Chapter XIII

3.8K 893 57
                                    

Chapter XIII: Start of the Game

Gustong sumugod nina Devehra upang pakawalan at sagipin si Oriyel mula sa pagkakagapos nito sa loob ng hawla. Nakikita na ng kanilang mga mata ang pagdurusang dinanas at dinaranas ni Oriyel mula sa kamay ni Brien at ng grupong Musikeros. Gusto nilang magwala at kalimutan ang kasunduan na sasali sila sa palaro, pero kung gagawin nila iyon, alam nila na mas magiging komplikado ang lahat.

Hindi lang basta-basta ang kalaban nila ngayon. Ang kalaban nila ay pangkalawakang grupo ng mga kriminal na noon pa ay sakit na sa ulo. Marami nang krimen na ginawa ang Musikeros, at hanggang ngayon ay hindi pa rin sila nahuhuli sa kabila ng pagtugis sa kanila ng iba't ibang malalakas na puwersa mula sa iba't ibang upper realm.

Kung magpapadalos-dalos sila, masasayang ang pagkakataong ibinigay sa kanila ni Finn. Si Finn ang naghirap para gawin ni Brien ang palarong ito--na nagbibigay sa kanila ngayon ng maliit na tsansa para manalo.

Kung matatalo nila ang ihaharap sa kanilang kalaban, mayroong posibilidad na lumamang sila sa kalaban. Maaari nilang tapusin ang kasunduan at maaari silang magtulong-tulong para pabagsakin si Brien at ang Musikeros. Ang kailangan lang nilang gawin ngayon ay ang magtiis at magtimpi.

“Maililigtas natin si Oriyel at mapagbabayad natin sila sa pamamagitan ng kanilang buhay. Magtiis lang kayo at magtimpi sa ngayon,” halos pabulong na sabi ni Finn. Inakbayan niya si Yuros at nagpatuloy sa pagsasalita, “Tara na. Tatalunin natin siya sa sarili niyang laro.”

Hinudyatan ni Finn sina Devehra at ang mga holy knight na sumunod sa kanya. May animo'y malawak na bukas na balkonahe sa kasalungat na bahagi ng balkonahe na kinaroroonan nina Brien kaya doon sila nagtungo upang makipagharapan kay Brien at sa mga tauhan nito.

Humanay nang maayos ang mga holy knight. Nangunguna pa rin sa hanay si Vyuf, at naghihintay pa rin ito ng utos mula kay Finn.

Kung sasabihin ni Finn na lalabanan nila ang pangkat ni Brien nang harapan, susunod silang lahat dahil iyon ang kanilang sinumpaan bilang mga holy knight--ang sumunod sa namumuno sa kanila. Kung kokontra ang ibang miyembro ng Order of the Holy Light, ang susundin pa rin nila ay si Finn dahil kay Finn ipinasa ang responsibilidad ng pamumuno sa kanilang pangkat.

Makaraan ang ilang sandali, lumipad si Brien patungo sa pinakagitna ng ampiteatro. Nakangisi siya, at hindi niya inaalis ang kanyang mapanghamong tingin kay Finn. Ilang saglit pa, sinenyasan niya si Finn na lumapit. Ang kanyang pagsenyas ay may panghahamon.

Hindi nagdalawang-isip si Finn, umalis kaagad siya sa balkonahe at nagtungo sa kinaroroonan ni Brien sa kabila ng nag-aalalang pagtawag sa kanya nina Yuros at Altair.

“Huwag kayong mag-alala, wala siyang kayang gawin sa akin,” ani Finn.

Umismid si Faino dahil sa matapang na pahayag ni Finn. Pinagkrus niya sa kanyang dibdib ang kanyang mga braso at sinabing, “Hambog.”

Kahit na sinabi ito ni Faino, higit pa ring mas malaki ang suporta niya kay Finn. Ang pangunahing dahilan ay dahil ang kaharap nito ay si Brien na kanyang pinaka kinamumuhian.

“Siguro naman ay ipapaalam mo na sa akin ang kabuoang patakaran ng palaro mo?” Agad na panimula ni Finn. Hindi na siya nagpaligoy-ligoy pa dahil ayaw niyang makipagbolahan kay Brien. Gusto niya nang matapos ang lahat ng ito para na rin matapos na ang paghihirap ni Oriyel sa loob ng hawla na iyon. “Wala tayong mapapala sa pagtitinginan lamang. Ipaliwanag mo sa akin ang larong gusto mo, at makikipaglaro kami sa iyo.”

Humalakhak si Brien at pumalakpak. Nagkibit-balikat siya at sinabing, “Masyado kang mainipin. Maglalaro tayo kaya dapat ay masaya ka. Huwag mong masyadong alalahanin ng sobra ang patakaran ng larong ito dahil kahit bata ay madaling maiintindihan ang napakasimpleng patakaran ng palaro.”

Legend of Divine God [Vol 12: Holy Land of Erekia]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon