Chapter XXVIII: Forming an Alliance (Part 1)
Sa kasalukuyan, lumilipad sina Auberon, Aemir, Vishan, at Filvendor patungo sa lugar kung saan magpupulong-pulong sina Auberon, Aemir at ang mga nakatataas ng Ancient Elf Kingdom. Pinangunguhan sila nina Filvendor at Vishan. Hindi sa palasyo ang magiging lokasyon ng pagpupulong dahil sobrang halaga ng usaping kanilang tatalakayin. At dahil sa sobrang halaga nito, ang kanilang magiging lugar ng pagpupulong ay walang iba kung hindi ang nagsisilbing buhay ng Great Land of Elves--ang Great Elven Tree.
Ang Great Elven Tree ang tumutukoy kung ang lupain ng mga elf ay malapit nang mawasak o bumagsak. Kapag natuyot ang mga dahon nito, at kapag nagbagsakan na ang mga sanga nito, ibig sabihin ay nalalapit na ang pagkawasak ng Great Land of Elves.
Ito ang kanilang pinakamahalagang lugar sa kanilang mundo, at isa ito sa ipinagbabawal na puntahan ng mga pangkaraniwang elf dahil ang punong ito ang kanilang pinaka sagradong lugar.
Tanging ang mga kagaya lang nina Filvendor, Vishan, at ang mga elder ang may karapatan na makapunta sa Great Elven Tree.
“Sabihin ninyo, Vishan, Filvendor. Mayroon ba kaming dapat asahan sa ninyong mga elder? Mayroon ba silang opinyon tungkol sa alyansang ini-a-alok ninyo?” Tanong ni Auberon kay Filvendor nang matanaw niya na ang sagradong puno ng mga elf.
“Nagkasundo na kaming lahat tungkol sa pagbuo ng alyansang ito. Wala silang pagtutol sa alyansa, pero siguradong mayroon silang binabalak. Marahil maghahayag sila ng kanilang mga kondisyon,” sabi ni Filvendor.
“Wala na kaming kontrol sa bagay na ito. Wala na kaming gaanong kapangyarihan sa kanila dahil tatapusin na namin ang koneksyon namin sa Ancient Elf Kingdom. Hindi na nila kami gaanong pakikinggan kaya malaki ang posibilidad na mayroon na silang sariling binabalak,” seryosong komento ni Vishan.
Walang reaksyon si Auberon. Nanatiling malumanay ang kaniyang ekspresyon at malamig niyang sinabing, “Lalatagan kami ng mga kondisyon? Makikita natin. Kung ang kanilang hinihingi ay makabuluhan, maaari kaming sumang-ayon. Pero, kung sobra-sobra na iyon sa kaya ng aming kakayahan, sa tingin ko ay hindi kami ang nararapat ninyong kausapin para sa alyansa.”
Nagkatinginan sina Vishan at Filvendor. Halos pareho sila ng iniisip nang mga oras na ito. Kailangan nilang mapapayag sina Auberon, kailangang ang Order of the Holy Light ang maging ka-alyansa ng Ancient Elf Kingdom.
Hindi lang basta personal na pinili ni Filvendor ang Order of the Holy Light para alukin nila ng alyansa. Marami siyang dahilan kung bakit sila ang napili niya. Unang-una, ang Holy Light Realm na pinamumunuan ng Order of the Holy Light ay kapitbahay lang ng Great Land of Elves. Sila ang magandang piliin na ka-alyansa dahil magkapitbahay lang ang dalawang upper realm. Isa pa, napakaraming pagkakapareho ng Ancient Elf Kingdom at Order of the Holy Light. Prinsipyo man, paniniwala, katangian at marami pang iba. Maraming pagkakapareho ang mga elf at fairy--na sa tingin ni Filvendor ay mas maganda upang madaling magkasundo ang kani-kanilang mga kasapi at tauhan.
Bukod pa roon, ang Holy Light Realm ay isa sa pinakamalakas na upper realm sa kalawakan. Pinamumunuan ito ng ngayon ay pinakamalakas na nilalang--ng isang Immortal Rank na adventurer. Isa itong malaking kalamangan kaya kahit na lisanin nila ni Vishan ang Great Land of Elves kasama ang ilang mga tauhan, nakasisiguro pa rin siya na mapupunta sa mabuting kamay ang mundong kanilang pinamunuan nang mahabang panahon.
Ngayon, ang problema nina Filvendor at Vishan ay ang mga elder. Siguradong magkakaroon ng mga pagtatalo, pagtanggi, at pagsalungat. Kapag umabot sa puntong napagdesisyunan ni Auberon na huwag nang ipagpatuloy ang alyansa, magiging malaking problema ito para sa kanilang dalawa, at ang kanilang pag-alis ay mapapaliban.
Malapit na silang apat sa Great Elven Tree kaya hindi na sila nagkaroon pa ng pag-uusap. Nagpatuloy na lang sila hanggang sa marating nila ang kinaroroonan ng mga elder ng Ancient Elf Kingdom. Kung ikukumpara sa Order of the Holy Light, sila ang mga pangunahing miyembro ng Order of the Holy Light.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 12: Holy Land of Erekia]
FantasiaSynopsis Dahil sa kagustuhang makasama ang kanyang tiyuhin at kapatid, tinanggap ni Finn ang misyon ni Auberon para sa pitong pangunahing miyembro ng Order of the Holy Light na magtungo sa Holy Land of Erekia para imbestigan ang hindi pagpaparamdam...