Chapter XXXIX

3.5K 776 27
                                    

Chapter XXXIX: Suffering Deafeat After Defeat

Kahit na nanggagalaiti si King sa galit, hindi siya pinangungunahan ng kaniyang emosyon. Hindi siya kagaya ni Eisha na nawawala sa sarili dahil napangungunahan ng emosyon, ganoon man wala siyang pinagkaiba rito dahil masyado siyang hambog at mapagmalaki. Mababaw siyang mag-isip kaysa kay Eisha, at ang tingin niya sa lahat ay mas mababa sa kaniya. Ganoon siya ka-mapagmalaki kaya madalas siyang salungatin at pagtulungan ng kaniyang mga kasama sa grupo.

Pero, wala siyang pakialam. Mula pagkabata niya ay salungat na sa kaniya ang lahat kaya hindi na siya nakikipagtalo, bagkus hinahamon niya na lang ang mga ito sa laban kahit na madalas siya ay talo.

Nang muling sumagi sa isip ni King ang tungkol sa kaniyang nakaraan na matagal niya nang kinalimutan, muli siyang nakaramdam ng galit, at bukod pa roon--lungkot. Tagong-tago iyon sa kaniyang mga mata, pero kung pagmamasdang mabuti ang walang buhay niyang mga mata, animo'y libo-libong alaala ang makikita.

Isa iyong masalimuot na alaala na pilit niyang kinalilimutan at binubura sa kaniyang isipan. Iyon din ang rason kung bakit niya piniling kalimutan ang lahat ng mayroon siya na nagpapaalala sa kaniyang nakaraan. Kinalimutan niya ang kaniyang pangalan, at pinalitan niya ito ng pangalang ‘King’. Dahil sa kaniyang nakaraan kaya siya naging piniling masama. Magkaiba sila ng karanasan ni Lycari, at siya ang pumili ng landas na ito kahit na itinuro sa kaniya na dapat maging mabuti at mapagkumbaba siya sa lahat ng pagkakataon.

Ipinikit niya ang kaniyang mga mata. Mas tumindi ang pagngitngit niya sa kaniyang mga ngipin. Ayaw niya nang alalahanin ang lahat ng iyon, pero kusa na lang iyong pumasok sa kaniyang isipan. Iyon ang gusto niyang mabura sa kaniyang pagkatao, subalit hindi iyon maalis at mas naging sariwa pa iyon matapos ipakita sa kaniya ni Vasiara ang kaniyang nakaraan sa pamamagitan ng ilusyon.

“Ako si King!!!” Pagsigaw niya at marahas niyang kinudlit ang lahat ng pisi ng sitar.

Nagpakawala siya ng marahas na enerhiya. Ang enerhiyang ito ay namuo bilang malaking alon na patungo kay Altair. Sabay-sabay ring sumugod ang mga galamay, at wala ng matatakasan pa si Altair dahil kahit umatras siya, hahabulin pa rin siya ng mga galamay at dambuhalang alon.

Inihanda niya ang sibat sa kaniyang kamay. Napanatili niya ang kaniyang pagiging kalmado sa kabila ng tensyong dulot ng mga magkakasabay na atake ni King. Ipinikit niya ang kaniyang mga mata, at pagkatapos ay sinugod niya ang mga galamay at alon bitbit ang kaniyang sibat.

“Art of Light Draco: Holy Charge.”

Bumilis ang kaniyang pagsugod. Protektado siya ng bumabalot sa kaniyang katawan na ginintuang liwanag. Nakasisilaw ang liwanag, at halos hindi na makita ang pigura niya.

Sinabayan niya ang dambuhalang alon at mga galamay. Parehong kumpyansa sina Altair at King sa kanilang mga atake, at ilang sandali pa, matapos magtagpo si Altair at ang mga atake ni King, isang napakalakas na pagsabog ang umalingawngaw na sinabayan ng pagyanig ng buong ampiteatro. Kumalat din ang hamog sa buong ampiteatro. Maging ang dalawang balkonahe at ang haula ni Oriyel ay nahamugan.

Nairita si Brien sa hamog sa ampiteatro, at alam na kaagad ni Pluto ang kaniyang kailangang gawin kaya hinipan niya ang plauta. Naglaho ang hamog. Basang-basa ang arena dahil sa alon na gawa ni King. Kapansin-pansin na kasalukuyan pa ring matikas na nakatayo si Altair sa ere habang si King ay nakahandusay ngayon sa sahig.

Naglaho na ang mga galamay na tumubo sa likuran niya. Nawala na rin ang pinag-isang kapangyarihan na nakapaligid sa kaniyang katawan. Nawala na ang hindi kompletong baluti at korona, subalit nananatili pa ring may malay si King.

Duguan lang siya at walang tigil ang pagbulwak ng dugo sa kaniyang bibig, at higit sa lahat. Kasalukuyang nakatarak sa kaniyang tiyan ang sibat ni Altair dahilan para siya ay dumikit sa sahig.

Legend of Divine God [Vol 12: Holy Land of Erekia]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon