Chapter XIX: Blackhearted
Lahat sila, kabilang na si Faino ay ngayon lang nakakilala ng kasing sama ni Brien. Ang Bloody Revitalizing Pill ay kasumpa-sumpa, at hindi ito dapat ginagawa o ginagamit. Hindi na mahalaga kung si Brien nga ang bumuo ng pill na ito, pero para ipagamit ito sa kanyang tauhan, para na rin silang kumain ng libo-libong buhay. At kung talaga ngang si Brien ang bumuo nito, walang salita ang makakapaghambing kung gaano ito kasama.
Ang una ay ang paggamit sa buhay ng bilyon-bilyong nilalang para gawing pataba sa kanyang mga shadow knight, at ngayon, ang pagpapagamit niya sa kanyang shadow knight ng Bloody Revitalizing Pill.
Para kay Finn, nakikita niya si Brien bilang higit pang mas masama kaysa sa mga diyablo. Dahil dito, isa sa naging layunin niya ay ang wakasan ang kasamaan ni Brien sa lalong madaling panahon.
Umismid si Brien kina Finn. Inilahad niya ang kanyang kamay at sinabing, “Namangha ba kayo sa kakayahan ng aking Bloody Revitalizing Pill? Ginawa ko iyon, at marami pa akong nakatabi rito.”
Makahulugan siyang ngumiti kay Finn at nagpatuloy sa pagsasalita, “Kung gusto mo, puwede naman tayong magpalit ng kayamanan. Maglabas ka lang ng makakakuha sa interes ko, at ipapalit ko sa iyo ang Bloody Revitalizing Pill na binuo ko.”
Nanlisik ang mga mata nina Yuros, Altair, Devehra, Yasuke, Ploro, at Esperanza. Nanggagalaiti sila sa galit. Inilabas nila ang kani-kanilang sandata, at susugod na sana sila, subalit sinenyasan sila ni Brien at itinuro niya si Oriyel na kasalukuyan pa ring nakagapos at nakakulong sa loob ng haula.
“Isang maling galaw, siya ang maghihirap. Huwag ninyo akong subukan, mga basura,” nakangiting pagbabanta ni Brien kina Yasuke na handa nang sumugod at umatake.
Hindi nakatuloy sina Yasuke dahil sa pagbabanta ni Brien. Nanginig ang kanilang mga kamay. Nagdurugo ang kanilang mga palad dahil sa higpit ng pagkakakuyom nila sa kanilang kamao. Nagngingitngit ang kanilang mga ngipin, subalit hindi nila mailabas ang kanilang galit dahil hindi nila kayang ipagpatuloy ang kanilang binabalak.
Gusto nilang umatake, pero ang maghihirap ay si Oriyel. Isa pa, nang magkaroon ng kalinawan ang kanilang isip ay napagtanto nila na ang kanilang gagawing pagsugod ay magiging dahilan lang para maging komplikado ang sitwasyon.
Marami na silang karanasan sa pakikipaglaban. Sandamakmak na patayan na ang kanilang nasaksihan. Ilang bundok-bundok ng mga bangkay ang kanilang nakita, subalit napapanatili nila ang kalinawan ng kanilang isip. Ganoon man, sa hindi matatawarang kasamaan ni Brien, nawala ang kalinawan ng isipan nila at muntik na silang magpadala sa kanilang emosyon.
Hindi pa talaga sila maikokonsidera bilang totoong mandirigma. Naaapektuhan pa rin sila ng kanilang damdamin.
Sa kabilang banda, sina Finn at Faino ay nanatiling hindi mababakasan ng ekspresyon sa mukha at emosyon sa mga mata. Labis na galit din ang nararamdaman ni Finn, subalit pinipigil niya iyon dahil walang patutunguhan ang kanyang galit. Patong-patong na kasamaan na ang nalalaman niya kay Brien, at habang tumatagal ay mas lalo pang tumitindi ang kagustuhan niyang mapatay ito sa kahit na anong kabayaran o kapalit.
Ngumiti si Finn, subalit ang kanyang ngiti ay hindi masaya o malungkot. Isa lang ito sa kanyang paraan upang maikubli ang matinding kagustuhan niya na pumaslang.
“Siguraduhin mong marami kang nakatagong alas dahil sa oras na mapatay kita, maging ang kaluluwa mo ay hindi ko patatawarin. Sisiguruhin ko na hindi dadaan sa mundo ng mga patay ang iyong kaluluwa. Hindi ko hahayaan na magkaroon pa ng pagkakataon na mabuhay pang muli ang kagaya mo,” sabi ni Finn.
Humalakhak si Brien at sinuklay niya ang kanyang buhok gamit ang kanyang mga daliri. Ngumiti siya kay Finn at sinabing, “Nakakatakot. Marami na ang nagtangka na patayin ako, subalit wala ni isa ang nagtagumpay. Maaari mo namang subukan, subalit mag-ingat ka dahil baka ikaw ang mapatay ko, insekto.”
![](https://img.wattpad.com/cover/321292381-288-k437962.jpg)
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 12: Holy Land of Erekia]
FantasiSynopsis Dahil sa kagustuhang makasama ang kanyang tiyuhin at kapatid, tinanggap ni Finn ang misyon ni Auberon para sa pitong pangunahing miyembro ng Order of the Holy Light na magtungo sa Holy Land of Erekia para imbestigan ang hindi pagpaparamdam...