Chapter IV: Traced
Papalapit nang papalapit ang Imperium sa Holy Land of Erekia. Pilit na kumakalma ang bawat isa kahit sobrang tensyon na ang kanilang nararamdaman. Pinapalawak nila ang kanilang pandama, at pinakikiramdaman nila ang paligid sa maaaring nalalapit na panganib. Sinubukan ni Finn na pakiramdaman kung mayroong nag-aabang sa kanila, pero wala siyang maramdamang presensya na malapit sa kanila.
Hindi pa sila natatagpuan ng mga kalaban, subalit mayroon ding tanong na namumuo sa isipan ni Finn habang pinakikiramdaman ang Holy Land of Erekia.
‘Walang senyales ng buhay na malapit sa lugar na aming kinaroroonan,’ sa isip ni Finn.
Hindi niya alam kung pinasadya ito ng mga nagpapalipad sa Imperium para hindi kaagad sila matunton ng mga kalaban. Mas pabor sila rito, subalit mayroon ding posibilidad na naiisip si Finn na hindi niya gugustuhing maging totoo.
Habang malalim na nag-iisip, nagsimula na si Devehra na magbigay ng mga tagubilin sa mga holy knight. Sobrang lapit na nila sa Holy Land of Erekia kaya inatasan na ni Devehra ang mga holy knight na lumabas sa barrier ng Imperium upang kumalat sa paligid.
Pumalibot sa Imperium ang kulang-kulang na limang daang holy knight. Ang kapitan ng mga holy knight at ang iba ay abala pa rin sa pagpapalipad ng air ship kaya hindi pa sila lumalabas.
Nanatili sina Finn sa Imperium. Pinakikiramdaman pa rin nila ang paligid. Alerto sila sa mga maaaring mangyari dahil ano man ang mangyari, sanay na ang bawat isa sa kanila sa ganitong sitwasyon. Walang makapagsasabi sa kanila kung nagtatago lang at nag-aabang ang mga kalaban sa paligid. Kung magpapabaya sila, ang kanilang misyon ay matatapos nang wala silang nagagawang makabuluhang aksyon.
Hanggang sa pagpasok nila sa himpapawid ng Holy Land of Erekia, nanatiling alerto ang walo. Huminto na rin ang Imperium sa paglipad, at umayos na ito ng posisyon. Lumabas na si Vyuf at ang kanyang mga kasama.
Sa kanilang paglabas, ang Imperium ay nagsisimula na rin sa pagbabalik nito sa munti nitong anyo.
“Pagkatapos makuha ang Imperium, magtutungo tayo sa timog para puntahan ang lugar na pansamantala nating pamamalagihan. Doon muna tayo pansamantalang magtatago habang iniimbistigahan natin kung ano ang nangyayari sa lugar na ito,” sambit ni Devehra.
“Wala ba kayong napapansin na mali? Hindi ba't parang kataka-taka na wala man lamang bakas ng buhay sa lugar na ating kinaroroonan. Wala akong maramdamang buhay na nilalang sa paligid natin gayong sa pagkakaalam ko, bilyon-bilyon ang mga taong naninirahan dito,” biglang sabi ni Esperanza habang lumilingon-lingon siya sa paligid.
Tama, ang mga naninirahan sa mundong ito ay puro mga tao. Walang kahit anong nilalang dito bukod sa mga tao dahil isa sa batas ni Liere na tanging mga tao lamang, bukod sa mga holy knight ng Order of the Holy Light ang maaaring manirahan sa Holy Land of Erekia.
Ayon sa impormasyong nalaman ni Finn, sagad sa buto ang muhi ni Liere sa mga vicious beast, monstrous beast, beastman, demonyo, merfolk, at sa marami pang lahi. Pinapaboran lang ni Liere ang mga lahi na maharlika kagaya ng mga fairy, elf, at iba pang lahi na mayroong magagandang hitsura. May nagaganap na diskriminasyon sa mundong ito, subalit isa iyon sa hindi pinakikialaman ng Order of the Holy Light dahil wala iyong malaking epekto sa kanilang pamumuno sa Holy Light Realm.
Isa pa, sa tuwing kaharap ni Liere ang nagmula sa Order of the Holy Light na kinasusuklaman niyang lahi, marunong pa rin siyang magpakumbaba at magbigay ng respeto. Talaga lang namimili siya ng kinakaya niya at kinakalaban niya. Ganoon kasamang tao si Liere. Nagbibigay siya ng respeto sa mga kinatatakutan niya habang sa iba ay napakababa ng tingin niya.
Walang makatugon sa sinabi ni Esperanza. Nakakaramdam din sila ng komplikasyon, at alam nilang mayroong mali sa nangyayari dito.
“Kung pare-pareho tayo ng iniisip, malaki ang posibilidad na ang lahat ng may buhay sa mundong ito ay wala na. Naging biktima sila ng paglusob ng mga dayuhan,” malamig na sambit ni Yasuke. Humigpit ang hawak niya sa hawakan ng kanyang katana na kasalukuyang nakasukbit sa kanyang tagiliran. “Ang mga kasuklam-suklam na iyon... kung totoo man ang naiisip ko, sisiguruhin ko na magbabayad sila sa ginawa nila,” dagdag niya pa at bakas na bakas sa kanyang mga mata ang matinding galit.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 12: Holy Land of Erekia]
FantasySynopsis Dahil sa kagustuhang makasama ang kanyang tiyuhin at kapatid, tinanggap ni Finn ang misyon ni Auberon para sa pitong pangunahing miyembro ng Order of the Holy Light na magtungo sa Holy Land of Erekia para imbestigan ang hindi pagpaparamdam...