Chapter XLI: Someone Who Chooses to be Evil (Part 2)
Matapos ang madamdaming pag-uusap ng pamilya, sinimulan na ni Rachel ang paglilinis sa mga sugat ni Jerome habang nagkusa si Baste na maghain ng pagkain para sa kanilang tatlo. Nilagyan din ni Rachel ang mga sugat ng herbal na gamot, at pagkatapos nito, binalutan niya ang buong katawan ni Jerome ng benda. Pati ang mga braso't binti nito ay binalutan niya rin dahil marami rin itong mga kalmot, galos, pasa, at hiwa.
Mabuti na lang, walang tinamong pinsala si Jerome na malubha, at mapanganib sa kaniyang buhay. Magagamot na iyon ng simpleng herbal na mga gamot, subalit kakailanganin pa rin niya ng ilang buwan upang siya ay tuluyang gumaling. Maaari silang magtungo sa kabayanan upang bumili ng gamot na makapagpapagaling kaagad sa kaniyang mga pinsala, subalit siya at si Rachel ay natatakot na baka maloko sila. Hindi sila marunong tumingin ng kayamanan, at wala rin silang kakilala nagbebenta ng mga gamot sa kabayanan.
Isa pa, ang pinaka dahilan ni Jerome kung bakit niya tinitiis na lang ang sakit ay dahil ayaw niyang gumastos para sa kaniyang sarili. Gusto niyang ang lahat ng kinikita niya, maliban sa gastusin nila sa pang-araw-araw ay mapunta sa kanilang ipon para sa paghahanda ni Baste sa hinaharap nito. Marami itong kakailanganin sa pagsasanay, at higit pa roon, kakailanganin din nito ng pera para makapasok sa isang maayos na paaralan.
Naghapunan ang mag-anak, at pagkatapos nilang kumain, nagkuwentuhan lang sila sandali tungkol sa mga nangyari sa nakalipas na mahigit tatlong buwan.
Habang nagliligpit si Rachel ng mga pinagkainan, binanggit niya ang tungkol sa katigasan ng ulo ni Baste. Ikinuwento niya kay Jerome ang pagsasanay nito nang wala ang pagpayag niya. Siyempre, nakatikim si Baste ng pangaral sa kaniyang ama. Pinagsabihan siya nito, subalit sa huli ay sinabi rin nito na natutuwa siya dahil sa pagiging pursigido ni Baste na lumakas.
Pagkatapos ng sandaling kuwentuhan, inalalayan na ni Baste ang kaniyang ama patungo sa kwarto nito. Inihiga niya ito sa higaan, at ilang segundo pa lang ay agad din itong nakatulog.
Bakas sa mukha ni Jerome ang matinding pagod. Halata rin na hindi ito nagkaroon ng maayos na tulog dahil sa nangingitim na ang ilalim ng mga mata nito, at mas lalo pa itong nangayayat. Napakaraming sakripisyo ang ginagawa ni Jerome para sa kaniyang pamilya. Napakasipag niya at napakabuti, at kung patas lang si Lector sa nagdaang mahigit limang taon, maganda na sana ang kanilang buhay, at hindi nila kailangang magtiis sa ganitong estado. Magkakaroon sana sila ng maayos na tirahan sa kabayanan, at magagamot sana ang natural na mahinang katawan ni Baste.
Ganoon man, ganito kalupit ang mundo kung saan mismong kamag-anak mo pa ang manlalamang sa iyo. Sa halip na tulungan sila ni Lector na umangat, iniwan sila nito sa baba para mag-isang umangat at maging marangya.
Alam nilang mag-asawa ang nangyayaring panlalamang, subalit umaasa pa rin sila na magbabago ang ihip ng hangin. Umaasa sila na darating ang araw na magiging patas si Lector.
Pagkatapos pagmasdan sandali ang ama, lumabas at nagtungo na si Baste sa sarili niyang kuwarto matapos siyang sabihan ni Rachel na magpahinga na rin. Sinabi nito na kailangan niya nang ipahinga ang kaniyang katawan, mga braso, at kamay dahil hindi pa rin siya lubusang magaling.
Sinunod ni Baste ang payo ng kaniyang ina. Nagpahinga na siya, subalit hindi siya makatulog dahil iniisip niya ang tungkol sa bibilhing gamot ng kanilang pinsan upang matulungan ang kondisyon niya. Nakararamdam siya ng pananabik dahil sa isip niya, magkakaroon na ng pag-asa na lumakas siya.
Ilang oras pang nagpatayo-tayo si Baste. Pabalik-balik siya sa paghiga, subalit hirap na hirap siyang makatulog dahil sa iniisip niya. Makalipas ang ilang oras, nang malalim na ang gabi, nakaramdam na rin siya ng antok. Kusa nang pumikit ang kaniyang mga mata at tuluyan na siyang tinakasan ng kamalayan. Naging madilim ang lahat. Nakatulog na rin siya, at natulog siyang sabik para bukas.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 12: Holy Land of Erekia]
FantasíaSynopsis Dahil sa kagustuhang makasama ang kanyang tiyuhin at kapatid, tinanggap ni Finn ang misyon ni Auberon para sa pitong pangunahing miyembro ng Order of the Holy Light na magtungo sa Holy Land of Erekia para imbestigan ang hindi pagpaparamdam...