Chapter LXV: Game is Over
Nang tuluyang maglaho ang barrier sa arena, doon na kinilala ng lahat kung sino ang nagwagi sa laban. Natalo na si Mambo, tuluyan na itong binawian nang buhay, at payapa niya iyong tinanggap. Hindi na niya itinuloy ang kaniyang desperadong pag-atake, bagkus ay humiling na lang siya ng isang makabuluhang usapan sa pagitan niya at ni Finn. Bago ito para kina Devehra. Hindi nila inaakalang susuko na lang nang ganoon na lamang si Mambo, pero nang marinig nila ang kuwento nito at kung bakit nito pinili ang landas ng kasamaan, doon nila napagtanto na hindi talaga masama si Mambo.
Nagpadala lang siya sa agos. Nadala lang siya ni Vasiara kaya siya naging masama, at napagtanto nilang lahat na ang tanging nais lang ni Mambo ay mabuhay na parang isang karaniwang adventurer kung saan makapaglalakbay siya at mararanasan niya ang hiwaga ng mundo.
Hindi katanggap-tanggap ang kaniyang rason kung bakit siya pumapatay. Hindi talaga siya masama, pero ang pumaslang dahil lang sa simpleng dahilan ay talagang kasuklam-suklam.
Pinagmasdan ni Devehra ang bangkay ni Esperanza. Naging taimtim ang kaniyang ekspresyon. Nalulungkot pa rin siya, subalit kailangan niyang magpatuloy. Ang mahalaga ay naipanalo nila ang laban, at nabigyan ni Finn ng parangal si Esperanza sa huling pagkakataon.
“Magpahinga kang mabuti, Esperanza. Matiwasay nang makararating ang iyong kaluluwa sa mundo ng mga patay,” sabi ni Devehra.
Pinagmasdan din ng iba pa ang kabaong ni Esperanza. Lahat sila ay mababakasan ng lungkot sa kanilang mga mata habang si Faino ay sa iba nakatuon ang atensyon.
“Ilalagay muna kita sa loob ng interspatial item kasama si Ploro at ang iba pa. Ipinapangako kong kapag nakabalik na tayo sa ating teritoryo, ikaw, si Ploro, at ang mga holy knight ay mabibigyan ng maayos na himlayan,” sabi ni Devehra.
Ipinasok ni Devehra ang kabaong sa loob ng isang singsing. Hindi lang ito pangkaraniwang singsing dahil sa loob ng singsing na ito ay para bang mayroong maliit na mundo na may sariling kalikasan. Hindi ito maikukumpara sa isang interspatial world, subalit natatangi pa rin ito sa mga pangkaraniwang interspatial ring.
Makaraan ang ilang sandali, muli na nilang itinuon ang kanilang atensyon sa arena. Hanggang ngayon ay katahimikan pa rin ang namamayani sa buong ampiteatro, subalit ramdam na ramdam pa rin ang tensyon dahil sa kasalukuyan ay madilim ang ekspresyon ni Brien at ang katawan nito ay naglalabas ng kakila-kilabot na aura.
Sinulyapan ni Devehra si Whang at sinabing, “Ihanda mo ang sarili mo, Whang. Makinig ka sa sasabihin ko dahil mukhang hindi na maganda ang mga susunod na kaganapan.”
“Mayroon na kaming plano, at kung kaya mo nang kumilos, sasamahan mo sina Yasuke, Altair, at Yuros sa kanilang misyon,” seryosong sabi ni Devehra.
Natigilan si Whang. Ramdam niya ang pagkaseryoso ni Devehra kaya tumango siya at seryosong nagtanong, “Ano'ng misyon iyon?”
Ibinaling muli ni Devehra ang kaniyang tingin sa arena at marahang nagsalita, “Kailangan ninyong masiguro ang kaligtasan ng mga holy knight. Kayo ang magiging protektor nila palayo sa lugar na ito habang kaming mga kaya pang lumaban ang haharap sa natitirang miyembro sa pangkat ni Brien Latter.”
--
Samantala, ang pagkamatay ni Mambo ay walang naidulot na kahit ano kay Finn kung hindi ang pakiramdam ng tagumpay at panghihinayang. Nagtagumpay siya sa pagpaparangal kay Esperanza. Naipanalo niya ang laban sa pamamagitan ng pagpatay kay Mambo gamit ang lason. Sa kabilang banda, nakararamdam siya ng panghihinayang nang malaman niya ang kuwento ni Mambo.
Hanggang ngayon ay nanghihinayang pa rin siya kung bakit ganoon na lamang mag-isip si Mambo at kung bakit sumasabay na lang ito sa agos ng nasa paligid niya.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 12: Holy Land of Erekia]
FantasíaSynopsis Dahil sa kagustuhang makasama ang kanyang tiyuhin at kapatid, tinanggap ni Finn ang misyon ni Auberon para sa pitong pangunahing miyembro ng Order of the Holy Light na magtungo sa Holy Land of Erekia para imbestigan ang hindi pagpaparamdam...