Chapter XLIII: Against the One Who Plays the Harp: Vasiara the Illusionist
Kumalat na lang ang dugo ni King sa sahig at nagmistulan itong sanaw. Tuluyan na siyang nalagutan ng hininga at namatay siyang hindi tanggap ang kapalaran niya. Naging mapait ang kaniyang karanasan. Tinuring siyang halimaw ng kaniyang sariling pamilya dahil lang sa kagustuhan niyang bigyan ng hustisya ang ginawa sa kanila ni Lector. Ang lahat ng ginawa at pagsisikap niya, kasama na ang kasamaan ay para sa kaniyang pamilya, subalit hindi tinanggap ng mga ito ang kaniyang paraan.
Hindi niya iyon maintindihan, at hanggang ngayon, kahit napakatagal na panahon na ang nakararaan, hindi niya pa rin makalimutan ang kaniyang nakaraan.
Pero, ito na ang landas na kaniyang pinili. Hindi siya kailan man magiging mabuti. Pinili niyang maging masama dahil kapag masama siya, katatakutan siya at hindi lalamangan. Hindi rin niya sinusunod ang lahat ng gusto ng kaniyang mga magulang dahil ang tingin niya sa kaniyang sarili ay mataas, at ang tingin niya sa mga paraan niya ay tama at dapat lang.
Gusto niya pang buoin ang kaniyang pangalan, gusto niya pang mas tumatak ang kaniyang pangalan sa mga nilalang sa mundo ng mga adventurer, ganoon man, hindi na iyon mangyayari dahil patay na siya.
Hinugot ni Altair ang sibat sa dibdib ni King. Sandali niya lang itong tiningnan, at hindi siya makikitaan ng awa rito. Tumalikod na siya, at pagkatapos ay tahimik na bumalik sa balkonahe. Hindi niya pinakialaman ang bangkay dahil may kasunduan na ano man ang nasa katawan ng namatay ay mananatili rito.
“Napakaganda ng pagkapanalo mo, Tiyo Altair,” salubong na bati ni Finn.
Ngumiti si Altair at nang makalapag siya sa balkonahe tumugon siya. “Hindi sa mahina siya--masyado lang talaga akong malakas para sa kaniya. Sa totoo niyan, hindi naman sa nagyayabang, pero kayang-kaya ko pang lumaban dahil hindi naman ako masyadong naglaan ng lakas at enerhiya sa kaniya,” aniya.
Umakbay sa kaniya si Ploro at sinabing, “Ang taas talaga ng kumpyansa mo sa iyong sarili. Kung kaya mo pang lumaban, ibig bang sabihin ay kaya mong labanan ang isang 7th Level Supreme Rank?”
“Kung ganoon, bakit hindi mo ako nilabanan para matupad ang kasunduan at ipinangako natin sa isa't isa?” Tanong ni Ploro.
Pilit na ngumiti si Altair, at muling nagkaroon ng pagtatalo sa pagitan nila ni Ploro.
Tungkol kay Finn, hindi na siya nakigulo pa. Tiningnan niya muna ang naliligo sa dugong bangkay ni King bago siya bumaling kay Brien. Saglit na napakunot ang kaniyang noo nang makita niyang hindi nanggagalaiti si Brien sa galit. Pansin niya lang na malamig ang ekspresyon nito.
Hindi na hinintay pa ni Brien na magsalita si Finn para siya ay galitin. Inilabas niya na ang kaparehong dami ng Black Adamantium Metal at inihagis niya ito kay Finn. Binaligtad niya rin ang orasa, at nanatili lang siyang tahimik habang malamig ang tingin niya sa nagdiriwang na pangkat ni Finn.
Hindi siya masaya sa kanilang ikalimang pagkatalo, subalit inaasahan niya nang mangyayari ito dahil kung si Eisha ay natalo kay Yuros, hindi na nakapagtatakang natalo ni Altair si King.
Kahit na si King ay nagtataglay ng talentong hindi pangkaraniwan, malaki pa rin ang kakulangan nito sa paghawak sa isang sitwasyon. Hindi pa hasang-hasa si King sa isahang laban dahil ang kaniyang kasanayan ay nasa pagpaslang ng maramihan.
Wala pang laban na naipapanalo si Brien. Sobra niya itong ikinagagalit. Punong-puno na siya, subalit may natitira pang apat na miyembro ng Musikeros na lalaban para sa kaniya.
At ang natitirang apat na ito ang pinakamalalakas at pinaka maaayos na miyembro. Itong apat ang kaniyang pinaka inaasahan dahil walang problema ang mga ito sa pag-uugali. Hindi sila pinangungunahan ng emosyon, at mas lalong hindi sila mababaw mag-isip. Iyon ang kanilang kalakasan--kahit na ang ilan sa kanila ay walang gaanong pambihirang kapangyarihan.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 12: Holy Land of Erekia]
FantasySynopsis Dahil sa kagustuhang makasama ang kanyang tiyuhin at kapatid, tinanggap ni Finn ang misyon ni Auberon para sa pitong pangunahing miyembro ng Order of the Holy Light na magtungo sa Holy Land of Erekia para imbestigan ang hindi pagpaparamdam...