Chapter XL: Someone Who Chooses to be Evil (Part 1)
Sa paanan ng bundok, sa tabi ng isang munting bahay na yari sa kahoy, paulit-ulit ang isang batang lalaki sa paghampas ng kahoy na espada sa hangin. Patuloy siya sa kaniyang ginagawa kahit na malinaw na pagod na pagod na ang kaniyang katawan at namamaga na ang kaniyang mga kamay. Binibilang niya ang bawat paghiwa niya ng espada. Malapit na sa isandaan ang kaniyang bilang, subalit huminto siya at napabitaw na lang siya sa kahoy na espada.
Napaluhod siya sa lupa at hindi niya napigilan na umiyak dahil sobra siyang namimilipit sa sakit. Bumagsak sa lupa ang kaniyang katawan. Pagod na pagod siya. Naliligo siya sa pawis at nanginginig ang kaniyang buong katawan. Hindi niya na kayang igalaw ang kaniyang katawan, at bago siya tuluyang mawalan ng malay, doon niya narinig ang pamilyar na tinig, at bakas niya sa boses nito na sobra itong nag-aalala sa kaniya.
“Baste! Anak! Bakit mo ba pinipilit ang sarili mo?! Alam mo namang mahina ang katawan mo kaya hindi ka puwedeng mapagod nang sobra!” Umiiyak na sabi ng nanay ng batang lalaki.
Binuhat ng babae ang batang lalaking nagngangalang Baste papasok sa munting bahay. Pinunasan niya ang katawan ng kaniyang anak, at habang ginagawa niya ito ay wala pa ring tigil ang kaniyang pag-iyak. Sobra siyang nag-aalala sa anak niya, pero wala siyang magawa dahil hindi nila kayang bigyan ng maginhawang buhay ito.
Kahit na sobrang hapdi ng mga kamay ni Baste, pilit niya pa ring itinaas ang kaniyang mga kamay. Umiiyak din siya dahil sa sakit na kaniyang nararamdaman, at mas naiiyak siya dahil nakikita niyang umiiyak ang kaniyang ina.
Hinawakan ni Baste ang pisngi ng kaniyang ina. Natigilan ang babae, at mas lalo itong naiyak dahil sa ginawa ng kaniyang anak.
Pahikbi-hikbi si Baste at pilit siyang nagsalita, “P-Patawad, I-Ina... P-Pinaiyak na naman k-kita.”
Mas lalong bumuhos ang luha ng babae. Hindi na siya nagsalita, bagkus hinagod-hagod niya na lang ang buhok ng kaniyang anak.
Simple lang mag-isip si Baste, subalit alam niyang siya ang dahilan kaya naiyak ang kaniyang ina. Ipinaunawa na sa kaniya ng kaniyang mga magulang na masyadong mahina ang kaniyang katawan. Hindi siya angkop na magsanay, at isa pa, labing isang taon pa lamang siya kaya hirap siya kahit sa simpleng pagsasanay ng kaniyang katawan.
Sa mundong ito, kung hindi gumagamit ng kayamanan, ang karaniwang gulang ng pagsasanay bilang adventurer ay labindalawang taong gulang dahil sa puntong ito pa lamang tumitibay ang katawan ng isang tao. Ito pa lang din ang angkop na gulang para umabsorb ng natural na enerhiya sa kapaligiran.
At malapit ng umabot si Baste sa gulang na ito. Nangako sa kaniya ang kaniyang ama't ina na kapag tumuntong na siya sa labing dalawang taong gulang, tuturuan na siya ng kaniyang mga magulang na mag-absorb ng natural na enerhiya. Sa paraang ito ay mas lalo niyang mapatitibay ang kaniyang katawan, lalakas siya at ang kaniyang pangarap para sa kaniyang mga magulang ay magagawa niya na.
Ganoon man, kailangan niyang ihanda ang kaniyang katawan dahil kapag hindi kinaya ng kaniyang katawan ang pag-absorb sa natural na enerhiya, ibig sabihin ay hindi niya maaaring pasukin ang pagiging adventurer dahil wala siyang talento rito. Magiging pangkaraniwan lang siyang tao na ang maaaring gawin ay magtrabaho bilang ordinaryo.
Hindi iyon ang pangarap ni Baste dahil ang gusto niya ay maging adventurer kagaya ng kaniyang ama at maging malakas para hindi na sila manirahan sa ganito kaliit na tahanan.
Lumipas ang buong araw. Lumubog na ang araw at dumilim na ang kalangitan. Nakakatayo't nakakagalaw na muli si Baste, subalit masakit pa rin ang kaniyang buong katawan lalong-lalo na ang kaniyang mga kamay. Nakarinig siya ng mga tinig sa labas kaya nanabik siya. Narinig niya ang boses ng kaniyang ina't ama, at naririnig niya na may kausap ito na pamilyar na boses.
![](https://img.wattpad.com/cover/321292381-288-k437962.jpg)
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 12: Holy Land of Erekia]
FantasíaSynopsis Dahil sa kagustuhang makasama ang kanyang tiyuhin at kapatid, tinanggap ni Finn ang misyon ni Auberon para sa pitong pangunahing miyembro ng Order of the Holy Light na magtungo sa Holy Land of Erekia para imbestigan ang hindi pagpaparamdam...