Chapter LIX: Not Just On Par With the Strongest
Naramdaman din nina Finn ang kakila-kilabot na aura ni Mambo, at doon lang nila napagtanto na talagang mapanganib na indibidwal si Mambo. Ang aura pa lang nito ay nakababahala na, at hindi na sila magtataka kung ang kapangyarihan nito ay higit na mas katakot-takot. Dahil sa pagbabagong ito, nakaramdam sila ng pangamba para kay Esperanza. Ang kanilang pag-aalinlangan ay mas lumala, at hindi nila mapigilan na mapatanong sa sarili nila kung talaga nga bang kakayanin ni Esperanza si Mambo.
Samantala, naramdaman ni Esperanza ang panganib na nagmumula kay Mambo. Sa aura na tinataglay pa lang nito ay masasabi niya nang makapangyarihan si Mambo. Nabahala siya, iyon ang totoo, subalit hindi ibig sabihin noon ay natatakot na siya. Pinanatili niya ang malapad niyang ngiti. Ikinukubli niya ang kaniyang pagkabahala sa pamamagitan ng malapad na pagngiti, at inihanda niya na rin ang kaniyang sarili para sumugod.
Alam niya ang kahinaan ng mga cyclops, at kung magagawa niyang mabulag ang nag-iisang mata ni Mambo, siguradong manghihina ito nang sobra. Malaki ang magiging epekto noon sa kapangyarihan nito, at iyon ang magiging pagkakataon niya para maipanalo ang laban.
‘Ang kailangan ko lang gawin ay maitarak ang punyal ko sa kaniyang mga mata. Parang madali lang, subalit ang kaniyang kapangyarihan at ang natural na barrier na pumoprotekta sa kaniyang katawan ay mahirap malampasan,’ sa isip ni Esperanza. ‘Bahala na. Kailangan ko munang subukin ang kapangyarihan. Kung may natutunan man ako kina Yuros at Altair, iyon ay ang pag-aralan muna ang mga kalaban bago kalabanin ang mga ito nang harapan.’
Tila ba may kung anong liwanag ang lumitaw sa mga mata ni Esperanza, at pagkatapos, tumakbo siya patungo kay Mambo gamit ang kaniyang karaniwang bilis.
Siyempre, inaasahan niya nang kikilos si Mambo kapag malapit na siya. Alam ng lahat kung ano ang matinding kahinaan ng mga cyclops, at sa kasalukuyang antas at ranggo ni Mambo, malinaw na sa kaniya na gumawa na ito ng paraan upang proteksyunan ang kahinaang iyon.
Noong iisang daang metro na ang distansya sa pagitan nilang dalawa, naging alerto si Esperanza nang makita niya ang pagtapik ni Mambo sa isa sa mga tambol.
Nakaramdam si Esperanza ng puwersa na nagmumula sa kaniyang kaliwa. Nakakita siya ng imahe ng kamao na pasuntok sa kaniya kaya ginamit niya ang punyal upang atakihin ito.
Pagkadampi ng punyal sa imahe ng kamao, bigla na lang itong sumabog. Nagkaroon ng malakas na puwersa, at naging dahilan iyon para mapaatras si Esperanza. Hindi siya nagtamo ng kahit katiting na pinsala sa pagsabog na iyon dahil nakagawa siya ng paraa upang makapadyak sa sahig makaatras. Hindi siya direktang tinamaan ng pagsabog, bagkus ay tinangay lang siya ng puwersa palayo.
Sa karanasang ito ni Esperanza, nagkaroon pa siya ng kaliwanagan sa kung ano ang kapangyarihan ni Mambo. Ngayon ay nakumpirma niya nang totoo nga ang tungkol kay Mambo na nakagagawa siya ng mga shock wave gamit ang kapangyarihan ng tunog.
Sa tingin ni Esperanza, kaya niyang makalusot sa mga atakeng iyon ni Mambo. Ganoon pa man, kailangan niya pa ring mag-ingat upang hindi siya malagay sa peligro.
‘Subukan muna natin ng isang beses nang may ibayong pag-iingat,’ sa isip ni Esperanza at muli siyang sumugod.
Muling tinapik ni Mambo ang tatlong tambol, at sa bawat pagtapik niya ay mga imahe ng kamao at palad ang bigla na lamang lumilitaw. May lumilitaw sa kaliwa at kanan habang mayroon din sa harapan. Mahinahon pa ang mga pagtapik ni Mambo. Karaniwan lang ang bilis ng kaniyang mga kamay kaya hindi pa ganoon karami ang lumilitaw na imahe ng mga kamao at palad.
BANG! BANG! BANG!
Sunod-sunod na pagsabog ang umalingawngaw. Hindi na inaatake ni Esperanza ang mga imahe ng kamao at palad. Hinahayaan niya na lang na kusang sumabog ang mga ito. Madali niya lang na nagagawa iyon dahil sa kaniyang pambihirang bilis, pero dahil sa mga shock wave kaya kung saan-saan siya napupunta.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 12: Holy Land of Erekia]
FantasySynopsis Dahil sa kagustuhang makasama ang kanyang tiyuhin at kapatid, tinanggap ni Finn ang misyon ni Auberon para sa pitong pangunahing miyembro ng Order of the Holy Light na magtungo sa Holy Land of Erekia para imbestigan ang hindi pagpaparamdam...