia. Sinabi ko na sa inyo ang mga posible ninyong pagtaguan pansamantala. Sapat na marahil ang mga impormasyong iyon para maisagawa ninyo nang maayos ang inyong imbestigasyon,” paglalahad ni Zeraf. Huminga siya ng malalim. Tiningnan niya isa-isa ang mga magsasagawa ng misyon at sinabing, “Huwag ninyong kakalimutan na malinaw ang utos ni Pinunong Auberon na kapag alam ninyong hindi ninyo kaya, at kapag nagkaroon na kayo ng konkretong impormasyon, bumalik na kayo agad dito para makabuo ulit tayo ng plano.”
Nakinig nang mabuti sina Finn sa mga sinasabi ni Zeraf. Tumango ang bawat isa sa kanila at nagpahayag sila ng kani-kanilang tugon.
“Hindi namin kayo bibiguin. Gagawa kami ng paraan para maisagawa ang misyon na ito nang matagumpay,” sabi ni Devehra.
Ngumiti si Zeraf at tumugon, “Mabuti kung gayon. At ang pakiusap ko, huwag n'yo sanang kalilimutan ang pakiusap ko.”
Ngumiti si Devehra. Determinasyon ang makikita kina Esperanza at Ploro habang sina Finn, Whang, Yuros, Altair at Yasuke ay buo na ang loob na gawin ang makakaya nila para gawin ang pakiusap ni Zeraf na iligtas si Oriyel at ang iba pa hangga't maaari. At kung sakali mang may mangyari sa mga unang nagsagawa ng misyon, ang gagawin nila ay hanapin ang labi ng mga ito at ibalik sa kastilyo ng Order of the Holy Light para isagawa ang seremonya nang maayos na pamamaalam.
“Nasa ayos na ang lahat. Nakapagtalaga na rin ako ng mga holy knight na magpapalipad sa air ship kaya hindi n'yo na kailangang maabala. Ngayon, sa mga sandaling ito, ang bawat sandali ay mahalaga. Maaari na kayong umalis,” ani Zeraf. Tinanguhan niya sina Finn, at pagkatapos, hinarap niya ang mga holy knight na masigasig na naghihintay sa kanyang hudyat.
Sinenyasan niya ang mga ito na magtungo na sa air ship. Agad na sumunod ang mga holy knight sa utos ni Zeraf. Magkakasabay na lumipad ang mga ito at sunod-sunod na pumasok sa loob ng air ship.
Muling hinarap ni Zeraf sina Devehra. Tinanguhan niya ang mga ito, at tumango rin ang mga ito ng pabalik sa kanya.
Naunang lumipad si Devehra patungo sa air ship. Agad na sumunod sa kanya si Yasuke habang sumunod na rin sina Esperanza, Ploro, Whang, Altair, Yuros, at Finn.
Iniwan nila mag-isa si Zeraf sa baba. Tinitingala sila nito, at bago sila tuluyang pumasok sa loob ng air ship, binigyan nila ng huling sulyap si Zeraf.
Sumaludo si Zeraf sa walo. Ngumiti rin siya, at pinanood niya ang unti-unting paglalaho ng pigura ng mga ito. Nakatuon ang kanyang atensyon kay Finn noong mga sandaling iyon. Marami siyang iniisip katulad na lang ng mga palaisipan kung talaga nga bang malaki ang magiging papel nito sa misyon.
“Hanggang ngayon ay nahihiwagaan pa rin ako kay Pinunong Auberon. Ano ba talagang nangyari sa kanya bakit bigla na lamang siyang may itinuring na panginoon at batang panginoon? Kahit ang mga nagmula sa mataas na lugar ay hindi siya mapayukod, pero si Finn Silva...” pabulong na sambit ni Zeraf.
Nagkaroon na ng pagkilos sa air ship. Mabagal itong umaangat at pumipihit patungo sa isang direksyon. Tumingala lang si Zeraf, at hindi na nag-usal pa ng kahit anong salita.
Samantala...
Dalawang pigura ang makikita sa kalangitan ang nakamasid sa mga nangyayari. Kasalukuyang pinagmamasdan nina Auberon at Aemir ang pag-alis ng air ship, at matapos nitong maglaho mula sa kanilang paningin, nagsalita na rin si Auberon.
![](https://img.wattpad.com/cover/321292381-288-k437962.jpg)
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 12: Holy Land of Erekia]
FantasiSynopsis Dahil sa kagustuhang makasama ang kanyang tiyuhin at kapatid, tinanggap ni Finn ang misyon ni Auberon para sa pitong pangunahing miyembro ng Order of the Holy Light na magtungo sa Holy Land of Erekia para imbestigan ang hindi pagpaparamdam...