Chapter XXI: Against the One Who Plays the Lyre: Lycari Enkan
Inaasahan na ni Finn at ng iba na si Lycari ang susunod na ilalaban ni Brien. Kilala si Lycari bilang pinakamahinang miyembro ng Musikeros--ito ang pinaniniwalaan ng karamihan, at ito rin ang impormasyon na nakuha ng Order of the Holy Light patungkol kay Lycari. Dahil ito na ngayon ang lalahok, ang atensyon ni Finn ay itinuon niya rito. Sinuri niya ang kabuoan nito mula sa hitsura hanggang sa aura na tinataglay nito.
Kung ilalarawan ni Finn si Lycari, masasabi niyang ang kabuoang hitsura nito ay hindi pangkaraniwan. Nagtataglay ito ng angking ganda na natural na katangian ng nagmula sa lahing fairy. Mayroon itong balingkinitang katawan at nakakaakit na pigura. Tila ba lason ang kagandahang taglay ni Lycari dahil kaya niyang akitin ang karamihan dahil sa kanyang taglay na kagandahan.
Ang tanging kulang lang kay Lycari ay ang kanyang mga mata. Sinasabing siya ay natural na bulag. Hindi niya naiimulat ang kanyang mga mata, at wala ring impormasyon ang iba kung ano ang totoong sitwasyon ni Lycari. Marami ang nahihiwagaan kung talaga bang natural na ito at hindi na kayang gamutin pa. Maging si Finn ay nahihiwagaan, subalit naiintindihan niya na may mga kondisyon na hindi kayang gamutin kagaya na lang ng kondisyon ni Riyum kung saan hindi na magagamot ang kanyang pagiging isip bata.
Isa pang kapansin-pansin na katangian ni Lycari ay ang kanyang pakpak. Kahit na siya ay fairy, ang kanyang mga pakpak ay kakaibang-kakaiba sa pakpak nina Devehra. Itim ang kanyang pakpak, at hindi na iyon nakapagtataka dahil isa siyang dark fairy.
Kung sina Devehra ay light fairy, si Lycari ay isang dark fairy. Ang lahi nilang dalawa ay natural na mortal na magkaaway dahil magkaibang-magkaiba ang kanilang pananaw sa buhay.
Kung ang light fairy ay natural na may pagpapahalaga sa buhay, at may pagpapahalaga sa hustisya, ang mga dark fairy ay wala. Natural na ang kasamaan sa halos lahat sa kanila, subalit kagaya ng mga demonyo, hindi lahat ng dark fairy ay masama, at hindi lahat ng light fairy ay mabuti.
Iyon ang pangunahing katangian ng bawat lahi, subalit depende pa rin sa daan nilang pipiliin ang magpapasya kung mabuti sila o masama. At si Lycari, mas pinili niyang magpadala sa agos dahil mas pinanindigan niya na dapat siyang masama dahil sa kaniyang pagiging dark fairy.
“Lycari Enkan... ang papel niya ay sobrang halaga. Siya ang nagsisilbing tenga ni Brien at ng Musikeros. Nalalaman niya ang pagdating nang kung sino man dahil sa kanyang katangi-tanging kakayahan,” pabulong na sambit ni Finn. Sinulyapan niya ang kaniyang mga kasama. Tiningnan niya ang mga ito at sinabing, “Sino sa inyo ang lalaban? Hindi na kayang lumaban pa ni Whang, at siguradong hindi niya na magagamit ang kanyang ikalawang pagkakataon na lumaban.”
Huminga siya ng malalim at nagpatuloy sa pagsasalita, “Kailangan nating pag-isipan ang paggamit sa pagkakataon natin. Kung si Devehra o si Esperanza ang ilalaban natin, maaaring matapos agad ang laban at manalo kaagad tayo, subalit mababawasan ang tsansa natin na manalo sa mga susunod na laban.”
“Sa tingin ko ay ako na la--”
“Ako na ang lalaban,” putol ni Yasuke sa sinasabi ni Yuros. Sumeryoso ang kaniyang ekspresyon at taimtim niyang tiningnan si Lycari, “Kahit na ito ay digmaan, bilang mga mandirigmang may prinsipyo't paninindigan, dapat natin silang labanan ng patas. Kahit na hindi sila lumalaban sa natural na paraan, mas gusto ko pa ring lumaban nang patas.”
“Mahina ako sa pisikal na lakas, at iyon ang dahilan kaya gusto kong labanan si Lycari. Pareho kaming hindi dumedepende sa pisikal na lakas kaya tama lang na kami ang maglaban,” paliwanag pa ni Yasuke.
Humanga si Finn sa paninindigan at prinsipyo ni Yasuke. Ang mga ganitong klase ng adventurer ang labis niyang hinahangaan. Sa isang laban, marahil mahalaga ang manalo, subalit minsan, mahalaga rin kung nanalo ka ba na lumalaban ng patas. Isa pa, mahalaga sa mga adventurer ang katuparan--lalo na sa mga adventurer na may integridad at paninindigan.
![](https://img.wattpad.com/cover/321292381-288-k437962.jpg)
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 12: Holy Land of Erekia]
FantasiSynopsis Dahil sa kagustuhang makasama ang kanyang tiyuhin at kapatid, tinanggap ni Finn ang misyon ni Auberon para sa pitong pangunahing miyembro ng Order of the Holy Light na magtungo sa Holy Land of Erekia para imbestigan ang hindi pagpaparamdam...